lumad killings rappler pix
Lumad
Panaghoy ng Pangayao*

Lumad
ang kolektibong
tawag sa mga katutubo
ng Mindanao

marungis
mangmang
hayop
kung ituring

“Yutang kabilin!”*

Mga ninuno’y may habilin
lupa ay pagyamanin
sa payapang pangasuhan
dugo’t pawis
ang handog
masamang espiritu
ang dayong lumukob

Binulabog
ang mga tanod
ng puno, ilog at gubat
sa kasukalan kami’y itinaboy
sagradong libinga’y binaboy

“Yutang kabilin!”

Natakam
ang mga dambuhalang korporasyon
ng troso, minero’t plantasyon
sa ningning ng ginto
ay nasilaw
saganang lupain
ay masibang kinamkam

Pusakal
mga alipures na militar
dangal
ng kababaiha’y malibog na hinalay
makabagong bagani*
magiting na igbujag*
ganti
karumaldumal na pagpaslang
awitin
ang “Lupang Sinira”*
rebelde
ang diretsahang paratang

“Yutang kabilin!”

Wala kaming pupuntahan
wala kaming pagpipilian
wala kaming masasandigan
bayaang malayang pumailanlang
sa ilog, gubat at kabundukan
tumagulaylay ang ritwal
ng PANGAYAO!

Emanzky88
10 Setyembre 2015

pangayao – ritwal ng mga Manobo sa paghahanap ng katarungan

yutang kabilin- kasingkahulugan ng pamanang lupa o “ancestral land”

bagani – isang magiting na mandirigma

igbujag – isang magaling na lider na itinakda ng komunidad

Lupang Sinira- makabayang awitin ni Pol Galang

*imahen mula sa Rappler

TANDUAY STRIKE 2015 PIX

Ang TANduay ni Lucio
ay mahigit na ‘sang sentenaryo
na gumagawa ng Agua de Pataranta
pag-aari’y dumaan sa iilan pamilya
Menchatorre, Elizalde, Yrissary, Ynchausti at Teus
sa huli,
kontrol ng empresa sa kanya natapos

Ang TANduay ni Lucio
ay nagmula sa katas na tubo
hinaluan ng kinatas na lakas
ng mga binusabos na obrero

Ang TANduay ni Lucio
ay nagmula sa katas ng tubo
katas na katas
ang mga inagawan ng lakas
pigang-piga
ang sektor ng paggawa

Ang TANduay ni Lucio
gustung-gusto itong inumin ng mga dayo
sa paniwalang hindi sintetiko
anunsyong buladas na bumulag
produktong lumikha ang kalagaya’y hungkag
ikinubling pormula ang tunay na nagpasarap

Gumamit ng gintong jigger
i-mix ang mga sumusunod;

mahigit ‘sang dekadang pinaasa
pinilipit na pasahod
pinagkait na benepisyo
mga nilangong pangako
mga binusalang bibig
mga binuwag na kapit-bisig

Ang TANduay ni Lucio
ay tunay na nakalalasing
lumalasing sa kapitalistang lasenggero
lumalasing sa iilan angkan
lumalasing sa kapangyarihan
lumalasing sa pagkagahaman

Ang TANduay ni Lucio
itagay man nang itagay
ang kakarampot na patak ng rhum
haluan man ng matamis na cola
sa mga dinustang manggagawa
papait at papait ang panlasa
sa inihalong PAGSASAMANTALA!

