Enero 2009


1_448181532m

Kay Seth

Ni minsan ay hindi ko pinangarap
na mangibang bayan.
doon ay walang tagayan
sa inuman.
mag majong sa magdamagan.
pagtawa nang malutong
ay kanilang susupilin.
kulay ay lalaitin
at hindi kikilalanin.

Gusto ko’y sinigang
na hindi artipisyal.
may abutan sa kapit-bahayan
anumang lutuin ni inay.
lamayan kung may namatayan
may dalit ang mga kabataan.
sa pagkain ay inaanyayahan
ipagluluto kung kailangan.

Emanzky88
20 Agosto 1991

(c) 2009 Kwentulang Marino

0e4c18fe615f7946Napangiti na hinaluan nang kurot sa’kin didbdib ang kababasa ko lang nyus- ‘Pinoy loses job for ‘un-Australian toilet habits’ Sa loob-loob ko’y iisa lang ang kinasapitan nating kapalaran – Amador Bernabe, 43 machine operator sa Townsville Engineering Industries (TEI) -diskriminasyon!

Narating ko na rin ang Townsville sa Australia, mismong dito rin s’ya nakatikim nang diskriminasyon. Kung bakit si Amador Bernabe ay natanggal sa kanyang trabaho dahil lang sa paghuhugas ng puwet at di sa pamamaraan nang paggamit ng tisyu! Sa akin naman ay hindi sa usapang hugas puwet.

Gumimik kami ni 3/Officer Isidro Natalaray sa isang disco bar, totoo pag-usapang sayaw alaws akong binatbat. Sa lahat ng marinong pinoy tonto ako sa sayawan,’yan ang madalas ikantyaw sa’kin ng mga babae sa South America. Banat ba naman sa amin nung dalawang Australyano “saan ba kayo galing na tribu?” napaka-primitibo daw yun sayaw namin.

“Wala ka na kakong pakialam sa sayaw namin at ‘yun iniinom namin ay hindi kayo ang nagbabayad!” may paghahamon ‘kong sagot.

Naalala ko tuloy si Sr.Chit, isang madreng pinay na nakatalaga sa isang Seaman’s Center.

“Akala mo ba lahat ng mga Australyano na ‘yan eh sanay bumasa, hindi rin nakapag-aral ang mga ‘yan, mayayabang ‘yun mga nangdidiskrimina na ‘yan, eh ano ba dati ang Australya- tapunan lang ng mga patapon na tao mula sa Britanya” pagmamalaki n’yang kwento.

Sa batas ng pananakop, kailangang ipakita mo na superyor ka sa lahat ng aspeto-lahi, pamamalakad, pag-iisip, pagkain, musika, pelikula, lakas pang-gyera at iba pa. Hindi kataka-taka na ang mga nasakop o nakolonyang bansa ay ganun na rin ang pag-iisip, kumilos at kadalasan ay mas masahol pa sa kanilang mga amo.

Bawat lipunan o indibidwal may “prejudice” o hindi paggalang sa ating kapwa o kanyang kulturang pinagmulan. Mismong tayong mga pinoy ay dinidiskrimina natin ang nanggaling sa Bisaya, Kabikulan at mga kapatid natin sa Mindanao.”Bisaya ka ba?” may tonong lahat ba nanggaling sa Kabisayaan ay katulong o kasambahay?

Nakaraang buwan, tinanong ko ‘yun isang beterano na matagal na rin naninirahan sa U.S

“Sino po ba ibinoto n’yo, si Obama po ba?” pakumbaba ‘kong tanong.

“Ba’t ko iboboto ‘yun alam mo bang ‘yun mga negro na ‘yan ang karaniwan gumagawa ng krimen sa U.S?” arogante n’yang sagot sa’kin.

Karaniwan persepsyong nakukuha ko sa pakikipag-usap sa mga pinoy naninirahan sa U.S at Canada ay mababa ang pagtingin sa mga itim, midel istern at Latino.

