Marso 2009


spider_webs

“Maraming salamat sa pagsali mo sa akin at sa aming kasal sa iyong Blog. Alam mo dito sa Tsina, hindi ko pwedeng ma-access ang blog mo dahil may mga blogs dito na blocked. Pero umuwi ako sa Manila nung isang linggo at nabasa ko ang article na
sinulat mo tungkol sa Tagsibol Sa Tianjin…sobrang na-touch ako, can’t believe “You Tube” can’t be accessed from China anymore…”

Limang buwan ang nakaraan nang matuklasan ko sa isang web site na kabilang pala ang aking mga tula sa isang eksibisyon sa
U.P Vargas Museum. Tinula din nila Fidel Rillo at Bobby Añonuevo sa Conspiracy Bar bilang bahagi ng Kuhang Marino:Images of Filipino Seafarers (2006), photo exhibit ni Johannes Ode, isang Olandes na batikan sa larangan ng potograpiya. Kinomisyon ng Philippine Seafarers Assistance Programme (PSAP) nakabase sa Netherlands
sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines Institute of Creative Writing (Likhaan).

May kislap na pumasok sa aking isip, ba’t di ako gumawa ng blog?
Kahit na nga nalathala ang ilan sa aking mga tula sa ibang bansa at maging sa ANI-literary journal ng Cultural Center of the Phils.
masasabing makitid pa rin ang lawak o abot nang pagnanais kong kumawala ang aking mga tula at kwento sa aking Pulang Dyornal,
kung makapagsasalita lang ay isusumbat sa akin ‘wag buruhin ang aking mga sinulat sa matagal na paglalakbay sa alon ng buhay.

Paunti-unti ay natuto kong maglambitin sa daigdig ng sapot, may sumibol na panibagong lakas, kakaibang saya at isang antas ng kapangyarihan na maibulalas ang aking iniisip, tunay na ramdam at nais isigaw. Eh ano kung husgahan nang iba na pilit o hilaw ang aking mga sinasabi’t sinusulat, kritikong sampay-bakod, papansin at nag-aastang maraming alam at kunwa’y alagad ng sining. Mahalaga’y handa akong tumanggap ng puna. Halawin ang mga taglay na lakas at kinisin pa ang mga kahinaan sa abot nang makakaya.

Kapangyariha’t Oportunidad

d7a3a0af4fe55c4cDito sa daigdig ng sapot, nabigyan ng lakas at pag-asa ang tulad nila Arnel Pineda, Moimoi Palaboy at batang aeta. Nabibigyan leksyon ang isang aroganteng fashion designer sa pagpapaluhod sa isang cashier sa duty free shop. Pwede mong ipagsigawan ‘kaw ang presidente ng Marian-Dingdong Fans Club. Makidalamhati sa pagkawala ni Francis M, sumimpatya kay Vicky Belo at husgahan si Katrina Halili. Dito pwede kang magtutuwad, umindak, kumanta kahit na wala sa tono, ilabas ang dyoga, pwet at hinaharap mo. Dito maaring friends mo sina Chiz Escudero, KC Concepcion, Joey Ayala, Magdalo, Gen.Danilo Lim, Joma Sison at Kiko Pangilinan. Naghuhumiyaw sa facebook mong fans ka nila Tito, Vic & Joey, Lenin, Obama, Gong Li, Angelina Jolie, Che Guevara at Yoyoy Villame. Ka-blog mo si Kengkay, Cinderella, foobarp at cardinal bitch na hindi kinukwestyon kung anong uri o antas sa lipunan na meron kang pinagmulan.

Dito maari mong ikampanya ng maaga ang mga nagtatangkang politiko at maging politiko gaya nila Among Ed Panlilio, Jarius Bondoc, Dick Gordon hanggang kay Eddie Gil, pwede kang sumayaw ng chacha, na love mo ang mga kano kaya’t ok lang sa’yo ang VFA, pati si Nicole ay hindi mo bati tuloy kasi napahamak ang pagka-gwapong si Daniel Smith, na likhang isip lang global financial crisis, na okey lang sayo na maraming mamamatay na sanggol sa pananalakay ng tropang Amerikano sa Iraq. Dito ang tama ay pwede mong ibaluktot, ang baluktot ay pwede mong itama, kasinungalingan ay maaring maging totoo at ang katotohanan ay maaring hinahanap o nasa tabi lang.

