Oktubre 2009


(Sa Ika- 24 Na Taong Kamatayan Ni Danjun Valcos Jr.)

Pebrero 17, 1966 - Oktubre 26, 1985

Pebrero 17, 1966 - Oktubre 26, 1985

Hindi

mapapaimpis ang namamagang

mukha ng karahasan

kung isinsil man ninyo ang aking

pangalan

sa mahabang listahang pader ng mga

bayani

o

ikasisiyang ihanay

kay

Ninoy Aquino, Edgar Jopson, Lorena Barros

at

Lean Alejandro.

Ganunpaman

Maraming salamat!

Hindi

matutungkab

ang

mantsa ng kasakiman

sa

pantalon kong duguan

ng

perang ibinabad sa nakasusulukasok na

klorina

mula sa kaban

ng

diktadura

meron nga ba?

Ganunpaman

Maraming salamat!

Hindi

mapasasaya

ang

tsinitong kong mata

nitong mga nakapaskil sa

daigdig ng sapot

mga

sanaysay, eksibisyong larawan, pinta

tula at  mabulaklak na mga salita

kung ngayon lang

muling

sumagi sa inyong gunita

ang aking

pangalan.

Ganunpaman

Maraming salamat!

Hindi

inoobligang ako ay papurihan

sambitin sa inyong

umpukan

tunay na aking

kinahinatnan

o

dalawin ang alumpihit na

puntod,

doon ay magtulaan,

umawit at mag-inuman

o

paulit-ulit

na

ikuti

ang mga titik ng kasaysayan

sa

bitak na lapidang marmol

sa

nitsong himlayan.

Nauumid

kong sa inyo ay itanong ang mga dating

kaibigan at kasama

sina

Jovan, Nardy, Eddie, Jackie, Bernard, Lito,

sina

Danny, Love, Malong, Cosme, Ipe, Nante

sina

Narding,Tofer, Dante, Javier at Rudy?

Sa

mga panandalian nakisilong sa

pugad ng aking

kamusmusan

kay

Edwin, Francis, Clemen, Cathy, Joven

kay

Peekay, Oslek, Andro

Rose at Emman?

Nakaguhit

pa rin kaya sa kanilang ugat

ang ehem at kulot na buhok

ni

Teto?

ang

kapilyuhan

ni

Bayuyig?

ang

makapal na salamin sa mata

at

pingkol na kamay

ni

TJ?

Ganunpaman

Maraming salamat!

Oo

dalawamput apat na beses na

Oo

mapangingiti at manlalaki

ang aking

singkit na mata,

muling iimpis

at

mamumula ang namaga

kong

mukha,

mangangasul ang pantalon

duguan,

likas na kulay sa panyong

pulahan,

pamagat na bandera ay wawagayway

KUNG

igagawad sa aming

ligalig na hukay,

matamis na awit

na matagal

ng

hinihintay.

Emanzky88

26 Oktubre 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino/

*BABALA: Maselan ang litrato na kinakailangan ng
gabay/paliwanag para sa menor de edad o wala pa sa hustong gulang

“EKSIBISYONG PARANGAL SA IKA- 24 NA TAONG KAMATAYAN”

Danilo "Danjun" Valcos Jr.

Isinilang: ika-17 ng Pebrero 1966
Namatay: ika- 26 ng Oktubre 1985

Binaril ng mga sandatahan ng pamahalaan
nuong ika – 21 ng Oktubre sa panulukan
ng daang Taft at Ayala, Maynila sa protesta
ng mga magsasaka at magbubukid ng
Gitnang Luzon

“Ang paglilinkod at paghahandog kung walang
nakaugat na pag-ibig ay walang kabuluhan
at sa dakong huli ito ay kasakiman.”
– Danjun

"ANG PINAGMULAN"

"ANG PINAGMULAN"