Nagmamalaki tayong malinis sa katawan, ilan beses tayong maligo sa isang araw. Sa usapang OFW may diskriminasyon tayo sa mga Intsik, Koreano na bihirang maghugas ng pekpek ang mga kababaihan nila. Ang mga Koreano naman, “bat daw tayo kumain ng naka-kamay”? Katwiran naman nung kausap kong kabayan nag-trabaho sa Korea.”kanan naman ang ginagamit natin, sila nga pag-pumufu hindi naghuhugas, tisyu lang!” kontra-argumento n’ya.

Sa barko, nakipagtalo ko sa isang opisyal na Griyego, ipinagmamalaki n’yang mayaman ang kanilang kasaysayan kesa sa mga Intsik.

“H’wag mong maliitin ang mga intsik dahil mayaman din sila sa kasaysayan,” nayayamot ‘kong sagot. Bat ko daw alam, siguro komo mutsaso lang ang trabaho ko sa barko, ganun na tingin sa akin.”nagtapos ako sa kolehiyo” tumahimik!

Ayaw nilang pritong daing o tuyo; nagdidipa sila na sobra ang baho. Ala rin magawa, Pwede ba sila sa pinoy na makikipag-away pag pritong tuyo na ang pinag-usapan, magkaka-mutiny sa barko! Nakagawa tuloy ako ng isang tula dahil sa pangyayaring ito na may titulong “Salungat Sa Agos” (tingnan sa kategori-Tulang Byahe) ilan sa linya ay;

pritong daing
h’wag laitin
igaya sa amoy
rasistang kambing…

Mahalaga, anuman kulay natin, lahi, kinakain at itinatae, gumagamit man tayo ng tisyu o hindi, nagkakamay o kubyertos, sama-sama man ang pagkain sa isang plato, tumatakam, amoy sibuyas o tupa man ang hininga’t kili-kili, hindi regular na naghuhugas ng kepyas, pang-kulturang pagrespeto sa kanilang kinairalan gawi at paniniwala ang kailangang ikuti sa mga superyor at rasistang isip!

(c) 2009 Kwentulang Marino

Marami ang kinilig kay Edward sa pelikulang Twilight, kabilang na ang dose anyos na anak kong babae. Ang tiyak mas maraming kinilig maging bata’t matanda sa mga eksena sa inagurasyon ni Barack Obama bilang ganap na presidente nang pinaka-makapangyarihang lider sa mundo.

Isa na’ko sa nag-ilusyon na kasayaw si Michelle sa Neighborhood Ball at kahawak kamay na naglalakad sa Penssylvania Ave. (‘wag sana kong ipadukot sa CIA).

Kaibahan lang ni Barack Obama sa mga pang-peyriteyls. Hindi s’ya talaga galing sa mga “dugong bughaw.” Hinalintulad ko lang s’ya sa prinsipe na may taglay na katangiang matikas o makisig, may dugong mandirigma; nagtatanggol sa mga naapi’t nagbibigay pag-asa sa mga mahihirap at naghahasik nang pagbabago.

Winasak n’ya ang tradisyunal na istorya nila Cinderella, Snow White at Barbie na ang mga bidang prinsipe’t prinsesa ay mga tisoy at tisay.

Gumamit s’ya ng mga simbolo at paghahawigan; idolo n’ya si Abraham Lincoln, naroon sumakay pa s’ya ng tren, pati na ang bibliyang pinanumpaan ni Lincoln nu’ng 1861. Lumakad s’ya kahawak kamay si Michelle para ipakita’t iparamdam sa mamamayang kano na ako’y tunay na lingkod-bayan at ‘low profile.”- pang masa ika nga.

Ang kwestyon, iba daw ang pantasya sa reyalidad, iba ang aktwal na kampanya kesa sa “post election” Mula sa pangako tungo sa pagsasakatuparan nang pag-asa’t pagbabago.