Bantang Panganib At Sensura

Sa isang banda’y may dala itong panganib at sensura. Katwiran ng iba’y may limitasyon din ang tinatamasa n’yong kalayaan sa daigdig ng sapot. Gaya ng sitwasyon ko.Hindi ko sukat na akalain na ang aking blog ay hindi maaring ma-access sa China. Kamakalawa nakatanggap ako ng e-mail sa isang kaibigan, gaya ng isinasaad- “maraming salamat
sa pagsali mo sa akin at sa aming kasal sa iyong Blog. Alam mo dito sa Tsina hindi ko pwedeng ma-access ang blog mo dahil may mga blogs dito na blocked.Pero umuwi ako dito sa Manila nung isang linggo at nabasa ko ang article na sinulat mo tungkol sa Tagsibol Sa Tianjin…sobrang na-touch ako, can’t believe “You Tube” can’t be accessed from China anymore…” dagdag pa n’ya na pakiwari ko’y may halo ng lungkot at panghihinayang.

Marahil baka nangangamba silang medyo kritikal ang laman ng aking blog at maging kritikal sa China laluna’t may lumabas na artikulo sa isang magazine sa Hong Kong na naglalaman ng pang-iinsulto sa ating mga pinoy, takot din silang ma-hacked at makuha ang pormula ng taho at tokwa. Baka magsulat ako ng kalibugan na maging mitsa ng pagbagsak ng partido komunista sa Tsina.Tutal eh blocked naman pala itong blog ko sa China eh bayaan n’yo kong mag-kwento ng konting pagka-dismaya ng una kong makarating sa Chiwan, China. Mantakin mo’y sandamakmak na custom police o opisyal ang nagsisampa sa barko, hindi po sila mag-inspeksyon lang makikikain din.Malayung-malayo sa mga aral ni Mao at dokrina ng rebolusyon. Nung panahon na ‘yun bawal ang prostitusyon sa China, maniwala ka bang ‘yun karamihan sa mga beauty parlor ay front ng prostitusyon kundi pinatatakbo ng militar eh sila ang protektor, pag inaalat ka pa eh kunwa’y huhulihin ka dahil lumabag ka sa batas presto-magbayad ka. Ang dating partido ng masa, ngayu’y partido ng mga komunistang elitista.

May panganib talagang dala ito sa lahat ng uri o klase ng estado. Sa internet marami kang matutuklasan, matutunan, magagawa, maipakita at iparamdam ang gustong mong mensahe. Gusto mong matutong gumawa ng imprubays na bomba, manakaw ang mga sensitibong impormasyon sa ekonomiya at militar, ipinakikita kung paano ambusin at pasabugin ang mga sopistikadong pandigma at tropang Amerikano, pwede kang manawagan ng pag-aalsa at ipahayag na may kudeta, ipakita ang dinaranas na pagka-gutom sa North Korea, paano pugutan ang banyagang bihag ng Al Qaeda, malawakang pag-aresto sa Burma, makita si Ka Roger na bumabasa ng pahayag sa ika-40 anibersaryo ng NPA, tagumpay ng mga eleksyon sa Latin America na may hibong anti-imperyalista, ayaw ipahalata natitigatig ang U.S sa krisis nila, panganib na kita-kits sa Tiananmen Square at manawagan ang Dalai Lama ng pag-aalsa sa Tibet.

Kung tutuusin di lang naman sa China may paghihigpit. Sa U.S di ba’t kung anu-anong Terror Act ang ipinasa, bubusisiin kung ano tunay mong nasyunalidad, pwede kang i-sarbeylayns, i-hak ang yung account, kulang na lang amuyin pati kili-kili mo para mapatunayan kang myembro ng isang Islamic group.

7e89b40518370e92Bawat estado’t paghahari, bawat ismo at ista ay may kanya-kanyang dahilan at katwiran. Sa elitista’t burges na demokrasya magsalita ka lang ng mga terminolohiyang kaliwa, manindigan ka laban sa VFA at gyera sa Iraq, pintasan mo lang si Obama ay pwede kang maakusahan komunista. Sa mga rebolusyonaryong pwersa lumihis ka sa kanilang prinsipyo, maging iskolar ka sa U.S pwede kang maakusahan rebisyunita, kontra-rebolusyunaryo at pakawala ng CIA. Purihin mo ang Islam, delikadong ‘kaw mapagdiskitahan terorista, punahin mo ang Islam lagot ka naman sa mga pundamentalista. Purihin mo si Ate Glo-tuta ka ng Malacañang. Purihin mo si Obama-tuta ka ng kano. Waahhh lahat kayo add ko bilang friends ko!