Emanzky88
7 Hunyo 2015

©2015 Kwentulang Marino

*imahen mula sa bulatlat.com

320_2015_01_30_12_55_53 saf44

Sundalo ng estado
Iniumang sa kaaway
Bayaning itinuring

Emanzky88
2 Pebrero 2015

2015 Kwentulang Marino

imahen mula sa http://www.gmanetwork.com

pope-Francis
MAHAL NA PAPA KIKO
(HABAG AT AWA’Y HUWAG KAMING TAPUNAN)

Mahal na Papa Kiko
Huwag kaming tapunan nang habag
matagal na kaming sikmura’y puno nang kabag
Huwag kaming tapunan nang awa
matagal na kaming kinawawa

Tapunan nang habag
ang mga nasa palasyo
sa tamang pagpastol sa mga payaso
Aliwin ang mga nalulungkot na lider
sa pamamagitan ng interbyu
(matagal na kaming nilibang ng telenobelang palabas)
Paghilumin ang sugat
sa musmos na aso ang kumagat
(na sinagpang ng social media,t.v, radyo at dyaryo)
Dalawin sa ospital ang dating pangulo
na may humarang sa lalamunan
Bisitahin ang mga nasa piitan
tatlong senador na may utang sa bayan
mga druglord sa milyong piso’y nagtampisaw
Ipagbalot ng chickenjoy na pinagpag sa basurahan
ang mga nabundat na gahamang tiyan
hindi makalasa sa pera’t kapangyarihan
(matagal na kaming tinatakam sa patalastas
mak! mak! mak! makapag-padeliver!)
Bihisan nang gula-gulanit na damit
mga katawang namihasa sa mamahaling kasuotan
Papilahi’t pasakayin sa LRT at MRT
mga taong nasanay sa pribilehiyo ng numero
Halikan ang namumulang sakong ng asendero
milagrong may lumagpak na titulo?
Paliguan ng pawis ang bulsa ng kalakal
lakas ay mapigilang umapaw
Hipuin ang mga taong
kasakiman ang taglay na karamdaman
Bulungan ang mga dayo
sa bayan ay huwag pakialamero
Hugasan ang duguang gatilyo ng kawal
sa lagablab na sigaw ay nais bumusal
Ihingi ng tawad sa Manila Cathedral
sa kay Rizal mga bulaang nagsakdal
taglay ang doktrinang medyibal
Pasalamatan ang mga prayleng
nagpalayas sa demonyo’t babaylan
simbahang sumalabusab sa kasaysayan
Sa mga nakaabitong halimaw
minulestiya ang pangarap na kamusmusan
Sumpain ang mga kardinal
na nahaling sa stock at kapital
Mahimalang isda’t tinapay na yaman
sa kapuspalad na bayan
tauspusong ipamudmod ng Vatican

Mahal na Papa Kiko
Habag at awa’y huwag kaming tapunan
KATOTOHANAN
o sana! o sana! o sanang masumpungan!

Mahal na Papa Kiko
Habag at awa’y huwag kaming tapunan
KAPAYAPAAN!
o sana! o sana! o sanang masumpungan!

Mahal na Papa Kiko
Habag at awa’y huwag kaming tapunan
KATARUNGAN!
o sana! o sana! o sanang masumpungan!

Emanzky88
14 Enero 2015
©2015 Kwentulang Marino

*imahe mula sa blog.telegraph.uk.co

images

“Pakyut!”

ang magprotesta
sa pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT
sa malaahas nitong pila
sa pakadyot na arangkada
sa tumitigok na krisis sa enerhiya
sa bantang sirit sa kuryente at tubig
sa usad pagong na sasakyan sa EDSA

“Pakyut!”

ang magprotesta
sa naging bulungan sa EDCA*
sa kustodiya ng agila
sa pagsalubong sa Papa sa Roma
sa madamot na titulo ng Hacienda Luisita
sa itinapal na solusyon sa mga biktima ni Yolanda
sa binulok na bigas at inuuod na sardinas

“Pakyut!”

ang magprotesta
sa lumalalang kahirapan
sa sikmurang pagpag ang laman
sa pagsalaula sa kalikasan
sa trabaho’y laganap ang kawalan
sa binulkasil na pasahod
sa mahika ng DAP**
sa lumubong bilanggong pulitikal
sa kinalawang na judicial system
sa nilikha na extremistang halimaw

“Pakyu!”