Maraming mga lider at ordinaryong tao nang ibat-ibang bansa- mahirap man o mayaman ay nagpaabot nang pagbati, kasama na ang Pilipinas at Kenya. Hindi man tuwiran sabihin, gusto nating iparamdam na hoy Barack Obama ‘wag mo kaming pababayaan, ‘kaw nalalabi naming pag-asa!

Hindi kaya ito’y patunay lamang na taglay pa rin natin mga mahihirap na bansa, kasama na ang Kenya ang kolonyal na katangian-palaasa?

Nu’ng narito pa ang base militar ng kano. Sabi, pag-umalis sila, paano na tayo. Napatunayang kaya naman pala nating ikumbert ang mga base bilang “economic zone”

Wala namang masama na humingi ng tulong o ayuda pero hindi sa punto na ang mga bansang mahihirap sa buong mundo’y parang isang pulubi na hindi kayang tumayo sa sariling paa. Bakit nga ba ang Tsina, Vietrnam ay natutong magsarili at umasa sa kanilang lakas.

Uunahin pa ba tayo ni Barack Obama na may mas matinding kinaharap na krisis ang U.S- humigit kumulang ay 11 milyon kano ang walang tiyak na trabaho. Isa sa bawat sampu naka- loan sa mga pampinasyang institusyon ay may problema,malaking gastos sa serbisyo sosyal at lumobong gastos sa mga g’yerang pinasukan gaya ng Iraq. Kung pampasinsin mong kanyang “inagural speech” parang sinabi n’ya na rin na huwag n’yong isisi sa Amerika ang paghihirap ng mundo.

Malaki pa ang kakaharapin ng ating bidang si Prinsipe Obama. Hindi pa tuwiran nalilipol ang mga grupo o nagtataglay nang kaisipang “neo-conservatives” sa U.S, tanging paniwala’y sila ang dapat mamuno sa mundo. Ang balaking n’yang widrowal ng tropang Amerikano sa Iraq at ilan mga maseselan usaping panseguridad ay hindi nangangahulugang lahat nang nakapalikid sa kanyang liderato at sa labas nito ay sang-ayon sa kanyang mga balakin.

H’wag naman sanang mangyari sa kanya, ang kinahinatnan nila Pres. John F. Kennedy at idolo n’yang si Pres. Abraham Lincoln….

(c) 2009 Kwentulang Marino

4726990fa9a97004Sa pelikulang Life Is Beautiful(1997) sa direksyon ni Roberto Benigni at s’ya rin gumanap na pangunahin aktor sa papel na Guido. Ipinakita n’ya sa kanyang anak na si Giosue na ang isang g’yera ay isa lamang laro.

Kinakailangan lamang nyang makipag-kompetensya kay Guido, sumunod sa mga sasabihin para manalo s’ya sa laban at magkamit ng isang “tankeng de gyera.”

Lumalaro sa isip ko, sana may magawa na bagong pelikula, kung paano mapapagaan ang g’yera sa pananaw ng mga musmos sa krisis sa Gaza.

3196834705_da9a964e76Kung ako ang writer, taas-kamay na aaminin hindi ko makakayang mapasaya ang istorya- paano ko magagawang masaya ang mga batang nalapnos ang mukha sa pulbura, ang mga ina at ama na hawak ang kanilang mga anak na wala nang buhay at hindi alam ang susulingan. Paano ang sitwasyon ng mga doktor at nars na bigyan buhay ang mga batang may malalang sakit o kapapanganak pa lang na sanggol na “kulang sa buwan” kasabay nito ang air strike ng mga Israeli. Paano ko maipapakita na safe ang mga bata na makapaglaro sa mga evacuation center ng U.N kung mismong hedkwarter nito ay damay sa mga pambobomba ng Israel.

3228076892_4aa6948d30Pumasok pa nga sa isip kong meron pwedeng magawang istorya, kaso Hollywood ang mag-prodyus. Eto ang istorya, kukumbinsihin ng mga terorista o Hamas ang mga batang Palestino ng isang laro lang ang paglalagay ng bomba sa kanilang mga katawan; kalaban nila’y mga tropang Israeli, reward nila walang hanggan saya ng paglalaro sa paraiso. Ang wirdo ng pinag-iisip ko nitong mga ilan araw na nagdaan.