ANG KANYANG KABATAAN

ANG KANYANG KABATAAN

TRANSISYON NG ISANG DILAWAN

TRANSISYON NG ISANG DILAWAN

BOYKOT SA KOLEHIYO - 80'S

BOYKOT SA KOLEHIYO - 80'S

KAISA NG PANINIWALA MULA SA MALAYONG BAYAN

KAISA NG PANINIWALA MULA SA MALAYONG BAYAN

ANG MGA NANGIBANG BAHAY

ANG MGA NANGIBANG BAHAY

ANG HAMPASLUPA

ANG HAMPASLUPA

NAMUMUNLA NG PALAY

NAMUMUNLA NG PALAY

NAMAMAGANG KARAHASAN

NAMAMAGANG KARAHASAN

MANTSA NG PAGPASLANG

MANTSA NG PAGPASLANG

 MISA SA KABILANG BAKURAN

MISA SA KABILANG BAKURAN

MISANG PARANGAL #1

MISANG PARANGAL #1

KABABAIHAN NG SIMBAHAN

KABABAIHAN NG SIMBAHAN

MISANG PARANGAL #2

MISANG PARANGAL #2

TAGAPAGTAGUYOD NG KALIKASAN

TAGAPAGTAGUYOD NG KALIKASAN

MGA KAMAO AT SIGAW

MGA KAMAO AT SIGAW

ANG PAGSILIP NI RONALD

ANG PAGSILIP NI RONALD

ANG PAGHAHATID

ANG PAGHAHATID

ANG PAGBUHAT

ANG PAGBUHAT

ANG PAGBUHAT #2

ANG PAGBUHAT #2

ANG PAGLABAS

ANG PAGLABAS

ANG PAG-USAD

ANG PAG-USAD

ANG PANAWAGAN

ANG PANAWAGAN

PROTESTA SA PADER

PROTESTA SA PADER

MABIGAT NA PAGHAKBANG #1

MABIGAT NA PAGHAKBANG #1

MABIGAT NA PAGHAKBANG #2

MABIGAT NA PAGHAKBANG #2

HANTUNGAN

HANTUNGAN

ANG PAGTANGGAP

ANG PAGTANGGAP

ANG TITIK NG KASAYSAYAN

ANG TITIK NG KASAYSAYAN

(C) 2009 Parangal ng Kwentulang Marino

*Pasasalamat sa Kay Mommy Gloria, Obet at Pamilya Valcos
sa pahintulot at mga litrato

*BABALA: may litratong maselan na kinakailangan ng gabay/paliwanag sa menor de edad o wala pa sa hustong gulang

Danjun Valcos/ednelabao

” Danilo “Danjun” Valcos Jr.
Isinilang: ika- 17 ng Pebrero 1966
Namatay: ika- 26 ng Oktubre 1985

Binaril ng mga sandatahan ng pamahalaan
nuong ika- 21 ng Oktubre sa panulukan ng
daang Taft at Ayala, Maynila sa protesta ng
mga magsasaka at magbubukid ng Gitnang
Luzon…”

Hinihintay natin ang malakas na unos na darating. Buwan din yun ng Oktubre mas malakas pa sa unos ni Ramil/Lupit. Isang unos sa hanay ng mga magsasaka at partikular sa hanay ng kabataan.

Binuklat ko ang ilan tala sa kasaysayan ng Oktubre 1985. Binasa kong muli ang isa kong lumang tula. Binalikan ko ang isang lumang notebook. Binasa kong muli ang isang bagong tala. Nanahimik ako panandali at binalikan ko ang mga gunita.

“Naka-de gomang sapatos at may backpack na si Danjun, ‘yun nga lang alang budget nun para sa malakihang mobilisayon kaya’t pinasasanla ni Danjun ‘yun kanyang Zippo lighter para ipamasahe at makasama sa Lakbayan ng Magsasaka. Kanya- kanyang pasulpot ng pamadyak. Nabugbog ng mga nakaraan rali. Mga 50 pesos din yata ang pagkakasanla.” Kwento ni Jackie.

“Lakbayan ‘yun Oktubre 19-21 sa pagkakatanda ko nagsimula iyon sa Malolos rumuta ng Mecauayan patungong Manila.” sabi naman ni Nardy.