ang makipag-okrayan sa beking komedyante
ang maghanap nang mas batang jowa
ang pag-amin sa mga naging syota
ang elitistang buhay-kolehiyo
ang propesor nyang nakalaboso
ang pagiging all around

“Pakyu!”

ang huwarang uncle
ang manood ng sine
ang kumain ng burger
ang butihing brother
ang taklesang sister

“Pakyu!”

ang magwiz sa puso ng masa na magtrending
ang mag-astang chill
ang magkunwa’y ordinaryong tao
ang may aroganteng wisyo
ang may malapot na dugong-asendero

Emanzky88
11 Enero 2015
©2015 Kwentulang Marino

*Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)
**Disbursement Acceleration Program (DAP)
***imahen mula sa bulatlat.com

2014-12-13 07.31.12

ANG BABAE SA LIKOD NI RIZAL
(MANIWALA KA PEPE)

Sa Bayang Baliwag ay may bantayog
sa dakilang bayani’y inihandog
Dr. Jose Rizal ang tanyag na ngalan
Pepe ang magiliw na palayaw
Ninuno’y rito nagdalaga’t isinilang
anak ng bayan na itinuring

Roman V. Carreon ang may likhang-sining
sa eskultor ay laging kampiyon

Bayani’y sa tuktok iniluklok
tindig ay matikas na nililok
Sa kanang kamay
patayong libro ang hawak
may alab sa dibdib na sumanib

Apat na kababaihan ang inukit
lapat sa klasikal na kagandahan
Sa harapang pundasyon
isa sa babae ang nakaupo
sa kaliwang kamay, bandila’y mahigpit na hawak
sa kanang kamay, sa langit itinuro ang tabak

Dalawang lalaking anyo’y rebolusyunaryo
ang siyang matapat na tanod sa ating hero
handang hugutin ang galit na itak
kalabitin ang ripleng sa dayo’y umupak

Sa lahat ng babaeng sa isipa’y lumikot
sa likod ni Pepe ang tanging namukod
na tila may ibinubulong
na tila may sinasabi

Nung kabataan ko’y taglay siste’t kaharutan
kumiliting bulong ng babae’y may kapilyahan

“Subukan lang ninyong dyumingel
tagpas mahaba mong uten”

“H’wag kayo ritong mag-tiangge
tinda ninyong manok, kalapati’t pato
hindi sasala sa bilis ng punglo”

“Gawin mo kaming paradahan
gulong ng iyong sasakyan
handa naming paputukan’”

Ngayung matanda na
lumalim, lumawak sa buhay at pulitika

Ang Babae
tila may lalim na ang ibinubulong
tila may lalim na ang sinasabi
tila hindi pa nagwawakas
mga isyu’t tunggalian sa lipunan
kahalintulad sa nobelang Noli at Fili

Maniwala ka Pepe!

May paslit na natutulog sa sulok ng 7 Eleven
may batang lalaki na nakadapa sa pintuan ng Gloria Romero’s Restaurant
may taong-grasa sa harap ng Flora’s Butong-pakwan
may namamalimos na musmos sa pintuan ng simbahan
may nakahandusay na lalake na tila may sakit sa harapan ng The Generics Pharmacy
may manikuristang iba ang serbisyong ipinagbibili

Maniwala ka Pepe!

Sa teleseryeng Forevermore
lupain ni Galleta ay ipinamahagi sa mga pobre
Sa Hacienda Luisita
nagpasya na ang Korte Suprema
pag-implementa’y makupad pa sa usad ng sasakyan sa EDSA
matining ba ang dugong-asendero na dumadaloy sa palasyo?

Maniwala ka Pepe!

Pagsilang nang unang eleksyong munisipal
na dikta ng dayong Amerikano
kanilang ipinagdiriwang
ipinagmalaki na may yabang

Pagsilang ni Felipe “Apo Ipe” Salvador
ni hindi maipagbunyi
lumaban sa dayuhang buktot
kanilang ibinaon sa limot

Bumalik ang tropa na mapanlinlang na Amerika
Enhanced Defense Cooperation Agreement ang peg nila
kustodiya kay Pemberton ang lumukob ay agila

Maniwala ka Pepe!