Ba’t ba pumapasok sa isip kong mga bagay na ito, pwedeng may koneksyon sa kapistahan ngayon araw na ito ng mahal na poong Sto.NIño sa lahat ng dako o sulok ng Pinas. Malapit kasi sa puso nating mga pinoy partikular na sa mga bata ang nasabing pista. Ipaparada o ipu-prusisyon ngayon ang ibat-bang imahe ng Sto. Niño- me naka-kostyum ng pulis, mangingisda, magsasaka, leyborer, doktora’t marami pang klase na kung minsan ay umaaliw sa mga deboto at manonood.

Kung minsan (kadalasan?) ang isang okasyon ay nawawalan nang tunay na sustansya. Kaya’t naakusahan tayo na ang nasabing selebrasyon ay may hibo ng mga pagano.

Hindi kaya pwedeng panandalian nating alalahanin ang mga musmos na biktima ng digmaan- maging ito may sa Gaza, Iraq, Afghanistan at Mindanao. Sa mga batang Badjao na nagkalat ngayon sa kung aan-saan. Sabi nang iba, “mas mainam pa raw na mamatay ang isang musmos kaysa sa may isip o malaki na sila. Hindi daw nila nakita ang lupit ng mundo.”

Ayokong magpaka-ispiritwal o emosyonal. Sana ang mga batang biktima ng kasakiman, gutom,malalang karamdaman, trahedya at digmaan sa lahat ng panig ng mundo, isa lamang ang wis ko ngayon…sana hipuin nawa sila ng mahal na poong Sto.Niño.

(c) 2009 Kwentulang Marino

May labing pitong taon nu’ng una kong makayapak sa lupain ni Uncle Sam, buwan ng Hunyo. Sa Texas ang kauna-unahan kong pagsampa ng barko. Sa muli namin pagbalik sa U.S saka lang ako nakapamili ng mga ilan personal na gamit, syempre pa, naka-sweldo nako sa unang pagkakataon ng pagpapa-alila sa dayuhan.

Bumili ko ng isang t-shirt, may tatak na Houston Rockets, hinahanap ko ‘yun tatak na made in U.S.A sa dahilan pa na mas matibay hindi sa usaping “kolonyal na mentalidad”(depensib!). Taka ko ba’t puro karaniwan eh made in China, kundi man eh made in Korea o Mexico. Nawala na sa loob ko ang mga isyu ng NAFTA, WTO at globalisasyon.

Sa Enero 20 ay inagurasyon ni Barack Obama, syempre pa kahit tayong mga pinoy hangang-hanga sa kanyang pagka-panalo. Kauna-unahang Afro-Am na presindente ng U.S at pinaka-makapangyarihang presidente sa kasalukuyan. Nilampaso ang mga dating naghaharian puti sa matagal na panahon!

Sabi ng mga “political analyst” iisa lang ang kulay ng mga nagpapatakbo sa U.S. Magbago man ng konti sa usapin nang “foreign policy”, kabuuan interes pa rin ng U.S ang titiyakin ni Obama kaya’t huwag tayong mag-ilusyon na mahahango sa lusak ng kahirapan ang mga bansang nagugutom kabilang na ang ‘pinas.

Sa isang banda may kapupulutan tayong aral sa tagumpay ni Obama, tutal batbat pa rin ang kultura natin ng “colonial mentality”,ba’t hindi natin gayahin ang pamamaraan ng kanyang kampanya, para mabago sa isang antas ang pulitika sa ating bansa. Tingnan mo naman ang kabuuang kinalabasan ng kampanya- talagang bumaha ng suportang pinansyal at mga boluntir sa kampanya ni Obama.