Kapit-bisig na sumisigaw ng Reporma sa Lupa! Uring Magsasaka Hukbong Mapagpalaya! Marcos Hitler Diktadur Tuta! Imperyalismo Ibagsak! May nalilikha ng tensyon, sa kabilang linya ay may kaguluhan na. May namamaril, ang lahat ay may kakaiba ng emosyon. Dumampot ako ng bato. Basta ibinabato ko sa direksyon ng mga namamaril, pasalubong sa amin. Sa totoo,hindi mo alam kung saan talagang direksyon na nangngagaling ang mga putok ng baril. Galit na ang umiiral. Nang-aagaw na nang mga truncheon ang ibang raliyista. Ibinuwal ang isang pulis na nakasakay sa isang motorsiklo. Wari ay hindi nakikisimpatya ang ingay ng LRT sa kaguluhan nangyayari sa ibaba. Pinagbabato ang isang bus at mga sakay ay nagsibabaan. Sa galit ay gustong itaob at sunugin. Sumisigaw ako na baka may masaktan na masa. Si Danjun may tama! sigaw ni Ronald. Isinakay nila sa isang service ng media. Mga putang ina ninyo! Mga putang ina ninyong pasistang militar!
Atras! Atras! Atras!

Umatras kami patungong Lawton. Nabawasan ng konti ang tensyon. Tulala ako. Tulala kami. Binabagabag ako ng matinding agam-agam. Susundan ko ba siya?
Tinatalo naman ako na sa akin nakasalalay ang koman. Oo , hindi na nga ako may responsibilidad sa kanila at may iba ng nakatoka sa kanila pero nandoon pa rin ang kosensya ang imahinasyon nang galit ng kanyang mommy. Na ikaw na dating nakikikain at nakikitulog sa amin, ikaw na nagdala sa kamatayan ng aking anak. Parang ganun ko na short cut ang mga imahinasyon. Wala pa naman tiyak na balita kung ano na ang kondisyon niya. Habang ako’y nakaupo sa hagdanan bato ng post office sa Lawton dinuduwag ako ng mga pangyayaring iyon. Nawala ako sa sariling makapag-isip ng mahusay. Naduwag na kong tuluyan…

Ang buhay ni Danjun ay hindi naman pwedeng ikumpara sa buhay ni Lean Alejandro o kaya’y sa buhay ni Edgar Jopson. Sabagay may kanya-kanyang
kulay ang buhay ng isang tao. Maari pa ngang sabihin nang iba hindi naman siya isang national figure o sino nga ba siya?
Boykoteo sa Baliuag Colleges 80's
Isa siya sa maasahan at pursigidong maglunsad ng boykoteo. Produkto ng Benigno S. Aquino Foundation. Ika nga e Ninnoy, Ninoy- mga dilawan. Hanggang sa maging kasapi at manungkulan bilang vice-chairman ng LFS- Baliuag Colleges Chapter. Lumahok sa ibat- ibang pagkilos maging sa ibang sektor ng lipunan. May yugto din tinuklas niya ang karaniwan tinutuklas ng isang kabataan. Sa akin, napiho kong lumalalim na siya, hindi na siya ang dating Danjun, napiho ko yun bago kami nagkahiwalay.
Mga Magulang ni Danjun
Sinong makakalimot sa kanyang tsinitong mata, bilugan katawan, makinis na balat na mula sa pang-gitnang uri ng lipunan. Ang kanyang tawang parang may hingal, laging pagtatali ng pulang scarf sa leeg o kaya ay sa ulo.

Masama ang lagay. Kritikal daw ang kondisyon. Ilan araw din siyang nahirapan. Oktubre 26 binawian siya ng buhay. Ibinurol muna siya sa Malate Church kasama ng nabaril na si Manny Lazo, estudyante ng CLSU.

Kinonboy ang kanilang paghahatid. Nagliliwanag ang mga sulo. Ibinurol din siya sa San Jose Chapel, maraming tao. Binigyan siya ng Luksang Parangal. Nagsalita si Francis Dela Cruz at iba pang lider ng bawat sektor. Isa sa nagmisa ay si Fr. Albert Suatengco. Dinurog ang aking sarili sa mga awit na gaya ng Pag-ibig Sa Tinubuang Lupa, Unang Alay- unang alay…unang tuwa…unang mithiin…unang alay…ay buhay…huwag pagapi sa lumbay…huwag pagapi sa hapis. Maraming madre na dumadamay sa kanyang mommy. Ganunpaman wala pa rin akong lakas ng loob na tumitig sa mata ng mommy ni Danjun.
Libing ni Danjun/ednelabao
Mahaba ang naging daloy ng nakipaglibing. Idinaan sa public market. Sa unahan ng punerarya ay may bitbit pataas na isang tela na may naka-print ng kanyang mukha. Nalulunod ang kainitan sa mga sigaw ng islogan at plakard.

