Ang Sining ng Pagtunganga

Ilagay natin ang kanang kamay sa kanang bahagi ng baba
ilagay ang kaliwang kamay sa kaliwang bahagi ng baba.
Kunwa’y mag-isip na wala naman talagang iniisip
tumanaw sa malayo na wala naman talagang tinatanaw
magsalita na wala naman talagang kausap
magsulat na wala naman talagang pinipirmahan
magbuhat ng polder na wala naman talagang binubuhat.

Aliwin ang sarili sa mga patawa ni Miriam
sa ilan beses na pakyut na sabi ng Waaah!
sa nakalululang alawans ni Corona
sa paulit-ulit na panlalait kay Tupas
sa pangungulit ni Cuevas.
Palakpakan natin ang magagaling na tauhan
sa telenobelang- ‘Bakbakan ng Interes’

Magbingi-bingihan.
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sa mga may-ari ng karinderya
sa gumugulong na dagundong na presyo ng LPG
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sa ipinagkait na kalansing ng dyipni drayber
na singkwenta sentimos
sa pagod na ingos ng saleslady.
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
tumirik na ingit sa tren ng MRT
sa mga nagmamadaling yabag ng pasahero
inis ang mabilis na sumirit.
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sa impit na iyak
sa hinoldap na panggabing-puta.
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sa inang basura ang kinakalakal
bulyaw sa anak na naglalaway sa dayong Magnum na tsokolate
ngumingiyaw sa pagngalngal.
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sumbat na iyak ng babaing sanggol
Bakit sa grocery bag ay isinilid?
Sa sanga ng puno ay isinabit?
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sa napipintong kalansing ng posas
sa sampung lider magsasaka ng Hacienda Luisita.
Walang narinig, sa malutong na tungayaw
na putangna!
sa mga kabahayan ay kinalampag ng kabra at maso,
ngitngit ay lumangitngit sa tarangkahan ng Palasyo.

Ilagay natin ang kanang kamay sa kanang bahagi ng baba
ilagay ang kaliwang kamay sa kaliwang bahagi ng baba.
Kunwa’y mag-isip na wala naman talagang iniisip
tumanaw sa malayo na wala naman talagang tinatanaw
magsalita na wala naman talagang kausap
magsulat na wala naman talagang pinipirmahan
magbuhat ng mga polder na wala naman talagang binubuhat.

Tunay nga kaya ang sabi nang matatanda?
Malas nga kaya ang mangalumbaba?

Emanzky88
22 Marso 2012

© 2012 Kwentulang Marino
*imahe mula sa inquirer.net

Advertisements


Gandang Lansangan
Oda kay Camila Vallejo

Natunaw ang mayabang na niyebe
sa alab ng talumpati. Humugos
ang liyab palabas ng tarangkahan. Sumirit ang
kariktan sa entablado ng lansangan. Rebolusyon
ang nakatitik sa pamabat na alampay. Ibang-iba
sa ordinaryong patimpalak. Marunong
yumakap sa mga anak ng siyudad. Inimbak
ang mahapding luha sa mga basyong lata. Kinorteng
panawagan noong dekada ’70. Alitaptap
ang mga ibinatong botelya. Umaagos
ang puyos sa anim na daang libong kapos. Tumaginting
ang mga tinidor at kutsara na
inihagis sa hayok na abenida. Batingaw
na kumalembang ang mga kaserolang ampaw. Naihi sa
pundiya ang mga nasa luklukan. Kinupasan
ng libog si Sebastian Piñera. Ay Camila!
Arkitekto ng protesta.Tunay kang
hinulma sa mga tula
ni Pablo Neruda.

Emanzky88
27 Agosto 2011

© 2011 Kwentulang Marino

Ligalig na umugong ang mga kuliglig sa siyudad. Daluyong
na humugos mula sa piping bituka ng istero. Iniluwa
ng ulilang likaw ng iskinita’t pantalan. Pilit
na binasag ng karaoke bar ang kanilang mga daing. Banyaga
ang hatid mong ingay.

