2591645339_bfa7106d24

” Lumbera alarmed by spying…”
– Philippine Daily Inquirer

Huwag kami ang inyong matyagan
na mga nahuhumpak na
pisngi at tiyan

silang dapat!
na mga nabubundat
nabubural na pusod
sa labis na paglamon sa
mga mamahaling restawran.

Huwag kami ang inyong matyagan
na umulan man at umaraw
ay walang masilungan

silang dapat!
na may magarang
tahanan
na hindi kasama sa
mga pahayag na yaman.

Huwag kami ang inyong matyagan
na pumapalag sa maling proseso

silang dapat!
na nagnunumbra sa
mga huwad na titulo.

Huwag kami ang inyong matyagan
na hindi man lang
nararating ang
Boracay

silang dapat!
na pabalik-balik sa
malayong lupalop-
jetsetter
na maturingan.

Huwag kami ang inyong matyagan
na nagnanais nang
payapang buhay

silang dapat!
na mga natutuksong
laruin ang mahabang
termino ng kasakiman.

Huwag kami ang inyong matyagan
na laging pinaiikot
nang maruming
halalan

silang dapat!
na mga politiko
na anino
nang malaking negosyo.

Huwag kami ang inyong matyagan
na nangangarap ng
soberanya at kalayaan

silang dapat!
na mga patutot
na hininga’t utot
ay papuri
sa agilang halimaw.

Huwag na huwag
ninyo kaming matyagan
at baka kayo
ay mahatulan!

Emanzky88
18 Setyembre 2009

*litrato ni Bienvenido Lumbera (Pambansang Alagad ng Sining)
Teresa Barrozo flickr.com

Advertisements

b1

Kung magtatag nang bagong partido si Vice Pres. Noli De Castro
Kung nasa TIME 100 ng TIME Magazine si Manny Paquiao
Kung mapanganib ang H1N1 Virus
Kung di nag-alis ng sapatos si Pope Benedict XVI
Kung mabangis ang mga pirata sa Somalia
Kung hindi pa lumalayas ang tropang U.S sa Iraq
Kung mas matindi ang tama ng resesyon sa Amerika
Kung ikulong nila si Jun Lozada
Kung nagdagdag sila ng partylist sa kongreso
Kung sumayaw sila ng cha-cha, sumigaw ng con-ass (@#^)
Kung nagbayad ng kinain na burger sina Pres.Obama
Kung may Louis Vuitton na bag si Nanay Dionisia

Eh ano! Eh ano! Eh ano!

May hihigit at tatalo pa ba sa dakilang pagmamahal ng
INA?

Emanzky88
10 Mayo 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino

e61c1e110e81a40c

Isinabog nang
gabi
ang ngalan mong
Bianca
itinago nang mapagkunwaring
dilim
ang katauhang
Maria Asceñsao de Sousa.
Sa mapang-unawa kong
mata
ay hindi ka
puta!
inilubog ka lamang
nang fado at dusa.
May lungkot ang aming
pag dis-atraka
ginaygay ang Ilog Tagus
may iniwang
alaala.
Ang tanging sambit ko’y
mea culpa!
sa pagbalik ng barko’y
isa sanang
umaga…

Emanzky88
M/V Clipperventure-L
Lisbon, Portugal
Galley
23 Pebrero 1993

Kay T.J

Tag-init…

una

kang
nakita.

buwan
ng
Marso.

may lamig
ang
mabituing gabi
sa
Antipolo.
sa may
tuktok
ng
Redemptorist-

sabay nating
diniskurso,
mga linyang
komplikado.

sabay nating
inawit,
ang
Bato Sa Buhangin
ni
Cinderella.

sabay nating
tinanaw,
animo
alitaptap
na ilaw
ng
Maynila.

kahit sa
dilim
nagayuma
ako
ng iyong
may pang-akit,
may ningning
na
hugis almond
na mga
mata;
sinuhayan
nang malambing
mong
tinig
na
higit nagpatingkad
sa kulay
tsokolate’t
makinis
na
balat.

Tag-init…

buwan
ng
Marso.

may salungatan
sa
mga
taktika’t
prinsipyo.

may nilusaw,
lumutang
na
mga
organo.

may nabitak
na
mga
kalsada.

galaw ng
mga
kaaway,
namayaning tunay.

sa katag-arawan
sila’y mga
nagbunyi,
masiglang
kumakaway.

puno’y
hindi namunga,
taglay
ang
nalantang pag-asa.

Tag-init…

huli

kang
nakita.

buwan
ng
Marso.

Emanzky88
1 Agosto 2008

(c) 2008 Kwentulang Marino

Kay Erni

“Hindi ko na mayakap pa ang aking sarili.
Sa bawat gabing magdaan ay nararamdaman kong
kawalan…”

-Ms.Dewi, 20
Pontianak, Indonesia

Pikit-mata na hinimod, ang pawis
ng pagnanasa at libog.
hinuhubdan ang kaloob-looban
ng iyong pagkatao.
winawasak nang unti-unti
ang natitirang dangal
na masasabing tanging sa iyo.
pinapalitan ng ibat-ibang
kulay ng papel, mukha ng tao.
dinadalaw sa panaginip
ng mga naglalaway na dila,
mga matutulis na kuko.
sa gabing ito…may halimaw na muling
papasukin ang kabuuan
maglalagos sa alon ng mga kumot
usok ng sigarilyo.

pero hindi!

babasagin ang kairalang bumabalot,
umaalipin sa iyong pinagmulan.
wawakwakin ang lalamunan ng magdamag
hanggang sa maabot ang

Merdeka!

na minimithi mo.

Emanzky88
Pontianak, Indonesia
M/V Akra Sounion
16 Mayo 1998

(c) 2009 Kwentulang Marino


*Unang nalathala sa ANI 28 (2002) -Sarisaring Kasarian: Pagmamahal, Cariño Brutal, atbp. (The Gender Issue), literary journal ng Cultural Center of the Phils. (CCP). Imahe mula sa pabalat ng ANI 28

new

“Yakapin mo ako ngayong magdamag..”

-Gloria, 21 anyos
Puerto Barrios, Guatemala

Pinipisil ng iyong mainit
na kamay.
Ang nalalasing kong
palad.
Nilalaro nang malikot
mong paa.
Ang namamanhid kong
talampakan.

Tama na!

Nilulunod ako nang iyong
napakabangong hininga.
Sa kalaliman ng gabi,
kumikislap ang singkit
na mata.

Tama na!

Napapaungol mo nang banayad
ang katahimikan ng magdamag.
Umaalon ang mga kurbadang
walang kahirap-hirap.
Iniangat ang ligayang
walang kabigat-bigat.

Tama na!

Natuliro ang madaling-araw
sa hibang,
na hubo’t hubad
mong kalamnan.
Mga pinong balahibo’y kumiliti
sa puson
at puso kong
nasaid nang libog,
inamot na habag.

Emanzky88
M/V Clipperventure-L
Sto.Tomas De Castilla,
Guatemala
18 Abril 1993

(c) 2009 Kwentulang Marino

newMarami ang naroromantisa ‘pag dumarating na ang buwan ng Pebrero, mi tamang kinikilig, nalulungkot, nai-inggit, tuliro, tulala, nagseselos at tipong nabu-buwang sa literal na salita dahil sa ngalan ng pag-ibig.

Si misis, tamang selos pero hindi naman ganun kalala. Mukhang nalululong na raw ako sa pag-blog, kasi naman kadalasan bukang bibig ko’y blog, minsan iniisip ko’y baka nakukulili na rin sa akin ang bostsip ko. Sa isang banda’y ‘ramdam ko naman ang kanyang suporta, alam n’yang masaya ko sa bagong “daidig ng sapot” na natuklasan ko, nagbibigay s’ya ng ideya kung paano pa mapapaganda ang Kwentulang Marino.

Kaya’t sa buwan ito’y ilalabas o lalagyan ko pa nang panibagong kategori o kaurian na-MGA SULAT SA LAOT , mga naipon sulat mula sa mga kaibigan, nakakilala na iba ang nasyonalidad, mga naitabing sulat na itatapon na lang, mga sulat ng mga babaing “akyat – barko”. Mag- post din ang Kwentulang Marino sa Tulang Byahe, Kalmada at Kwentong Byahe na may kaugnayan sa Pag-ibig-malungkot, panakaw, sa puta, pagsasamantala, libog, kabiguan at pag-asa.

Sa mga patuloy na sumisilip at sumasagwan sa Kwentulang Marino, higit pang pagsisikap ang naisin nang inyong lingkod-mapahusay ang kalidad nito.

Maraming salamat po!

Sana ay higit pa kayong mapa-ibig sa KWENTULANG MARINO

(c) 2009 Kwentulang Marino