Ilan taon din yun na kapag undas ay nagkikita ang mga dating kasama. Umiingay ang sementeryo sa mga awiting makabayan at sa lagok ng beer. Ang tula kong ginawa na isinulat ko sa sakong burma ay di na rin nadadala ng kanyang kapatid. Na i-pablis pa daw yun sa Pacesetter sabi ni Cathy. Ilan na lang kaming pumapasyal kapag undas , kadalasan ay di na rin nagkakasabay-sabay.
Huling Hantungan (Municipal Cemetery)/ednelabao
Ang marmol na lapida ay parang isang daan na Taft Ave. may bitak na parang iginuhit sa aking sintido habang paulit-ulit kong binabasa;

” Danilo “Danjun” Valcos Jr.
Isinilang: ika- 17 ng Pebrero 1966
Namatay: ika- 26 ng Oktubre 1985

Binaril ng mga sandatahan ng pamahalaan nuong ika- 21
ng Oktubre sa panulukan ng Daang Taft at Ayala, Maynila
sa protesta ng mga magsasaka at magbubukid ng
Gitnang Luzon.

” Ang paglilingkod at paghahandog kung walang nakaugat na
pag-ibig ay walang kabuluhan at sa dakong huli ito ay
kasakiman.”- Danjun

“DALAWAMPUT APAT NA TAON ANG NAKALIPAS”

Hawak ko ang isang kopya ng ispesyal na edisyon – “Si Tatang At Mga Himala
Ng Ating Panahon” ni Ricky Lee inilunsad ang libro sa Powerbooks. Binasa nila Ogie Alcasid, Allan Paule, Danton Remoto, Jean Garcia, Dingdong Dantes, Angel Locsin ang ibat-ibang parte ng libro. Reportage yata kung tawagin.

Naaliw ako kay Ogie Alcasid bilang panggagad ke Joel Lamangan sa shooting ng Himala. Ganun din kay Danton Remoto.

Binasa ni Philip Salvador ang isang parte sa “Ang Mahabang Martsa Ni Emmanuel
Lazo” Gusto kong itago, gusto kong pigilin, gusto kong mahiya, gusto ko nang iluha at hindi ko na naitago, hindi ko na napigil, hindi na ko nahiya- akin ng iniluha…siguro hindi lang siguro. Tiyak yun…kaya ako naluha ay nandoon din ang kwento ni Danjun.

Mahaba ang pila para sa pagpapirma kay Ricky Lee, inilabas ko ang ikalawang edisyon at ni-rekwes kung lagyan ng dedikasyon sa pinaka-istorya. Mukha lang ni Manny Lazo na parang pigil na ngiti ang malapit na doo’y isinulat;

“Sa Alaala ng isang makabuluhang buhay!”
– Ricky Lee

Maikli kaming nag-usap, nagpakilala kong dati kong kasamahan si Danjun. Maging si Philip Salvador din daw ay nagustuhan niya yung parte niya at pati ang kanyang mga staff ay naiyak, iba kasi talaga ang dating, para bang may hinugot sa kaloob-looban mo at kinanti ang isang nakaraan. Malalim ang mga hiwa nang bawat bigkas, para bang nanadya.

Pagabi na. Papalayo kong binuklat ang bagong edisyon na kulay mamerde-merde, naka-imbos ang ibat-ibang galaw at posisyon ng mga tao, habang nakatayo si Nora Aunor malapit sa kahoy na bakod. Muli hinanap ko ang Kwento nila Manny at Danjun.
Hindi na ang Manny na pigil ang ngiti ang nakita ko…isang Danjun sa kanyang tsinitong mata, bilugan pangangatawan, makinis na balat mula sa pang-gitnang hanay, may pulang scarf sa leeg at may hawak na iwinawagayway …isang pulang bandila.

(c) 2009 Kwentulang Marino at Ed Nelson R. Labao

* Pasasalamat kay mommy Gloria at Obet Valcos
sa pagbibigay pahintulot at litrato

noodles ni villar Ang pagkain ay isang sukatan kung ano ang katatayuan ng isang tao o lipunan. Natatandaan ko pa nu’n, mga tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan. Pag tinanong ka kung ano ang inyong ulam o iniulam, bantulot kang sagutin laluna’t umiiral ang iyong hiya-“tuyo (dried fish o bulad sa kabisayaan) lang po” nung panahon na yun, pag nag-ulam ka ng tuyo e nasa level ka ng mahirap na pamilya. Pero ngayon hindi ka na dapat mahiya, dahil ang 1kl. ng tuyong kaliskis ay umaabot sa 160-200 piso. Tambok o lapad ay 250-300 piso ang 1 kl.

Matapos ang yugto ng tuyo, daing o bulad ay pumasok naman tayo sa yugto ng Galunggong. Sa panahon bago at maluklok ang namayapang presidente na si Cory Aquino. Ang isdang galunggong ay kinokonsidera na mababang uri o pagkain lang ng mga purdoy. Kaya’t napalitan naman na “GG lang po ang ulam namin.”

Ngayong namatay na si Pres. Cory Aquino ang isdang GG ay di na pagkain ng purdoy. Ang sukatan kung ikaw ay naghihirap ay ang madalas mong pagkain ng instant noodles mula umaga hanggang gabi, sasabawan mo ito ng ilan pitsel na tubig para mapagkasya sa buong myembro ng pamilya.

Ba’t na naman naungkat ito? Dati mo na yata itong nai-post? Maaring sagot ng ilan nakakabasa ng aking mga ipinaskil.

BInagabag lang kasi ko ng mga napagkikita kong instant noodles at bottled water na ipinamimigay sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng.
bottled water annette helbig
Sa pakiwari ko hindi lang ngayon ito ipamimigay sa panahon ng kalamidad. Magpapatuloy ito hanggang sa panahon ng kampayahan o eleksyon. Syempre pa, nasa balatkayo pa rin ito ng patuloy na pagtulong sa mga nasalanta. Kung dati ay ipinamimigay lang ng mga kandidato ay mula sa t-shirt, pamaypay, payong, kendi, bag, kalendaryo, semento, poso, yero, buhangin at bato.

Bubuhos ang mga pang-konsumong produkto na kailangang-kailangan ng pangkaraniwan o nagdarahop na masang pinoy. Babaha ang mga instant noodles, mga naka-sachet na 3 in 1 coffee, shampoo, sarsarap, patis, catsup, toyo, cooking oil. Kaibahan lang nito ay nakapaskil ang mga mukha ng kandidato at naghuhumiyaw nilang pangalan.

Para sa iba, isa itong katawa-tawa at insulto sa malawak na masa. Sa isang banda, para sa mga politikong may ganitong ideya, bukod sa nakatitipid, epektibo din itong ko-konekta sa masa. Alam ng mga nasa likod nito na ang masang pinoy ay gaya ng isang instant noodles – madaling makalimot, madaling mapagpatawad,madaling bumigay; sentimental o emosyunal, kakapit sa patalim kapag sikmura ay kumakalam, matiisin at madaling paikutin. Hindi nila kukutwesyunin kung bakit nakapaskil ang mukha ng isang kandidato sa mga nasabing produkto. Sabihin mo man iyon ay isang diktadur o asawa ng isang diktadur, protektor ng mga gambling lord, maraming pinapatay, sipsip sa U.S, sangkot sa ZTE o C5 scandal at kumakain sa mga mamahaling restawran. Walang puwang ang mga katanungan, walang puwang ang sino at bakit kami binibigyan…walang puwang ang pagtanggi.

Kung dati ang mga nagpapagawa lang nito ay mga malalaking fastfood chain, hotel o mga kumpanyang may ispesyal na pag-gagamitan. Ang mga kandidato o politiko ay pumasok at papasok na rin sa ganitong larangan.

Para sa malalaking negosyo. Tingin ko’y hindi sila nangangamba na ma-apektuhan ang kanilang negosyo o produkto kung ilalagay nila ang mukha ng isang diktadur o politikong batbat ng anomalya at pandarambong, iba pang krimen laban sa bayan. Katwiran nila, kami yung naasahan ninyo sa panahon ng may kalamidad ang bansa, kami ang nag-uulat sa mga kaganapan kahit na nga walang patalastas, kami ang nagpapadala ng mga tone-toneladang sardinas, noodles, gamot, blanket. Parang manok na di ma pa-itlog ang aming mga foundation kung paano kami tutulong. Kami na inuuna ang kapakanan ng mamamayang Pilipino bago tubo.

Nabugbog na ang pangkaraniwang masa ng patalastas sa telebisyon. Napasaya na kami ng mga telenovela, nanalo na kami ng milyon-milyon sa mga pa-kontes at pa-raffle.Napaiyak na kami ng inyong mga proyekto para sa mga batang walang pampaaral sa hayskul.Napapaniwala na kami ng mga sikat na nag-indorso ng nasabing produkto – na ito’y walang lason, nakapag-papayat, nakabubusog, nakapag-papatalino, nagpapatawad at natututong magmahal.

Kaya’t walang problema kung ito’y ipamimigay, ipamumudmod sa panahon ng kampayahan. Bumaha ng limpak-limpak na pera at pangunahing kailangan ng masa. Magpapakalunod kami sa sabaw ng noodles, magpipista kami sa ibat-ibang putahe ng instant ulam na de lata, malalasing kami sa iba-ibat klase ng kape, ipanghuhugas namin ang mga bote-botelyang tubig sa inaalipunga naming mga paa. Hahalimuyak ang aming putikan buhok sa ibat-ibang klase ng shampoo. Dahil ang lahat ng ito’y sa amin din nanggaling.
0e4c18fe615f7946
Ang ikinatatakot ko lang. Huwag sana silang maging kampanteng mga politikong gumagawa at gagawa nito. Baka sa pagkain ng pankaraniwang masa na kanilang animo mumong kanin ipinamudmod ay biglang kabagan at hindi matunawan, umakyat sa kanilang ulo – mahimasmasan at tuluyang matauhan. Sumuka…isuka…sumuka nang sumuka…isuka nang isuka.

(c) Karapatang-ari 2009 Kwentulang Marino

* litrato sa noodles ni Tina Bustamante Tubongbanua
litrato sa botelyang tubig ni Annette Helbig
sumusukang payaso mula sa news.yahoo.com

climate-change
Sinisigan
ang
mga
nalagas
na
gunita
sa
pagdating
ng
dapithapon.

Pinaiinin
ang
biyaya
ng
lupa

gamit
ay
tinilad
na
kahoy
nang
aking
kamusmusan.

Umaalipato
ang
nagbabagang
kalam
sa
nangingitim
na
sikmura.

Mabilis
na
dumadaloy
ang
makamandag
na
asido
sa
kumikiwal
na
mga
bituka
ng
estero.

Ibinubuga
sa
matangos
na
hininga
ang
maitim
na
usok
ng
kasakiman.

Inaalinsanganan
sa
lamig
ng
magdamag.

Binabaha
ang
nanunuyo
kong
lalamunan.

Tinutunaw
ang
bloke-blokeng
iyelo
ng
ating
kamangmangan.

Tumatagos
sa
aming
minanhid
na
kamalayan
ang
masidhing
kirot
na
gumuguhit
sa
aking
kalingkingan.

Emanzky88
12 Oktubre 2009

– litrato mula sa greenpeace.org

noodles ni villar

Nabundat
ako
sa isang timbang
sabaw
na
nilubid
nang
kaipokrituhan.

Hanggang
sa
pagtulog
ay
binangungot
ako
ng inyong
tubig batis
na
ngiti.

ikinatatakot
lang
namin
ay
baka kami
ay
kabagan

sa inyong
walang
sawang
pagdamay.

Ihahabilin ko
nga pala
bago
kami
pumanaw

tanawin
ng
utang
na loob

hanggang
sa
aming
kaapu-apuhan.

Masama…

masamang panaginip

ang
gumising
sa sumawsaw na
inaalimpungatang
bituka.

Iguguhit
ko
nga
ba
sa balota

ang mga
padalang
isdang tanga.

noodles
na
patalastas
ng
isang
sikat
na
artista.

o kaya
ay

kakayurin
ng
putikan
kuko

ang
mga
sikmurang
na-impatso.

Emanzky88
12 Oktubre 2009

-litrato mula kay Tina Bustamante Tubongbanua

typhoon pepeng pdi.net(Gaya Ng Hanging Nagdaan)

Bayaang
ilublob sa
luha
ang mga
natuyong
kalansay.

Ibaon
sa putikan
ang mga naudlot
na
pangarap.

Huwag abalahin
ang mga
binangungot
na
tanod
sa labis
na
paghimbing.

Pagpistahan
ng mga
binusabos
na
mumong
hatid
ng
dayuhan.

Laruin
ng mga
konsolasyon
at
mahalimuyak
na
salita.

Maiwan
ang mga
banlik
na pilit
humahalik
sa
nakaraan.

Mangati
ang
nangangamoy
na
hampaslupang
talampakan.

Walang sumagi
sa
minanhid
na
isip.

Walang sumbat
na
marinig
sa napiping
tinig.

Bukas!

Malayang
gumagala
ang mga
hayok
na
lobo
sa masansang
na
lansangan.

Emanzky88
10 Oktubre 2009

– litrato mula sa pdi.net

sarasha - indonesia earthquake
Binisita

mong
mga
siyudad
nang
walang
pasabi.

Pinatag

ang
lunduyan
ng
pangarap
na
aking
hinabi.

Niyayanig

ng
kongretong
haligi
ang
pananalig
ko
kay
Allah.

Inaalon

nang
gabundok
na
pangamba

ang
mga
ikinahong
pag-asa.

Tumatangis

sa
hangin

ang
mga
mamad
na

kaluluwa

mabilis
na
inanod
sa
ngumingiting

limbo

kasabay
na
humihilig

sa
mga
bisig
ng

pighati.

Emanzky88
8 Oktubre 2009

-litrato mula sa news.yahoo.com (sarasha)

Image010(Sa Mga Inulila Ni Ondoy)

Nalungkot
ang
buwan
sa
siwang
ng
mga
sanga

sinisilip

ang
mga

naglutang

na
alaala.

Sa
nababad
na
lamig
ng

gabi

walang
mabanaag
na

mumunting kislap
at
saya.

Mapait
na
ngiti
sa

nangingitim

na
labi

ang
sa
iyo’y
matipid
na
isinukli.

Mga
pangarap
kong
sa

basura
ay

iginapos

kasabay
na

tinangay

nang
nagngangalit
na

agos.

Emanzky88
5 Oktubre 2009
12:03 n.u
***
Nalathala sa librong IPUIPO SA PIGING (2010)

yahoo.news com

“Tahasan naming itatanggi ang mali ninyong pagtingin sa aming pagka- Pilipino…”

Sa “international community” huwag po kayong magdadalawang isip na magpadala ng donasyon sa bansa , para sa kalunos-lunos na sinapit ng aming mga kababayan sa lupit ng bagyong Ondoy.
Huwag din po kayong matakot na sa hindi mabuting kamay babagsak ang inyong donasyon, pawang paninira lang po na gagamitin lamang ito ng mga politiko o gagastusin lamang para kumain sa mamahaling restawran. Ibubulsa o ipambibili ng boto sa darating na halalan.

Wala din pong katotohanan na ito ay bunga ng kapabayaan ng gobyerno, na walang maayos na plano – tinatawag ng iba na “urban planning.” at kawalan ng disaster management plan.

Hindi rin po ito bunga ng pagbibigay pahintulot sa mga dayuhang nagmimina at walang habas na pagputol ng mga puno sa kagubatan. Polyusyon mula sa mga lokal at dayuhang pabrika.

Tahasang itatanggi din po naming kung sasabihin ninyong kaming mga Pilipino ay salahula, na kung saan-saan na lang magtapon ng mga basura, kaya ito ang sinasapit naming mga pinoy. Sa totoo lang po, ipinagmamalaki naming isa kami sa pinakamalinis na tao sa mundo. Kayo ba ilan beses ba kayong maligo sa loob ng isang araw? Kahit na nga malamig ay naliligo kami, di tulad ninyong dinadaan na lang sa pawisik-wisik ng kolon. Pasensya na po, hindi nga pala namin kayo dapat awayin.