Hindi ba n’yo napansin na mga naging dating presidente at iba pang pulitiko gaya ni Clinton, Bush at Palin, pwede silang biruin (gaguhin?) sa mga talk show. Dito sa atin, biruin o mangatwiran ka sa isang politiko; benggansa ang aabutin mo kagaya nu’ng hearing sa kongreso ukol sa droga. Ayun ang kawawang ahente ng PDEA, kwestyonable sa kanyang posisyon. Hindi lang madiktahan si SC Chief Justice Reynaldo Puno namimiligrong masibak at makasuhan.

Komento ng iba, matatag kasi ang “baseng panlipunan” ng U.S ang mga ibat-ibang institusyon ay hindi kayang madiktahan o manipulahin ng isa o grupo ng mga tao, partikular sa mga usapin sa demokratikong karapatan; paglalagay ng mga tatao sa bawat sangay ng gobyerno, dinamiko ng bawat sangay nito. Kumbaga, nag-uumpisa ka pa lang gumawa ng kapalpakan inuulan ka na ng ‘san damakmak na e-mail ang iyong tanggapan. Kaya’t yun sinasabi mo na ‘yan eh suntok sa buwan, pananatiliin ng mga politiko na ‘yan ang kasalukuyang kaayusan…isang bayang kimi!

Gayunpaman, hindi ko naman i-adres itong post na ‘to sa mga politiko, bagkus sa mga mambabasa. Isang dagdag sa buslo ng ating kamalayan, na hindi tayo pwedeng gaguhin, manipulahin at habang panahong kimi ang mamamayang Filipino!

(c) 2009 Kwentulang Marino

52367d1e36b1083a“Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Nasa puso nating lahat! Tayo ang gumagawa ng himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga Diyos.”

Mula sa libro ni Ricky Lee
Si Tatang At Mga Himala
Ng Ating Panahon

Mahigit sampung taon na nung una kong marating ang Mariupol at Odessa, Ukraine. Dating sakop ng U.S.S.R, sa kasalukuyan ay may namumuong iringan. Isang matandang babaing Ukrainian ang nakikilala ko dito, mga nasa edad sitenta nun kami unang nagkakilala, dati s’yang sundalo (navy) nai-kwento n’yang nakarating s’ya ng Japan, patunay ang nakasabit na paper bag na may print ng isang Haponesa sa tradisyunal na kasuutan, inaarbor ko bilang sobenir.

Isang iskayola ng Mahal na Birhen na tumitimbang ng mga humugit kumulang na kalahating kilo ang bigat, may itim na pintura, ito ang ibinigay nya sa akin. Nakagaanan na rin nya ko ng loob. Tinanong ko sya, bakit sa kabila na naging sosyalista ang Ukraine at myembro sya ng Partido ay taglay pa rin ang ganun paniniwala.

“Nakaugat ang malalim na paniniwala,” maiksi nyang tugon.

Hindi ko na pinalalim para maiwasan ang walang katapusang debate kapag relihiyon ang pinag-uusapan.

Ilan araw na rin ang nakalipas sa naging Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Quiapo. Sa estimeyt ng awtoridad at media ay tinatayang tatlo at kalahating milyon ang mga deboto. Kamangha-mangha ang mga naging pangyayari…GUMALAW ANG MGA SASAKYAN AT NAITABI ITO SA PAMAMAGITAN NANG SAMA-SAMANG PAGBUHAT NG MGA DEBOTO AT PAGPAPASYANG IDAAN SA NAKAGISNANG RUTA.

Ang pangyayaring ito’y may kaugnayan sa isang matagal nang napag- kwentuhan namin ng isang taong malapit sa Malacañang na itago na lang natin sa inisyal na BMW.

“Napakalaking bilang o myembro ang bumubuo ng EL SHADDAI basta’t usapin ay ispiritwal kahit abutin pa ng umaga ang programa, wala itong problema. Kapag pinag-usapan ay kung papano tayo pipili ng isang tunay o matinong lider na dapat nating iluklok at paano mapapabuti ang pag-gobyerno, mag-aaway kayo.” kwento ni BMW na may tinig ng panghihinayang.