Tira-tirang fried chicken sa fastfood
murang kamay ang kumalkal sa tambakan
muli nilang sinangkutsa’t niretoke
inilako sa mga kumukulong tiyan
pumagpag ang bitukang kumakalam
sikmura ng kahirapa’y higit na pinatapang

Nalaslas ang habag sa dokumentaryong palabas
matapos sundan nang mapanudyong patalastas
“sarap na hindi mak! mak! mak! makalimutan!”

Maniwala ka Pepe!

Sa luklukan ng kapangyarihan
posisyon ay ginawang gatasan
DAPat may managot
sa lahat nang sangkot

Maniwala ka Pepe!

Bilibid or not!

Mga druglord ay nagtampisaw sa laptop at jacuzzi
sa safety box ang pera’y milyon
sa piitang kubol tuloy ang konsiyerto’t operasyon
mga hindoropot nagpipista’t buhay-panginoon

Maniwala ka Pepe!

Bibisita si Pope Francis
sa bayang puno nang hapis
Simbahang sa iyo’y nagsakdal
sugat ba ay naghilom o nagbalantukan?

Maniwala ka Pepe!

Sa likod nati’y patyo ng simbahan
sampung bagong airconditioned bus ang humambalang
malakas na bumusina ang impluwensya’t yaman ng angkan
banal na tubig ay pakumpas na winasiwas ng pari

Panawagan ni Lolo Kiko sa mga nakaabito
basbas na may katumbas ay maari bang lumipas?

Maniwala ka Pepe!

May naglalampungan dini
may naghahamunan “palakihan ng puke”

Maniwala ka Pepe!

Si Naning at Boni ay parang bolang drinibol
tayo na lang ang hindi na-resyapol

Maniwala ka Pepe!

Sa gilid ay may graffiti
sa magkabilang sulok
nangangamoy ang panghi!

Emanzky88
30 Disyembre 2014
© 2014 Kwentulang Marino

*sariling larawan ng Kwentulang Marino

Bonifacio jpeg

Naging maaga ang aking gising, alas kwatro ng medaling-araw ay bumangon na ‘ko. Inihanda ko ang harina, butter, itlog at asukal para sa paggawa ng Binangkal, isang klase ng tinapay na pwedeng pagkamalang Buchi dahil ang panlabas na anyo nito ay nakukulapulan ng linga; matigas ang texture nito. Popular sa dakong Kabisayaan, sa karaniwan ito’y di nilalagyan ng palaman, para maiba nilalagyan ko ng haleyang ube, keso at peanut butter.

Umaambon, hindi naman ganun nabasa ang suot kong puting seda na may tatak ng mukha ni Gat Andres Bonifacio sa gawing kanan at nakatitik naman ang KKK sa gawing kaliwa. May limang minuto rin lakarin bago ako nasakay ng traysikel papuntang kabayanan.

Alas-sais ng umaga nang ako’y makarating sa kabayanan, patuloy pa rin ang pag-ambon. Dinaanan sa bangketa ang ilan biyahero na natutulog sapin lang ay karton. Sa harap ng groseri tumawag sa aking pansin ang isang lalaking gusgusin, nangingitim ang talampakan at nanlalagkit ang mahabang buhok. hindi alintana ang ambon para abalahin ang mahimbing na pagtulog na tila nagdadagdag init ang mga abubot na damit sa kanyang payat na katawan. Patuloy pa ring nilala sa isip ko ang isang tula o diona.

Tinalunton ko ang mga tindahan ng dvd ng mga kapatid mula sa Mindanao, umaapaw sa palanggana ang pancit bihon at pritong lumpiang-toge sa isang karinderya, nagmamadali na ang mga mamimili sa pasilyong pinasok ko papunta sa pwesto ng bilihan ng mga bulaklak.