Yung nakikita po ninyo na mga ngumingiting biktima ng Ondoy na kalahati ng katawan ay nakalubog sa baha at nakukuha pang magtawanan at magkantyawan, likas na po sa amin iyon. Anuman ang dumating sa aming bagyo, lindol, at salot ay kaya naming harapin. Hindi naman kami gagaya sa mga kapatid naming Asyano na simple lang problema o kahihiyan ay para ng sinukluban ng langit at lupa. Kadalasan pa e nagpapatiwakal ang marami. Ano kami bale?

Baka sabihin din ninyong mababaw ang kaligayahan naming mga pinoy, na komo artista lang o politiko ang namimigay ay madali na naming malimutan at mapatawad kung sino talaga ang may kagagawan ng trahedya. Okey lang po sa amin na mamigay sila. Nakamayan ko nga po si Dingdong Dantes at Marian Rivera, sa totoo lang po tanggal ang pamumulikat ng aking bewang at pangangati ng alipunga sa aking paa. Hindi ko nga po napigilang tumili at kunan ng
litrato ang mga iba pang artista. Napapasalamat nga din kami sa mga politikong namigay ng relief goods mula sa mga lalaban sa pagka-presidente mula kay Erap, Villar, Noynoy hanggang sa lokal na kandidato. Talagang trak-trak kung dumating ang mga donasyon. Okey lang po kahit sabihin ng iba na ginagamit lang kami para sa kanilang popularidad.

Wag din po kayong maniniwala na hindi tumulong ang mga tropang Amerikano. Katunayan nga po, kung sabado nanalasa si Ondoy, linggo na po ng ala una ng hapon rumesponde sila. Yun nga lang po inaasahan ko sana na ipapakita nila yung galing nila sa mga Balikatan exercise, na kahit malakas ang alon ay nakasakay sila sa isang rubberboat na animo dadagitin ang kanilang ililigtas at ilalayo sa panganib. Ewan ko rin kung nagamit nila yung mga helicopter na parang tulad din ng eksena sa Hollywood na kukunin sa bubungan ang biktima. Ganunpaman payag pa rin akong manatili sila dito sa pinas kahit na nga kwestyunin ng iba ang pananatili nila dito. Sila pa rin ang hero ko sa matagal na panahon.
Speaking of rubber boat, di po totoo na dalawa lang ang ginamit ng mga nag- reskyu sa Marikina. Marami pong stock na rubber boat dito sa pinas, lahat po ng ahensya ng gobyerno meron dito.
Kahit nga po sa kongreso, senado mero din po. Syempre pa maging sa palasyo, kasi naman malapit yun sa Ilog Pasig. Uulitin ko po rubber boat hindi po mga bundat na tiyan, baka po kasi magkanriringgan kayo.

Huwag din po kayong padadala sa balita na kaya malungkot ang mukha ni Kuya Gibo at Ate Glo ay na – guilty sila. Iyon po ay manipestasyon ng pagmamahal at malasakit sa aming mga pinoy.

Kung nakita man nga pala ninyo si Jessica Soho nung gabi ng sabado na parang me tinig nang kawalan ng pag-asa at yung reporter nilang si Susan Enriquez na mangiyak-ngiyak eh pagpasensyahan na po ninyo at naging emosyunal lang sila. Hindi nila dapat ipinakikita sa t.v yung tunay nilang damdamin. Dapat maging manhid este matatag sila gaya ng mga namumuno sa bansa.

Kasinungalingan din po na sabihing makasalanan na kaming mga pinoy kaya sinisingil na kami sa itaas o pagpaparamdam lang na malapit na ang paghuhukom. Kami ang pinakauna o tagapagtaguyod ng Kristiyanismo dito sa Asya. Narito din ang mga ibat-ibang kongregasyon. Matatag ang simbahang katoliko, INC, JIL, El Shaddai, kaya nga di makalusot-lusot yun kung anu-anong bill. Di pwede sa amin- pag nakasalang na eh moralidad naming mga pinoy.

Sa kabila nito eh kaya naming harapin ang mga pagsubok. Kaya naming bumangon. Isa lamang paghamon ito sa aming katatagan. Kahit na nga sabihing matiisin kami, iba ang Pinoy!
Mahalaga ay kung paano kami manalig sa dakilang lumikha at sa mga namumuno sa aming bansa. Uulitin ko, Tahasan naming itatanggi ang mali ninyong pagtingin sa aming pagka- Pilipino.

– litrato mula sa news.yahoo.com