Humarurot ang lagalag na himutok sa mga
pangunahing lansangan. Binusinahan
ang mga nasa poder. Nabutas ang bamban.
Gumulong ang ugong sa luklukan ni Dirty Harry. Marahas
ang nakahihilam na usok, pulandit ng tubig. Humahalik
ang latay ng baston sa nanginginig na kalamnan. Kinaladkad
ang dayong ingay sa nagmumurang semento. Ibinayo
ang kuwadradong bakal sa matigas na ulo. Hinawan
nang makapangyarihang gulong ang mga napiping makina.

Nagmadali ang mga nainip na paa. Lumipad
ang mga papeles sa malilikot na kamay. Binuhusan
nang malamig na tubig ang kalsadang inagusan nang
kumukulong dugo. Nagsalitan
umawit ang mga busina ng bus, dyip at taxi. Nanumbalik
ang katahimikan ng siyudad.

Ed Nelson R. Labao
2 Disyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino

**
imahe mula sa INQUIRER. net


Palitan mo ang kanyang utak. Bulungan mo siya araw-araw ng matatamis na salita. Busugin mo siya sa ibat-ibang posisyon o katungkulan. Palagi mong lalangisan ang kanyang mga tornilyo. Papaniwalain na siya ang pinaka-makapangyarihan sa kanyang nasasakupan. Lumikha ng mga EO na nagpapahintulot na armasan ang kanyang mga tauhan. Bayaan mong utos- utusan ang kapulisan at kasundaluhan. Bayaan mo lang siyang mandahas, manakot, kumitil ng maraming buhay. Bayaan mong magpapalit-palit ang kanilang angkan sa mga pwesto sa gobyerno. Mamunini sa angking yaman ng Mindanao. Kunsintihin ang walang habas na pag-masaker sa mga sibilyan, kababaihan, mamahayag at abogado. Bayaan mong bigyan katwiran ang Rido, baluktutin ang kautusan sa Koran at gamitin ang Islam para makapanlinlang. Bigyan siya ng pabuya sa bawat iutos at katiyakan ng kanyang katapatan sa iyo. Turuan mo siyang maging manhid sa mga hagulgol, maging sakim sa lahat ng bagay. Turuan mo siyang mandaya sa bawat halalan para sa katiyakan ng iyong pananatili sa kapangyarihan. Turuan mo siyang gayahin ang lahat ng iyong sasabihin, ikikilos, iisipin at ipag-uutos. Turuan mo siyang magbingi-bingihan sa mga sasabihin ng ibat-ibang samahang lokal at internasyunal, ng U.N Secretary General at mga lider ng mauunlad na bansa. Matutong magkibit-balikat sa mga titulong ipinupukol.Tratuhin mo siyang parang isang bata na mahaba ang buntot. Higit sa lahat, pag-aralan mong sa bandang huli ay kung paano ka niya hindi sakmalin.

(C) 2009 Kwentulang Marino
__________________________________________
imahe mula sa yahoo.news

arroyo watch flickr.com

“Sa kanyang paglisan ay kumakaway tayong mga Pilipino nang walang bahid pag- aalinlangan…”

Sa kulturang makismo, hindi daw dapat pinapatulan ng kalalakihan ang mga kababaihan, isa pa kung ito ay isang bisita, labag daw ito sa kaasalan nating mga pinoy.Gaya ng pagbisita ni U.S Secretary of State Hillary Clinton sa bansa, tatagal ng Nov.12 – Nov.13. Ngayon pa lang ay pinatikim ng protesta ang harap ng U.S embassy. ( sagot ng mga militanteng organisasyon e di naman gender ang isyu dito, interbensyon!)

Nakakahiya naman ang kinikilos ng mga militanteng estudyante. Hindi kaya nila naisip na ang kanilang pinoprotesta ay isang may mataas na katungkulan sa makapangyarihang bansa sa daigdig, na asawa ng dating U.S President na si Bill Clinton, bukod doon ay di na nila isinaalang-alang ang kahihiyan ni PGMA, aba’y klasmeyt ata ang dalawa sa isang tanyag na unibersidad. Nakakahiya talaga, di ba nila ma- imagine na pagbalik ng U.S ni Hillary ay katakot-takot na sumbong kay Bill Clinton, “na kesyo na paka-barbaro ng bansa ng klasmeyt mo.” me konting papatak-patak pa ng luha iyon.

Saka ba’t ayaw maniwala ng mga militanteng iyan na kaya lang pupunta dito si Hillary Clinton ay para makiramay at dalawin ang mga lugar o biktima nang magkasunod na kalamidad. Huwag naman ninyo siyang pag-isipan na parang katulad lang ng iba diyan na kahit namatayan na at pwede naman kaagad pumunta o makiramay ay di agad ginawa,
sasadyain mismong puntahan sa bahay at kunwa’y malungkot at hapis na hapis ang mukha, sasabihing “nakikiramay ako sa pagkamatay niya, pasensya na’t ngayon ko lang nalaman.” Sa totoo, mayroon lang pa lang kailangan.

Huwag ninyong ipagpilitan na kaya pumunta dito si Hillary Clinton ay para sa VFA o extensyon ng pananatili ng tropang Amerikano sa bansa. Hindi naman daw siya tulad ni Condoleeza Rice na dating U.S Sec. of Sate, bawat puntahang bansa ay lalung lumalala ang kaguluhan este “troubleshooter” umaayus ng mga problema, tagapag-hatid ng kapayapaan.

Ipinagtataka ko rin bakit ipinagpipilitan ng mga U.S base Human Rights group at lokal na kapanalig sa bansa na dapat daw sabihan ni Hillary ‘yung klasmeyt ng kanyang mister na si Ate Glo na malala na ang paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Syempre pa, kaya gusto nilang mangyari o itulak si Hillary na magbigay ng ganun statement, mapapahiya si Ate Glo sa international community. Ayan U.S na ang nagsabi!

Sa tingin ba naman ninyo e gagawin yun ni Hillary? Bukod sa klasmeyt siya ng kanyang faithful na husband na si Bill (forget na si Monica Lewinsky, ba yun?) e bawat presidente ng Pilipinas e prens ng U.S. Gaya ngayon, di na siya iniisnab ni Obama. Saka matatauhan din ang maraming pinoy, alam naman na pala ninyong ganyan e ba’t kinukunsinti pa ninyo. Kaya silent night na lang si Hillary, konting bisita sa ilang devastated area, konting abot ng U.S relief goods, konting gupit ng ribbon at konting haplos sa ilan miyembro ng isang charitable insti. konting speech na papuri sa katatagan nating mga pinoy- sa kabila ng ganitong pagsubok ay kaya nating harapin at higit sa lahat, may diin yung huling bibitawan niyang kataga na ang “Pilipinas pa rin ang pinakamaasahang kaibigan at kaalyado ng U.S sa pagsusulong ng demokrasya, paglaban sa terorismo at balanseng istabilidad- partikular sa
Asya- Pasipiko.”

Papalakpakan natin siya, pupurihin sa kanyang kakaibang “charm” – kombinasyon nang ganda, talino at ekspertong pang- diplomatiko. Ang kanyang suot o fashion ay repleksyon ng isang babaeng nagtataglay ng kapangyarihan. Para tayong na hipnotismo, may taga-bulag, nakaka-gayuma ang kanyang mga ngiti, ngiting sinasalamin ang aspirasyon ng isang makapangyarihang bansa.

Sa kanyang paglisan ay kumakaway tayong mga Pilipino nang walang bahid
pag- aalinlangan, nang may pagmamalaki, nang walang duda, nang may malinis na instensyon sa kanyang pagbisita. Ganun tayo…ganun naman tayong mga pinoy.

(C) 2009 Kwentulang Marino
__________________________________
imahen arroyo watch flickr.com