“Tingnan mo ang Trade Union Congress of the Phils. (TUCP) napakalaki ng kanilang kasapian pero hindi makapagpanalo ng malaking bilang ng kandidato mula sa kanilang ranggo. Mabuti pa ang mga maka-kaliwa nakakapasok sa kongreso.” pahabol pa nya na may paghanga.

“May political education kasi ang mga ma- kaliwa, malalim ang pagpapaunawa.” pakli naman ni pareng Rio at Nes na may tono ng kasiguruhan, habang ako naman ay masugid lang na nakikinig.

Sa librong – The Golden Bough (The Roots of Religion and Folklore) ni James G.Frazer. Ipinakita ang pag-unlad ng mga paniniwala sa ibat-ibang lugar, mga mito o alamat na sa katagalan ay natanggap ng mga tao at sa huli ay isang katotohanan.

Ang babaing nagbigay sa akin ng iskayolang Mahal na Birhen, pag-galaw ng mga sasakyan sa kapistahan ng Nazareno at diskusyon sa usapin pang ispiritwal na hindi maisa-konteksto sa tunay na kalagayan natin mga pinoy para sa pagbabago panlipunan ay hindi basta-basta mababago, dahil sa lalim ng mga prosesong dinaanan, maliban sa mga tugggalian pang ekonomiya at politikal para sa isang panibagong panlipunan kaayusan. Maaring mabilis o mabagal.

Sana nga, ang paggalaw ng mga sasakyang naitabi sa tulong-tulong na pagbuhat ng mga deboto ay mai-transporma sa isang panlipunan pagbabago natin mga Filipino. Na masasabi nating kaya naman pala!

(c) 2009 Kwentulang Marino

Lumaki ‘kong may sangkap ng mga kasabihan o lenggwaheng pang-matanda, maaring sa henerasyon ngayon ay hindi na ganun ka popular, sa mga pamahiin hindi ko ganun ito nayakap. Ang mga matatanda’y mahilig gumamit ng kasabihan o terminolohiya, isa na riyan ang aking tatay, tata Daso at tata Iking na kubrador (sumalangit nawa silang tatlo), sa tatlo, si tata Iking ay mahilig din magkwentu ng mga kababalaghan, minsan ay eksaherado, napagmuni lang ng ako’y magkaroon nang sapat na isip.

Iba’y naintindihan ko, iba naman ay parang dumaan lang sa kabilang tenga , gaya ng “maglunoy ka man sa baklad kung iyong palad, sa diyos ‘kaw ay tumawag,” “kung anong abutan ay siyang talian,””sulat ay basahin, pera ay bilangin.”

Para sa akin angkop o napapanahon ‘yun “hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.”-nitong nakaraan araw nagpasa ng resolusyon ang U.N , sa 15 myembro ng U.N Security Council 14 ang bumoto ng “immediate ceasefire” sa nagaganap na sigalot sa Gaza. Isa lang ang nag-abstain, ‘wag kayong mabibigla, walang iba kundi ang… U.S na kinakatawan ni Condoleezza Rice. Dahilan, hihintayin pa ang kalalabasan nang bukod na effort ng Egypt-France “peace proposal.”

Wow ang galing naman ng U.S! talagang pinag-iisipan mabuti, hindi sila basta padalus-dalos. Kaya lang, pag nagmuni-muni ka…hindi ba sila ang vanguardia ng demokrasya, nagmamahal sa kapayapaan, kaya nga sila nakikialam sa bawat kaguluhan sa bawat bansang me sigalot sila ang tagapamayapa. Ito yung kumuti sa isip ko (maaring senyo din) nu’n ako’y nasa iskul pa, napapanood sa mga pelikulang Hollywood, musika, radyo at t.v. Namumukod tangi na sila lang ang hindi bumoto!

