Nagawang maantig ang aming kahinaan
Kinurot ang nangangarilang na kalungkutan
sa matagal na pagtakas
Bukas-palad na inihatid ng mayabang na logo
ang mga inulila sa galak
Sinilip ang mga inabandonang pugad
Pinagyakap ang mga nanlamig na dibdib
Bumalong ang dati’y natuyong luha.
Umagos ang malamig na Coca-Cola
sa mga nagbabagang bagang
sa mga nagpupuyos na lalamunan
sa mga lagablab ng galit
sa mga natigang na libog
sa mga kinuyom na hinampo
sa mga namighating okasyon
sa mga namaos na katahimikan.
Nagdudulot ng saya sa pananghalian
Masiglang sinasalubong sa bayanihan ni Juan
Kinikilala ang mga paalila’t palaboy
Lumalagok nang sangkatutak na handog.
Ano nga ba ang tunay na lasa?
sa mga pinaslang na unyonista
sa mga lumapot na pawis
sa mga pumaklang bukas
sa mga tinakam na sahod
sa mga sinaid na tubig imbakan
sa mga bumulwak na lason
sa mga winakwak na dayukdok.
.
Bihisan man ang sumpong ng Kaligayahan
Baguhin man ang timpla ng patalastas
Antigin man ang sentimentalistang walang lakas
Sa Gahamang laway ito magwawakas.
Emanzky88
4 Disyembre 2011
© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa sariling instalasyon