Bonifacio jpeg

Sinumang Dayo

(Sa Ika-117 Taong Gunita ng Kalayaan)

Sinumang dayo

ang sa baya’y lumupig

lagi’t lagi kaming tumitindig

Espanya, Inglatera, Amerika at Hapon

kahit na nga si Limahong ay aming itinaboy

Anu’t itong Tsina

sakop naming karagatan

mga umbok na bato’t lupa

ay kanilang tinambakan

gusali’t paliparan

ay kanilang tinayuan

kabayan kong mga mangingisda

tila mga batang ipagtabuyan

sa kalbong pamunuan

may bantang iniwan

Nalimot na nga ang dating

simulaing ipinaglaban

palayain ang bawat bansa

sa kuko ng imperyalistang hibang

kapangyarihan sa kabuhaya’t armas

yabang na ipinandarahas

sosyal-imperyalista na nga ba

turing na dapat sa higanteng Tsina?

Mayaman ang aming bayan

sa aral ng dakilang kasaysayan

aming ninuno’y lubusang nanindigan

sa  mga mananakop na imbing sukaban

nanangan sa dumaloy na giting at tapang

dugo ma’t buhay ay handang ihain

dayuhan nangaduwag nang ito’y palayasin

Sinumang dayo

maging kanluraning Amerikano o asyanong Tsino

kung ang layun ay tuso

hindi kami pasisino!

Emanzky88

12 Hunyo 2015

2:30 n.u

Advertisements

Bonifacio jpeg

TAKAS SA HUNYO

Himpapawid
Philippine Airlines
12 Hunyo 1992

Isang asul na travelling bag, tatlong t-shirt na puti, limang may kolar, dalawang pantalon maong, apat na Warren brief, pang-ginaw na may tatak na Planet Hollywood, tutbras at tutpeys, dagdag pa rito ang tig-sampung Lomotil at Biogesic, isang katamtamang bote ng Omega Painkiller, pulang dyornal na may limangdaang pahina, isang dekada ng mga nalikhang tula, isang libro ni Lualhati Bautista- Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento, Rashomon at iba pang kwento ni Ryonosuke Akutagawa, kaset teyp ni Joey Ayala,Tracy Chapman at Gary Granada. Makapal na Japanese Dictionary . Isang kopya ng family picture na inipit sa pulang dyornal. Pinakamahalagang hindi ko dapat malimutan ay ang mga importanteng dokumento—Pasaporte, Seaman’s Book, Yellow Card, SOLAS, iba pang sertipiko sa pagsasanay.

Nag-LRT lang ako, sa may 5th Avenue station, kasagsagan ng mga pasahero. Maganda ang sikat ng araw, mabilis din ang naging takbo kasimbilis nang pagwagayway ng mga bandila na sumasayaw sa hangin sa gawing sakop ng Luneta Park. Ewan, kung para bang nagsesenti lang, tipong ayaw makakita ng mga mukhang nalulungkot , na ayaw lang umayon sa kalakaran baluktot, ni isa sa angkan, ni isang kaibigan ay hindi na inabala.

“Wow hebi ang tindi ng drama. Independence Day, tatakasan ang bayang-sawi, magpapaalila sa mga kapitalista’t dayuhan?!”

“Akala ko ba’y mahal mo ang iyong bayan?”

“Tatakasan mong kilusan dahil batbat ng kaguluhan?”

Mga boses na sumasalit ang sumbat, uyam at habag. Tinig na pumipiglas sa impit na kaloob-looban.

Sa Baclaran station ako inihatid nang tulirong isip. Makupad na inihakbang ang mga paang pababa ng hagdan. Kawalang libog akong sumakay ng taxi.

“NAIA!” hudyat sa drayber.

Tatlumpung libong piye na ang taas namin sa alapaap, anunsyo ng piloto. Nakarehistro pa sa isip ang eksena kanina sa airport.

Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad
na kasarinlan:

pinay, humalik sa papaalis
na sakang
luha sa kinse-anyos
na dalagita’y nangilid
tutungo sa bayang
lapad ang sisikatan.

pamilya’y tumunganga sa anak
na paalila
kinodakan ang malungkot na mata
hindi alam kung saan pupunta.

asawa’y iiwan, nakatanaw
sa kawalan.
magsing-irog, walang katapusang
pagpapaalaman.

matanda’y pinamaypay ang visa
niyang tangan.

nilaro ng ulap
kahirapang iniwan.

Sa bansang pupuntahan, naghihintay ang barkong sasampahan ko…ang barkong M.V Clipperventure-L.

Kahit paano ang gawin. “Naghuhumiyaw ang katotohanan na ang bansang pupuntahan mo…ang makapangyarihang bansa na kinondena sa mahabang panahon…ang Amerika!”

*unang nalathala ang tulang TAKAS SA HUNYO sa Philippine Seamen Assistance Program (PSAP) sa The Netherlands at ANI Journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP)