8ae2d97c0d2a19fe

“kung bakit nasa yugto tayo ng pagkalito, kawalang direksyon at kawalang pag-asa…”

Hindi ko maalis na ma-touch sa isang patalastas na may eksenang dinaanan ng isang bagyo.Kasabay nito’y isang awiting pinaghalong lambing at lungkot sa kanilang diyalekto.Kundi ako nagkakamali ang setting e sa Batanes.’Yun pinaka suot kasi nung babae na katutubong panangga sa ulan ay sa gawing Batanes gamit.

Para sa akin pwede siyang makakuha ng award sa Clio. May artistikong dating. Siguro me pagka-senti lang ako,pero ramdam ko ‘yun mensahe.

Basta umiinom na sila ng kape syempre me tingin ako na mula sa multinasyunal na kumpanya ang patalastas. Hindi naman ako masasabing tagapagtaguyod nu’n nakakalungkot nga na napatay na ang dating iniinom naming kapeng barako.

Balikan ang nakaraan. Pwedeng sa pamamagitan ng pagsasaliksik, mula sa mga lumang litrato, libro ng kasaysayan, pelikula…alalahanin.

Balikan ang pinanggalingan…pagbabalik sa iyong pinag-ugatan. Hindi ka raw magiging kumpleto bilang isang ganap ang iyong pagkatao kundi mo babalikan ang pinagmulan o pinanggalingan mo. May kongkreto o materyal na dating.

Kaya nga ‘yun iba na pinaganak sa ibang bansa ay dinadalaw ang Pinas para malaman nila ang kanilang pinag-ugatan. Umuuwi ng probinsya para makita at makilala ang kanilang mga kaanak. Naging takbo ng buhay.

c4996ad21bd15388Ngayon ika-111 taon ng “Araw ng Kalayaan” maaring hindi lang kinakailangan balikan ang nakaraan. Kailangan din balikan natin ang ating pinanggalingan, mas kongkreto nating makikita ang nakaraan.

Gaya ko. Maraming bagay pa pala kong dapat matuklasan,malaman sa kasaysayan, masasabing kong hindi pa rin ganap ang pagka-Pilipino ko. Sa isang tabi lang pala nandoon ang naghuhumiyaw na mga tala ng kasaysayan. Nakararamdam ako ng hiya…

May nagtatanong nga sa akin kung bakit tipong limitado lang ang pag-post ko ngayon sa aking blog, may nagtatanong din na bitin daw yun post sa kwentong-byahe,mas gusto n’ya ‘yun mga kwento sa ibat-ibang lugar.

Ipagpasensya na’t may mga sinasaliksik lang akong sulatin o isang proyekto.Sana ay maging bahagi kayo ng “positive energy” para magtagumpay ang inaasikaso kong proyekto.

Siguro ang ika-111 taon ng “ARAW NG KALAYAAN” ay isang yugto o bagay lamang ng pagpapa-alaala sa atin kung bakit nasa yugto tayo ng pagkalito,kawalang direksyon at kawalang pag-asa.

Gaya ng isang banyagang sayaw na CHA-CHA pilit nating sinasayaw ito kahit na nga ang nakararaming mga Pilipino ay hindi alam ang step nito.

Kagabi ko lang nalaman na may malakihang rally ngayon sa Makati nang mapadaan ako sa gma news.tv.

Pumosisyon na ang 24 na senador na tutol sila,na ang may kapangyarihan lang bumoto ay ang kongreso, syempre nga naman itsapwera sila. Pati na, ang ilan obispo ng simbahan katoliko at JIL ni Bro. Eddie Villanueva, PMP ni Erap, bisnes sektor at mga militanteng grupo ay “nag-merge” na.

Mukhang nagkakaroon na ng “polarization” ‘yun nga lang tipong hilaw pa. Kakayanin ba nila ang nangyari sa Thailand na inokupa ang pangunahing airport at ilan establisyamento ng gobyerno? Sabagay “muscle flexing” pa lang naman ika ‘yan masyado ka naman ekang atat. Ang tanong gumagalaw na ba ika ang militar? Solido ba ang simbahang katoliko, kasama o sasama ba sila Bro.Mike Velarde?

Sa tingin ko parang pagkain na naulaw ang masang noypi sa isyu ng impeachment, cha-cha, con-con, con-ass at kung anu-ano pang ka-asholan!
Ang ikina-elib ko kasi sa mga tao ng Maylakadyan, na anticipate nila ang isang bagay, malakas ang kanilang makinarya para bang KGB at CIA, me political officer sila sa mga estratehikong pwersa sa lipunan. Baka naman sabihin nyo mahilig ako sa mga Hollywood film na ang tema ay espionage, counter-intelligence, political assasination, terrorist o revolutionary setting. Hindi kayo nagkakamali, kaya minsan nakikiliti ang utak ko, bat kaya ang El Shaddai ay hindi mapasama sa rali? Masama yan, ang mag-isip na walang batayan, meron pa mandin akong panyo ng El Shaddai, kulay green na bigay din sa akin ni kumpareng Elmo, isa din seaman. Patawad po Bro.Mike!

Mag ala-Thailand tayo? sila lang daw ang gumaya sa atin. Kawnter naman nila, na tsambahan lang daw natin noypi. Bat ilang EDSA na nga naman ang ginawa ay di madale “small but terrible” Hindi kaya na underestimate ang talino ng mga oposisyon at mga militanteng grupo at sa kabuuan ay ang masang noypi? Sabi, iba daw ang internal na lakas ng mga taga-Thailand, may kolektibo o pambansang kamalayan ang Thailand na wala tayo, hindi sila tuwirang napasakop sa mga dayuhan.

Sige na, wala na kung wala tayong tinatawag na kolektibo o pambansang kamalayan (nakakain ba ‘yun?) Ang bato naman natin sa mga Taylander, meron ba naman kayong pag-uugaling “unpredictable”- “kapag napuno na ang salop, dapat nang kalusin!”

(c) 2008 Kwentulang Marino

Halos mag-isang linggo na ang pagkakasaksi sa ngumiting buwan, ang dalawang mata ay kumakatawan sa Venus at Jupiter. Marami sa ating mga pinoy ang nanghahawak sa mga simbolismo, pangitain, pamahiin laluna’t sa mga nakatatanda sa atin.

Nakatimo pa rin sa isip kong sabi ng mga matanda,”kapag nakakita ka ng buwan na pataob o nakaturo sa lupa ang mukha, ito’y magdadala ng swerte o magandang pasok ng taon, kung ito nama’y pasalok, ito’y nagbabadya ng matinding kahirapan, gyera at salot.”

Marami ang nagsasabi na kaya nangiti ang buwan ay katawa-tawa na ang nangyayari sa bansa natin. Para sa iba, isang joke na lang daw ang ginawa ni Jocjoc Bolante ang pagpapa-diretso n’ya sa St.Luke’s Hospital at kung paano paikutin ang mga senador, nangiti ang buwan, kung paano ibasura ang kaso ng “Impeachment”, sabi ng iba, ito ang tinatawag na “Anarkiya ng Mayorya”, nangiti ang buwan, dahil sa oras nang mataimtim na pagdadasal sa Malacañang ay may mga nalulukot na mukha, nangiti ang buwan, dahil lumutang na naman ang cha-cha, con-con, con-ass (hole nila!).

Para sa akin gusto kong burahin ang mga iniisip ng iba, bigat na bigat na tayo sa mga nangyayari sa atin, dumudugo na utak ko sa pangyayari sa melamine, global financial crisis (karma kaya ang nangyayari sa U.S? wag naman sana me relatib din ako don), Mumbai Terror Attack!

Ngumiti ang buwan. dahil sa laban ni Pacquiao ke Dela Hoya (habang tinatayp ko ito di ko pa alam kung sino ang panalo). Manalo o matalo si Pacquiao, para sa akin (baka pwedeng sa inyo din) PANALO ANG PEOPLE’S CHAMP! Dapat natin s’yang ikarangal, magdiwang tayo dahil may isang pinoy na kumakatawan sa adhikain ng isang tagumpay, paglaban sa kawalang pag-asa, katangian ng isang mandirigma, malikhain at disiplinado. Makapagdagdag s’ya sa buslo ng ating ” kolektibo o pambansang kamalayan. “Sabi,gawin natin si Manny Pacquiao na isang ehemplo bilang pagkikilanlan natin na isang Filipino, ‘yun nga lang, maging gising tayo sa katotohanan na hindi isang mesiya si Pacquiao na hahango sa ating lusak nang pighati at kagutuman.

Teka, kasasabi ko lang na h’wag gawing komplikado ang mga bagay, baka ibalik mo lang sa akin na kahit gawin ehemplo si Pacquiao ay di naman talaga maisabuhay nating mga noypi ang mga simbolismo’t aral.

Ganito na lang, hahabol pa kasi ko sa laban, ayoko naman na tipong isusubo sa iyo ang lahat ng kasagutan. pwedeng mag-isip ka naman o kaya ay…. itanong mo sa buwan!

(c) 2008 Kwentulang Marino