Bilib talaga ko sa mga tulad ni Bush, Rice, Powell, Cheney na mga grupong “neo-conservative’ higit sa lahat, ang interes pa rin ng mga tulad nila sa lipunan Amerika ang nais manaig at tunay na interbensyunista.

1. Bakit nga naman sila sasama sa boto nang ibang myembro ng U.N Security Council. Sa susunod, baka sila (U.S) naman ang ma-resbakan sa isyu sa Iraq. Sabihin sa kanila, hoy mag-widro na kayo diyan!

2. Lumilitaw ang tunay na kulay ng U.S na sila”y hindi para sa kapayapaan. Eh kahit ako o ikaw na hindi nag-aral ng “international law” o diplomasya, napakababaw naman alibi na hintayin pa ang outcome ng Egypt-France proposal. Ginagawa naman yatang bobo ng U.S ang ibang member ng U.N Security Council!
Mismong ang U.S Senate ay all out support sa ginawa ng Israel. Kakainin nila ‘yun ma-prayd pa naman sila, syempre “superpower”

3. Nakataya dito ay buhay ng mga sibilyan ng magkabilang panig

Sabagay aasa pa ba tayo, yun nga pagpirma lang sa emisyon (CFC ba ‘yun) na sumisira sa “ozone layer “eh ayaw nilang pumirma nuon.

Sa madaling sabi, ika nga sa salitang kanto- Iwas Pusoy Ang U.S!
Pahabol: Hugas Kamay Pa!

(c) 2009 Kwentulang Marino

7e89b40518370e92

Makapangyarihan!
tunay
na
makapangyarihan
ang diyos nila
David Ben-Gurion
Golda Meir,
Ehud Olmert
Mossad
at ng mga
Zionistang
tagasunod.

Makapangyarihan!
tunay
na
makapangyarihan
ang diyos ng mga
tropang Israeli.

Kayang lumipol
ng pambansang
pagkikilanlan.

Kayang dumurog
ng moske
ospital,
iskwelahan
tahanan,
palaruan
pati
pangarap
ng mga
batang Palestino.

Makapangyarihan!
tunay
na
makapangyarihan
ang diyos nila
Bush
Obama
Rice
CIA
Pentagon
ng mga
Industriyalistang pangkatin,
ng UN
EU
G-11,
mga pinuno
ng bansang
tagasunod nito,
kayang magbulag-bulagan
manahimik
tumango,
umindak
sumamba.

Marahil
ang
tanging diyos
ng mga
Palestino
ay
ang diyos
ng
katotohanan.

Emanzky88
Former crew Clipperventure-L
7 Enero 2009

*Nalathala sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)

055c9ab0bf30e55e

Hindi ko maipikit
ang aking mga
mata,
ilan oras na lang
langit ay luluha ng
apoy.
ang dagat ay
pupula,
sa disyerto’y
bubukal ng
dugo.
mananaghoy ang mga
ina
ama
anak,
babae’t
lalaki,
matanda’t
bata.
mananaig ang mga
ingay sa
himpapawid.
gugulong ang mga tanke
sa kalawakan ng
buhangin.
ilan oras na lang-
tropa ng kanluran ay
sasalakay.
dala-dala ay sumisingasing
na poot
nang tagong
intensyon nang….
pagkagahaman.
ilan oras na lang-
marami ang
mananangis….
ilan oras na lang-
at ililibing na ang
bangkay nang….
kapayapaan.

Emanzky88
20 Marso 2003

(c) 2009 Kwentulang Marino

*Wala pa kong kamuwangan sa mundo ng Blog nang malikha ito.Nais ko sana itong i-post sa darating na Marso bilang pag-gunita sa ikaanim na taon ng pagsalakay ng tropang U.S
sa Iraq, minabuti ko ng i-post dahil kagaya rin nang kasalukuyang nagaganap na agresyon sa Gaza ng tropang Israeli ito’y magkahalintulad.Isa na rin itong prostesta sa abot ng aking makakaya bilang pagkondena sa gobyernong Israel at mga kaalyado nito.

d60720b6c2763ffcAng pambo-bomba sa Gaza at napipintong “ground assault” ng tropang Israeli at pagkapaslang kay Nizar Rayan, isa sa may mataas na katungkulang sa liderato ng Hamas ay higit na krisis ang kakaharapin ng mga Palestino, Israel at ng mundo.

Hindi mapasusubalian ang malaking respeto kay Rayan, isang propesor sa Islamic law, tuwirang nakikipag-upakan sa mga tropang Israeli at isa sa kanyang anak na lalaki ay ipinadala sa isang “suicide mission” na kanyang ikinabuwis ng buhay. Namatay man si Rayan, marami sa mamayan at mga mandirigmang Palestino at Arabo ang binigyan nya ng inspirasyon, hindi mayayanig ng “isang toneladang bomba” ang pakikibaka ng mga Palestino gaya nang ginawa ng mga tropang Amerikano sa Vietnam.

S’yempre pa, binibigyan katwiran ni Bush at Rice (sila na ba ang bagong spokesman at Foreign minister ng Israel?) ang ginawang pananalakay ng mga tropang Israeli. Para sa U.S at Israel wala pang “humanitarian crisis” para sa kanila wala pang kaso ang pagkamatay ng mga sibilyan-mga bata at matanda, “collateral damage” lang ang mga ‘yan. Sabagay magtataka pa ba tayo. eh ano ba ginawa ng tropang U.S sa atin kasaysayan kung papaano minasaker (Fil-American War) ang ating mga kababayan, sa Vietnam at pinakahuli , sa Iraq.

7e89b40518370e92Eh bat’ ang U.S ang pinag-iinitan ko sa nagaganap na krisis sa Gaza strip. Syempre pa,kinukunsinti ng U.S ang ginagawang pananalakay ng Israel sa Gaza. Wala kang maririnig na pagkondena sa U.S. Sabagay… meron ba naman ka-alyadong pinintasan o pinuna kahit mali na ang ginagawa at lihis na sa pandaigdigan patakaran at mga batas na itinakda.

Panawagan lang ng EU at UN na magkaroon ng “truce” kelan, kaya tayo makakarinig nang matinding bagsak sa kanila-“economic embargo,” “tuwiran pamamahalaan ng mga tropang U.N ang nagaganap na krisis,” “isang krimen sa sangkatauhan ang ginagawang paglipol (genocide) sa mga Palestino at mga Arabo ng gobyernong Israel.” Ilusyon pa lang ang mga ito!

Ang mga kontra-argumento ay hindi talaga tunay na maso-solusyunan kung hindi natin babalikan ang tunay at ugat ng kasaysayan sa perspektibang makatwiran, makatao at walang manipulasyon ng kasaysayan, tinutumbok ko baga, bago kayo sa akin ay magre-ak…na may pagkiling ako sa mga Palestino, mungkahing balikan natin ang kasaysayan kung paano planuhin ng U.S, Britanya at mga Israeli (hindi pa ito ang katawagan sa kanila) bago at makaraan ang WW II , ang pagtatayo ng isang Jewish state.

Ang krisis nila’y krisis din natin, marami sa atin ang may pinoy sa nasabing lugar, naninirahan man o nagha-hanapbuhay. Ilulunsad nila (kasama ng mga ka-alyadong pwersa) ang malaking dagok sa mga bansang nagtatanggol at kumukupkop sa Zionistang paninindigan ng Israel sa hindi kumbensyunal na kaparaanan. Nakalulunos….

Sana makita natin ang tunay na kulay ng mga makapangyarihang bansa gaya ng U.S, Britanya at iba pang bansa na nag-aasta para sa kapayapaan, sa likod nito’y dominasyon at pagsasamantala.

Sana Patuloy Natin Hanapin Ang Tunay Na Kahulugan Ng Kapayapaan Nakabase Sa Kalayaan At Katarungan…..Shalom!

(c) 2009 Kwentulang Marino