Masasabing maraming mukha ang daigdig ng sapot na pwedeng maging diyos ng kasamaan at kabutihan. Lumaya sa mga tunggalian ng uri at bagay. Maari din mang-alipin, luminlang, bansutin ang kaisipan at panatilihin sa ganun kairalan. Kasalungat nito’y maari kang lumaya, yumabong, tumawa’t makapag-pasaya ng iba, magbigay ng bagong buhay at pag-asa.

3195685590_ef9189b588Hindi matatawaran ang kalidad na mga ipinapalabas ng GMA Network- pang “world class” kabilang na’ko sa kanilang mga tagahanga. Sino ba naman ang hindi sasaludo sa mga tulad nila Jessica Soho, Howie Severino, Jay Taruc at iba pa na humahakot ng mga karangalan sa lokal at internasyunal na institusyon sa larangan ng mas midya. Kumbaga, matitinik ang mga staff ng GMA News and Public Affairs.

Nitong nakaraan gabi medyo nadismaya lang ako sa ipinalabas na paksa na “WALANG PERA?” sa SNBO. Pangunahing tinalakay ang isyu sa krisis pampinasyal na kinakaharap ng Pilipinas at ng buong mundo, syempre pa, mahusay naman ang boka ni Mike Enriquez at Prof.Winnie Monsod Palma, ‘yun nga lang NABABAWAN AKO SA PRESENTASYON AT PAGSUSURI. Kaya’t hindi mapakali ang bagabag kong isipan eto’t nag post ako ng title ay kapareho lang kung papansinin, sila’y nagtatanong ako naman ay tuwiran nagdidiin na -WALANG PERA!

Gusto ko lang magpauna, maaring may magtaas ng kilay kung ano ba “K” para mamuna. Una, hindi ako nagtapos sa Harvard o Wharton School of Economics, ni nakakuha ng ilan subject sa U.P o Ateneo. Sa totoo galing lang ako sa isang pipitsugin kolehiyo, tanda ko pa dalawang beses akong “INC” sa dalawang subject ko sa Eco. Hindi rin ako nalahiran ng laway ng mga batikang ekonomista gaya nila Villegas at Lichauco, ayaw ko rin mag as if na eksperto ako sa “popular culture” pinanghahawakan ko lang ako’y isang indibidwal na may karapatan magpahayag ng aking iniisip at nararamdaman, dagdag pa ang sitwasyon ng aking mga ka-tribu, pagkawala ng tinatayang 40,000 seaman ang maaring mawalan ng trabaho sa mga barkong pag-aari ng mga Hapon.

MABABAW AT MAKITID NA PAGTALAKAY NG ISYU

1.Pangunahing binigyan katwiran ang patuloy na pagdami ng mga prangkisa -Potato Corner, pinipilahan ng mga mamimili. Pero di nila binanggit ‘yun sinasabi ng iba na “mall culture”. Sino ba ‘yun may kakayan makapunta sa mga mall at fastfood? sila ba’yun may kamag-anak sa abrod at nagpapakahirap para may maipadala at gastusin ng kanilang mga mahal sa buhay sa Pinas. ‘Yun bang magsasaka, manggawa, strit vendor ay may kakayanan makapamili o ma menetyn nya ang pagpunta sa mall at fastfood?

2.”Magbubuko sa U.P”- alam naman ni Prof.Winnie na hindi lahat ng may pera o kapital ay wan klik ay pwedeng magtayo ng negosyo. Kailangan mabuo muna sa iyong sarili ang konsepto at prinsipyo ng negosyo.

3.Nakatali lang sila sa pag-unlad ng negosyong pang-konsumo gaya ng pagkain pero wala silang ipiniresenta sa labas ng tunay na kalagayan ng ibang negosyo kung tunay pa ngang umuusad, baka hindi nila alam na may nagsasara rin prangkisa ng mga fastfood. Iyon lamang ang ginagawa nilang barometro o sukatan na di tayo dapat mabahala.

4.Nakatali din ang GMA Network sa punto de bista ni Prof.Winnie Monsod Palma at walang ibang ekonomista nagbigay ng opinyon. Marahil malaki ang sampalataya nila. Pwede din iyon ang paniniwala ng GMA Network.

5.Bakit hindi man lang nasaling o napuna ang “trade protectioniosm policy” ni Obama na dati sila ang pangunahing nagsusulong ng trade liberalization at globalisasyon.

6.Hindi naipakita o natalakay ang sakit ng kapitalismo, kung bakit tayo apektado.

7.Lumilitaw na umaayon na lamang tayo kung ano ang galaw at pangangailangan sa pamilihan. Ano na sitwasyon ng mga nagsipagtapos sa kursong Nursing. Ngayon naman ay pumapalakpak pa tayo na may panibagong oportunidad sa call center. Para tayong hilong talilong, hindi alam kung saan pupunta. Ura-urada ba kaagad na makapag-treyn tayo ng maramihan?

ANG LUNDO

In good faith sana ang GMA Network sa pagbibigay pag-asa at paghahanda nating mga pinoy sa kinakaharap na krisis.

Mahusay din nilang nagamit si Marian Rivera para maganyak na panoorin ng masa.

Sana hindi naging o maging instrumento ang GMA Network at iba pang ekonomista sa pagtatakip at paglilihis ng tunay na isyu para higit na maunawaan ng sambayanang manonood na ang kinaharap na isyu ay BUNGA NG KASAKIMAN NG MGA MALALAKING NEGOSYO SA SOBRANG PAGGAWA NG PRODUKTO AT PAGKONTROL PA SA MGA TULAD NATING MAHIHINA AT MAHIHIRAP NA BANSA.

Kay T.J

Tag-init…

una

kang
nakita.

buwan
ng
Marso.

may lamig
ang
mabituing gabi
sa
Antipolo.
sa may
tuktok
ng
Redemptorist-

sabay nating
diniskurso,
mga linyang
komplikado.

sabay nating
inawit,
ang
Bato Sa Buhangin
ni
Cinderella.

sabay nating
tinanaw,
animo
alitaptap
na ilaw
ng
Maynila.

kahit sa
dilim
nagayuma
ako
ng iyong
may pang-akit,
may ningning
na
hugis almond
na mga
mata;
sinuhayan
nang malambing
mong
tinig
na
higit nagpatingkad
sa kulay
tsokolate’t
makinis
na
balat.

Tag-init…

buwan
ng
Marso.

may salungatan
sa
mga
taktika’t
prinsipyo.

may nilusaw,
lumutang
na
mga
organo.

may nabitak
na
mga
kalsada.

galaw ng
mga
kaaway,
namayaning tunay.

sa katag-arawan
sila’y mga
nagbunyi,
masiglang
kumakaway.

puno’y
hindi namunga,
taglay
ang
nalantang pag-asa.

Tag-init…

huli

kang
nakita.

buwan
ng
Marso.

Emanzky88
1 Agosto 2008

(c) 2008 Kwentulang Marino

Nalalapit na ang taning ni Pres.George Bush sa pagsalakay sa Iraq.

Wala na rin nagawa ang U.N at disidido ang U.S na sumalakay.May mga nag-vigil na mga militante malapit sa U.S Embassy.Pati na ang “church” ay ganun din.

Sa ibat-ibang panig ng mundo ay marami ang nag-protesta laban sa hakbangin ng U.S.Higit pang tumingkad ang mukha ng U.S sa tunay n’yang intensyon.

Arogante ang posisyon ng U.S,ipinakikita lang na sila ay makapangyarihan.Maging ang mga mamamayang Amerikano ay tutol sa hakbangin ni Bush.Alyado niya ang bansang U.K at Spain.

Ilan oras na lang ang hinihintay ng mga mamamayan ng buong daigdig.

Emanzky88
Pulang Dyornal
20 Marso 2003
1:08 n.u

*bilang paggunita sa ika-6 na taon na pagsalakay ng tropang Amerikano sa Iraq.Dito rin hinalaw ang tula na may kamukhang pamagat LAMAY sa TULANG-BYAHE.

Matindi ang kalam ng aking sikmura,may kahalong kirot.Ilan araw na ‘kong sumasala sa oras ng pagkain,namimingi na ang aking pandinig.

Hindi ko mapiho kung anong kaluto ang aking naamoy,bumubusog sa nagmumura kong tiyan.Hinahatak ako nang matinding antok…

Nakasimangot ang “Queen of Spades”,gusto n’yang makisawsaw sa pagluluto ng iba pang kusinero sa palasyo.Ang una’y eksperto sa bulalo,dati syang kusinero sa kampo ng mga sundalo.Pangalawa’y mahusay magkaluto laluna’t pag panahon ng eleksyon,marami s’yang putaheng kayang ialok,nabibihisan ang mga luma ng putahe ,nagmumukha itong kaigagaya at kayang makabusog sa mag takaw-mata.Ikatlo’y eksperto sa sisig,mestisong Kapangpangan,mahusay din s’yang rumetoke ng mga putahe,kahit malapit ng mamanis ay nagagawan pa n’ya ng solusyon.Kaya nga n’yang pakainin ang daang libong kampon ng simbahan.Lahat sila’y na treyn sa mga tanyag na culinary institute sa Estados Unidos.

Kailangan pa nila ng dalawang dagdag na aasiste sa kanilang pagluluto malapit na kasi ang piging sa palasyo.Na treyn na din sila sa U.S pinamamadali ang kanilang pag-uwi.

Ang lahat ay imbitado mula sa mga bigating politiko,hasendero,gambling lord,obispo,diplomat,drug lord, at coño.Bukas din ang pintuan para sa mga ordinaryong tao,sa mga taga-iskwater,isnatser,akyat-bahay,piyon,tricycle driver,vendor,ofw,saleslady,sa mga adik,bugaw at prostityut.Bubundatin nila ang lahat ng mga timawa!

Ipamumukha ng “Queen of Spades” at kanyang mga kusinero na sila lang ang may kakayanan magkaluto at maghain ng masarap na mga putahe,sumagip sa matinding kagutuman ng mga timawa at higit pang busugin ang mga nasa kapangyarihan.

Ang mga nagtatankang maging kusinero sa palasyo ay pasasamain ng dalawang manggagaling sa U.S.Ipagsisigawan nila sa korte,dyaryo,t.v,radyo na sila ang naglagay ng lason sa mga pagkain,sila ang may kagagawan ng pagkisay at pagbula ng bibig ng mga tiga-iskwater,isnatser,piyon at ng iba pang patay-gutom.Pagsabog ng mga bundat na tiyan,pagdurugo ng mga mata’t gilagid ng mga imbitadong politiko,diplomat,obispo at mga coño.

Papasok sila sa bitag,kakainin nila ang pain.Magigipit ang mga inanaakusahang naglagay ng lason at ang isa pang kusinero na pipilay-pilay.Hihingi sila ng tulong sa mga kaalyadong politiko,coño at mga sundalo.Pakikilusin nila ang kanilang mga organisadong pwersa.Tiyak na magugulo ang piging,sasambulat ang mga masarap na pagkain,mga nangisay at tumirik na mata ng mga timawa.

Ngigisi lang ang “Queen of Spades” aroganteng ididiklara ang
matinding-Golpe!

“Mga hunghang,naniwawala kayong may iba pa ‘kong kabayong patatakbuhin mula dito sa palasyo?!” paismid na titingin sa mga kumikisay na mga panauhin…”nasa akin pa rin ang huling baraha,ako lang at ang aking mga matatapat na kusinero ang makasasagip sa kagutuman at paghihirap ng bayang ito!”

Panay ang halo sa kawa ng mga alipures na kusinero.Hindi maipinta ang saya sa kanilang mga mukha.Hindi ko rin mawawaan kung anong kaluto ang muling hinahalo sa kawa…lumikot ang talukap ng aking mga mata,bumilis ang paghinga,tumagaktak ang pawis ko sa mukha,sumigid ang masansang na amoy at kasabay ang pagyugyog ni Ria na ka live-in kong puta ang sabing…”binabangungot ka!”

Hindi masagut-sagot ng tula ang mga pinagtagni-tagning luha. Sa mga gutay-gutay na kalamnan, nakakasulukasok, umaalingasaw. Mga nakayayanig na dagundong ng isang simulain, nang kawalang pagtakas at pag-aalinlangan. Sa kaitaasan, kanilang sabi’y walang hanggang katahimikan ang doo’y masusumpungan…

Emanzky88
Pulang Dyornal
7 Disyembre 2002

(c) 2009 Kwentulang Marino

Kay Erni

“Hindi ko na mayakap pa ang aking sarili.
Sa bawat gabing magdaan ay nararamdaman kong
kawalan…”

-Ms.Dewi, 20
Pontianak, Indonesia

Pikit-mata na hinimod, ang pawis
ng pagnanasa at libog.
hinuhubdan ang kaloob-looban
ng iyong pagkatao.
winawasak nang unti-unti
ang natitirang dangal
na masasabing tanging sa iyo.
pinapalitan ng ibat-ibang
kulay ng papel, mukha ng tao.
dinadalaw sa panaginip
ng mga naglalaway na dila,
mga matutulis na kuko.
sa gabing ito…may halimaw na muling
papasukin ang kabuuan
maglalagos sa alon ng mga kumot
usok ng sigarilyo.

pero hindi!

babasagin ang kairalang bumabalot,
umaalipin sa iyong pinagmulan.
wawakwakin ang lalamunan ng magdamag
hanggang sa maabot ang

Merdeka!

na minimithi mo.

Emanzky88
Pontianak, Indonesia
M/V Akra Sounion
16 Mayo 1998

(c) 2009 Kwentulang Marino


*Unang nalathala sa ANI 28 (2002) -Sarisaring Kasarian: Pagmamahal, Cariño Brutal, atbp. (The Gender Issue), literary journal ng Cultural Center of the Phils. (CCP). Imahe mula sa pabalat ng ANI 28

Emman: Laganap na ang mga kumukutitap na ilaw, anu’t nandyan ka pa sa isang sulok ng katahimikan?

Jovan: Andito na’ko. Ninanamnam ang mabangong simoy ng mga bulaklak. Dito sa kahon ng sining.

Emman: Ihimas mo na lang ako sa kanilang mga pinong-balat hanggang sa abutin ng magdamag…

Emanzky88
Pulang Dyornal
7 Disyembre 2002

(c) 2009 Kwentulang Marino

For : Both of you !!

Maybe because I spare long time with you.
That’s why I can not forget both of you.
Maybe If you go. I will sad.
You make me Happy. and sometimes you make
me crazy.
If you will go from me. Why you make me
like this.

Why you give me only a little time
and you will go
and forget me!
and maybe you will take another girl in
other port
and you will “FORGET” me.
You know because maybe “I like You”
and I will Miss You.

And please remember if you to other port.
If you want me to come please call me.
It’s my phone number: 0542-600744*

From Me
Erwinda

*sa mga hindi po nasubaybayan ang Erwinda’s Journey, ang nakalagay pong tel.no.ay hindi na tunay para ingatan ang kapakanan ni Erwinda.
maraming salamat po- Kwentulang Marino.

3 Mayo 1993
Lunes

Bok,

Una sa lahat, kumusta ang buhay-buhay diyan. Pangalawa naman, boss, pasensya ka na kung ngayon lang ako nakasulat sa iyo. Alam mo naman medyo busy tayo at masyadong hectic ang schedule. Katatapos lang nga ng pagkilos ngayong Mayo uno. Maliit ang mob. Hiwa-hiwalay pa. Pero bago ako mag-kwento ng husto sa iyo, ano bang pinagkakaabalahan mo diyan? Siguro marami ka nang nagagawang tula, ano? Pare, kumusta naman ang mga pagdaong ninyo sa mga port? Tsong, ingat lang, laganap na ang AIDS.Oo alam ko, safe ka. Lagi kang may dalang _(drowing na condom) pero ingat pa rin, lalo na ngayon marino ka na. De sisid-marino lagi, baka magkasugat ka sa bibig (sa sobrang diin) at baka doon ka madale ng AIDS. Kaya ingat pa rin. Pare, de pagbalik mo dito, international na ang taste mo? May mga pinay din ba sa mga napuntahan n’yo? (alam mo na) tol. Alalahanin mo na biktima din ang mga iyan ng isang malupit na sistemang kanilang kinapalooban.

Balita…si Alex nagtanan na, 16 YEARS OLD! magpo 4th yr. HS pa lang pero “malaking-bulas” daw sabi ni Al (kina Al kasi tumuloy, 2 days doon) Pagkatapos ma-wanted sa brgy. nila, tumira naman ng menor de edad, a real PIDO…si Al patuloy pa rin nakikipagsapalaran sa buhay, as usual, wala pa rin syota. Nagbabalak na magsulat ng pocketbook, wala nga lang typewriter…si Archie at si Lita nasa BI pa rin pero nagtuturo na uli ang “sweetheart” mo..si Yollie wala na sa munisipyo, wala pa rin asawa…si Rudy at si Regie magda-dalawa na ang anak, the promising “canteen magnate” sa Laguna…at ako naman, well, “patuloy pa ring nagtiis dito sa hinayupak na PAKIKIBAKA.” Kami pa rin ni Mae, me konting tampuhan (di naman nawawala ‘yun) pero masaya naman. Nasa insti pa rin ako, patuloy na nakikisalamuha sa mga magsasaka. Hindi ko alam kung hanggang kailan…Kinukumusta ka nga rin pala nina Mama at Papa ko.

Balitang Bayan…’Pre bad news/good news (bahala ka na) ‘yung problem sa “loob” is not just a split, it’s FRAGMENTED! Kanya-kanyang labas ng paliwanag, propa, posisyon, banat at marami pang iba. Tinitingnan na crisis ito not only by ND movt. ideological ang problema. Gusto nung mga bosing na “back to basics” gusto ng iba na ire-assess ang linya, kung valid pa hanggang ngayon. Ang problema, ayaw pag-usapan, nag-uupakan lang (wala pa namang physical maliban sa ilang hamunan ng away ng magkabilang grupo). Anyway, hindi ko alam kung interesado ka pa sa mga ganitong istorya. Kung interesado ka saka ko na lang iku-kwento sa iyo ito ng mas mahaba.

Sayang, kung nandito ka lang napanood mo sana iyong tribute kay Saro ng ASIN. The concert started at 7:00 pm at umabot ng 3:00 am. Ang daming artists, more than 40. Punong-puno ‘yung Quezon Memorial Circle. Oo pare pinatay ng mga tauhan ng Gov. ng Cotabato si Saro. Sayang talaga. Alam kong trip mo ‘yung mga concert na tulad nito. Sina Al hindi nga rin nakapanood, eh.

E diyan, ano ba ang mga happenngs? Paano ka nga pala nakakabalita tungkol sa mga nangyayari dito?

Uy nga pala! Kumusta ba ang lovelife mo ngayon. Kmusta na kayo ni Lily (di tunay na pangalan) kasalan na ba pag-uwi mo? Ako pare malayo pa kong pumasok sa usaping iyon. Hindi pa kaya ng kakarampot na kita ko. Tsaka lagi din kasi akong destino. Karaniwan, nasa Baler ako. Ang sarap din doon. Nature trip.

Bihira nga din pala akong mabarkada sa grupo. Bihira lang kasi akong mauwi. Mauwi man ako madaling-araw na. Kay Al lang ako nakakasagap ng kwento.

Isa pa, wala ngayong fundamental na pagbabagong nangyayari sa buhay. “Life goes on as ordinary as usual.” Pero okey lang, ang mahalaga, kahit walang fundamental change, mayroon din namang mga new experience, new learnings.

O paano pare, bok, tol, ingat na lang palagi diyan. Nagdadasal ka na ba ngayon? anyway…hanggang sa muli.

Edwin

P.S
Bok, tiyakin mo na pag-uwi mo may puwet ka pang natitira. Huwag mong sasagarin kapag dumaraong kayo.

DAGDAG na BALITA…GRAAABE ang init dito ngayon. Minsan pumapalo ng 110 Farenheit ang temperatura. At ang brownout GRAABEEE TALAGA! Mukhang wala pang madalianng solusyon dito. May pinaplano ang gobyerno pero 3 years in the making pa iyon at hindi pa sigurado kung matatapos iyon within 3 years. Maraming implications kasi ‘yung pag fast track ng power supply sa ating environment, foreign debt etc. Ngayon nga talagang humuhulas na ang katawan ko sa init at maya-maya lang ay mag-brown out na. Kaya pag-uwi mo dito kinakailangang handa ka. Magigging parte na ng buhay mo ang brown-out. Tutal sanay ka naman sa madilim, madali kang makapag-adjust.

…kumusta rin daw sabi ni Mae.

(c) 2009 Kwentulang Marino

Bagong Pahina »