“Magkano po ang pumpon ng pulang rosas?” magalang kong tanong.

“Beynte pesos” mabilis na sagot ng matandang lalake.

“Du’n po sa mas maraming pumpon?” na umagaw sa aking paningin.

“Sandaang piso” ang kawalang siglang sagot.

Sumilong ako sa isang fastfood , isinatitik sa table napkin ang kanina ko pa nilala na tula. Laking-gulat ko sa hindi inaasahang huling titik ng tugma na maaring makalikha ng simbolismo!

Taas hawak na tabaK
Namumulang bulaklaK
Kabayo ay pumadyaK

Umaambon pa rin, matamlay ang galaw ng mga tao. Mabilis kong tinalunton ang kasalda papunta sa terminal ng bus. Iginala ko muna ang aking mata sa paligid. Mabilis kong tinungo ang monumento.

Emanzky88
30 Nobyembre 2014

© 2014 Kwentulang Marino

Tribute-photo-made-by-fan-Epee-Rafanan-as-posted-on-the-Facebook-page-Nora-Aunor-for-National-Artist1
KUNG BAKIT WALANG HONOR SI NORA AUNOR
(SA PIHIKANG PANLASA NG BINATA SA PALASYO)

“Walang himala! Walang himala!”
sa batang babaing lumaki sa istasyon ng tren
kesa sa batang lalaking lumaki sa malawak na tubuhan

“Walang himala! Walang himala!”
sa aktres na tanging puhuna’y umarte’t umawit
kesa sa politikong tanging puhuna’y katas ng kabyawan
kasikatan ng angkan

“Walang himala! Walang himala!”
sa artistang akusa ay sumisinghot ng droga
kesa sa binatang usok lang ang ibinuga

“Walang himala! Walang himala!”
sa patuloy na bigwas
sa presyo ng petrolyo
pamasahe’t bigas
luya’t bawang, bumirit pa ang sibuyas
karneng manok, baka’t baboy
sabon, harina’t de-latang sardinas

“Walang himala! Walang himala!”
sa mga binusabos na biktima
ng Zamboanga seige at bagyong Yolanda

“Walang himala! Walang himala!”
sa tunay na biyaya ng lupa
kung titulo’y nasa korporasyon
mga magsasaka’t sakada’y may pinapanginoon

“Walang himala! Walang himala!”
sa hinimod na sinambang EDCA
sumbat sa lamay ng kapatid sa tropang Amerikano

“Walang himala! Walang himala!”
sa inang iniluklok ng mga dumipa sa EDSA
kesa kay Elsa na puno ng pag-asa

“Walang himala! Walang himala!”
sa mga mandaramdong sa kongreso, senado at palasyo
huwag kang kukurap sa PDAF at DAP
sa isang iglap daig pang hinoldap

“Walang himala! Walang himala!”
sa humal na wangwang
sa paliku-likong katwiran
sa tuwid na lansangan

“Walang mapapala! Walang mapapala!”
sa aroganteng elitista
hinubdan ang maskarang moralista

Husga mula sa luklukan ng katarungan

“SALIGANG PUNDASYO’Y NILABAG
YAMAN GALING SA PAWIS
SA PAGGASTA AY LIHIS!”

Emanzky88
5 Hulyo 2014
3:50 n.u

©2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa interaksyon.com/epee rafanan

600x450xgarlic.jpg.pagespeed.ic.gZfvdek58C

Ang Rekado

Niluto ang tatlong pisong balot
na miswang manipis
sa limang pisong mantikang tingi
kawali’y saglit na sumagitsit
labing-apat na pirasong hebi
sa tinamad na init ay sumagi
namumutlang pinatuyong hipon sahog
matamlay na sumanib
sa inihagis na hiblang nadurog
dalawang tabong tubig ang tumambog
sa wisik nang walong butil na dagat-asin
sabaw ay pamaktol na bumulabok
po(rk)tang ‘nang naka-iiskandalo!
saha ng saging ang kalasa
bunton sa ibinato kong kaldero
hangad ay tumama sa makintab na ulo
boom panot!
usig sa salat na rekado
hanap sa tunay na lasa
luya’t bawang na pang-sangkutsa
mahal pa sa mangilong karneng manok
sa mga politikong mahilig sa pork
Anak ng Baka!
ang sumbat ng panlasa!

