images

“Pakyut!”

ang magprotesta
sa pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT
sa malaahas nitong pila
sa pakadyot na arangkada
sa tumitigok na krisis sa enerhiya
sa bantang sirit sa kuryente at tubig
sa usad pagong na sasakyan sa EDSA

“Pakyut!”

ang magprotesta
sa naging bulungan sa EDCA*
sa kustodiya ng agila
sa pagsalubong sa Papa sa Roma
sa madamot na titulo ng Hacienda Luisita
sa itinapal na solusyon sa mga biktima ni Yolanda
sa binulok na bigas at inuuod na sardinas

“Pakyut!”

ang magprotesta
sa lumalalang kahirapan
sa sikmurang pagpag ang laman
sa pagsalaula sa kalikasan
sa trabaho’y laganap ang kawalan
sa binulkasil na pasahod
sa mahika ng DAP**
sa lumubong bilanggong pulitikal
sa kinalawang na judicial system
sa nilikha na extremistang halimaw

“Pakyu!”

ang makipag-okrayan sa beking komedyante
ang maghanap nang mas batang jowa
ang pag-amin sa mga naging syota
ang elitistang buhay-kolehiyo
ang propesor nyang nakalaboso
ang pagiging all around

“Pakyu!”

ang huwarang uncle
ang manood ng sine
ang kumain ng burger
ang butihing brother
ang taklesang sister

“Pakyu!”

ang magwiz sa puso ng masa na magtrending
ang mag-astang chill
ang magkunwa’y ordinaryong tao
ang may aroganteng wisyo
ang may malapot na dugong-asendero

Emanzky88
11 Enero 2015
©2015 Kwentulang Marino

*Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)
**Disbursement Acceleration Program (DAP)
***imahen mula sa bulatlat.com

d7a3a0af4fe55c4c

BOLERO

Talos ni Obama ang kiliti ng pinoy
Talos ng gobyernong Amerikano ang kiliti ni PeNOY
Talos nitong madaling madenggoy

“Salingin na may antig sa damdamin
Papuring ikapalakpak ng tenga
Ngiti’y umabot hanggang panga.”

Pinoy!

Executive Chef sa White House
Kabilang sa putahe lumpia’t adobo

Kulang na lang sabihin
Tagalinis ng inodoro
Hardinero’t labandero

Lahat ay Pilipino!

Matatas na nabigkas
“Salamat at Balikatan”

Kulang na lang sabihin
Na gaya ng mga dayong artista
Pa-slang na sambitin
“Mahal ko kayong lahat!”
Na sukat nating ikakilig

“Filipino hospitality” ang diga
Sa Imperial Suite ng Sofitel Hotel nagpahinga
Kababayan ko’y nakahiga sa malamig na bangketa

Mainit na halik sa matandang babae
Pabuyang medalyon sa abandonadong beterano
Mayabang na agila ang simbolo
Sa usaping pensyon ay napawi ang hinampo

Matagal na nga tayong nabola
Simula pa kay Sakay at Aguinaldo
Hanggang kay MacArthur
Na “I shall return” ang boka

Kung tapat ang layon ng pagkakaibigan
Hangad ay mabuting pakay
Sa kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)
Hindi nga ba tayo nalamangan?

Isa lang ba itong kasinungalingan?
Isa lang ang ating palatandaan
Isa lang ang ating sukatan

Sa pagsambit ni Barack
Kay PeNOY
Sa kanyang ngalan

Tatlong beses na nautal!
Tatlong beses na hindi naitumpak!
Tatlong beses na pumalpak!

Emanzky88
29 Abril 2014

© 2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa Google