Nobyembre 2014


Bonifacio jpeg

Naging maaga ang aking gising, alas kwatro ng medaling-araw ay bumangon na ‘ko. Inihanda ko ang harina, butter, itlog at asukal para sa paggawa ng Binangkal, isang klase ng tinapay na pwedeng pagkamalang Buchi dahil ang panlabas na anyo nito ay nakukulapulan ng linga; matigas ang texture nito. Popular sa dakong Kabisayaan, sa karaniwan ito’y di nilalagyan ng palaman, para maiba nilalagyan ko ng haleyang ube, keso at peanut butter.

Umaambon, hindi naman ganun nabasa ang suot kong puting seda na may tatak ng mukha ni Gat Andres Bonifacio sa gawing kanan at nakatitik naman ang KKK sa gawing kaliwa. May limang minuto rin lakarin bago ako nasakay ng traysikel papuntang kabayanan.

Alas-sais ng umaga nang ako’y makarating sa kabayanan, patuloy pa rin ang pag-ambon. Dinaanan sa bangketa ang ilan biyahero na natutulog sapin lang ay karton. Sa harap ng groseri tumawag sa aking pansin ang isang lalaking gusgusin, nangingitim ang talampakan at nanlalagkit ang mahabang buhok. hindi alintana ang ambon para abalahin ang mahimbing na pagtulog na tila nagdadagdag init ang mga abubot na damit sa kanyang payat na katawan. Patuloy pa ring nilala sa isip ko ang isang tula o diona.

Tinalunton ko ang mga tindahan ng dvd ng mga kapatid mula sa Mindanao, umaapaw sa palanggana ang pancit bihon at pritong lumpiang-toge sa isang karinderya, nagmamadali na ang mga mamimili sa pasilyong pinasok ko papunta sa pwesto ng bilihan ng mga bulaklak.

“Magkano po ang pumpon ng pulang rosas?” magalang kong tanong.

“Beynte pesos” mabilis na sagot ng matandang lalake.

“Du’n po sa mas maraming pumpon?” na umagaw sa aking paningin.

“Sandaang piso” ang kawalang siglang sagot.

Sumilong ako sa isang fastfood , isinatitik sa table napkin ang kanina ko pa nilala na tula. Laking-gulat ko sa hindi inaasahang huling titik ng tugma na maaring makalikha ng simbolismo!

Taas hawak na tabaK
Namumulang bulaklaK
Kabayo ay pumadyaK

Umaambon pa rin, matamlay ang galaw ng mga tao. Mabilis kong tinalunton ang kasalda papunta sa terminal ng bus. Iginala ko muna ang aking mata sa paligid. Mabilis kong tinungo ang monumento.

Emanzky88
30 Nobyembre 2014

© 2014 Kwentulang Marino

Advertisements

afp_tacloban_leyte2_0

YOLANDA

Yolanda! Yolanda! Yolanda!
hatid mo’y walang ganda

maraming pangarap
ang tinangay nang nagngangalit na agos
sa mata’y hapis ang umagos
bangungot ang dala mong unos

Yolanda! Yolanda! Yolanda!
hatid mo’y walang ganda

nganga ang responde ng matandang binata
naisahan mo ang matamis manalinhaga

Yolanda! Yolanda! Yolanda!
hatid mo’y walang ganda

‘sang taon gunita sa iyong pagbisita
dakdak!
analohiya ang dispensa
mabilis na rehabilitasyon
ngayon lang umusad
sa makupad na lagdang tugon

Yolanda! Yolanda! Yolanda!
hatid mo’y walang ganda

paano ka malilimutan?
tila biro kang dumalaw
sa ika-limampung taon kong pagtanda!

Emanzky88
9 Nobyembre 2014

©2014 Kwentulang Marino

imahen dailypost.com