Emanzky88
15 Hunyo 2014

© 2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa inquirer.net

Bonifacio jpeg

TAKAS SA HUNYO

Himpapawid
Philippine Airlines
12 Hunyo 1992

Isang asul na travelling bag, tatlong t-shirt na puti, limang may kolar, dalawang pantalon maong, apat na Warren brief, pang-ginaw na may tatak na Planet Hollywood, tutbras at tutpeys, dagdag pa rito ang tig-sampung Lomotil at Biogesic, isang katamtamang bote ng Omega Painkiller, pulang dyornal na may limangdaang pahina, isang dekada ng mga nalikhang tula, isang libro ni Lualhati Bautista- Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento, Rashomon at iba pang kwento ni Ryonosuke Akutagawa, kaset teyp ni Joey Ayala,Tracy Chapman at Gary Granada. Makapal na Japanese Dictionary . Isang kopya ng family picture na inipit sa pulang dyornal. Pinakamahalagang hindi ko dapat malimutan ay ang mga importanteng dokumento—Pasaporte, Seaman’s Book, Yellow Card, SOLAS, iba pang sertipiko sa pagsasanay.

Nag-LRT lang ako, sa may 5th Avenue station, kasagsagan ng mga pasahero. Maganda ang sikat ng araw, mabilis din ang naging takbo kasimbilis nang pagwagayway ng mga bandila na sumasayaw sa hangin sa gawing sakop ng Luneta Park. Ewan, kung para bang nagsesenti lang, tipong ayaw makakita ng mga mukhang nalulungkot , na ayaw lang umayon sa kalakaran baluktot, ni isa sa angkan, ni isang kaibigan ay hindi na inabala.

“Wow hebi ang tindi ng drama. Independence Day, tatakasan ang bayang-sawi, magpapaalila sa mga kapitalista’t dayuhan?!”

“Akala ko ba’y mahal mo ang iyong bayan?”

“Tatakasan mong kilusan dahil batbat ng kaguluhan?”

Mga boses na sumasalit ang sumbat, uyam at habag. Tinig na pumipiglas sa impit na kaloob-looban.

Sa Baclaran station ako inihatid nang tulirong isip. Makupad na inihakbang ang mga paang pababa ng hagdan. Kawalang libog akong sumakay ng taxi.

“NAIA!” hudyat sa drayber.

Tatlumpung libong piye na ang taas namin sa alapaap, anunsyo ng piloto. Nakarehistro pa sa isip ang eksena kanina sa airport.

Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad
na kasarinlan:

pinay, humalik sa papaalis
na sakang
luha sa kinse-anyos
na dalagita’y nangilid
tutungo sa bayang
lapad ang sisikatan.

pamilya’y tumunganga sa anak
na paalila
kinodakan ang malungkot na mata
hindi alam kung saan pupunta.

asawa’y iiwan, nakatanaw
sa kawalan.
magsing-irog, walang katapusang
pagpapaalaman.

matanda’y pinamaypay ang visa
niyang tangan.

nilaro ng ulap
kahirapang iniwan.

Sa bansang pupuntahan, naghihintay ang barkong sasampahan ko…ang barkong M.V Clipperventure-L.

Kahit paano ang gawin. “Naghuhumiyaw ang katotohanan na ang bansang pupuntahan mo…ang makapangyarihang bansa na kinondena sa mahabang panahon…ang Amerika!”

*unang nalathala ang tulang TAKAS SA HUNYO sa Philippine Seamen Assistance Program (PSAP) sa The Netherlands at ANI Journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP)