Utenanyo
(sa mga diyus-diyosan)

Nanggagalaiti
ang marahas
na tulisang kamay

pilit
na binali
ang naghuhumindig
na burat

binabaluktot
ang litid
ng katotohanan

nagbanta
ang lagablab
sa iwinisik na tamud

binuntis
ang mga binaog
na panata

umusbong
sa
ilong
noo
pisngi
batok
tainga
dila

iniluwal
ang sandamukal
na mga diyus-diyosan

winasiwas
ang umuusok na
insenso
sa mga kampon
ni Mideo

‘sang linggong
pagsisisi!

magwawakas
ang kanyang
libog
na kapangyarihan

sa liyab
nang libong sigaw

silaban
ang mga tarugo
banal na abo
ay ekis
na iguhit
sa noong tinampal
nang kabalbalan
nang kabanal-banalan

mula sa

banal
na angkan
ni
Ba’al.

Emanzky88
17 Agosto 2011

© 2011 Kwentulang Marino

*Pasubali: Huwag basahin kung hindi bukas ang pag-iisip, may ibang paniniwala, interpretasyon. Maselan ang larawan at paksain ng tula

imahe mula sa Poleteismo
ni Mideo Cruz

Advertisements

Diyus-diyosan
kay Mideo

Lumuhod ang mga banal sa
luklukan ng sining.
Nasuklam sila sa tumingarong
uten
sa butas na condom
na binayubay sa krus.

Hindi lang
medyo.
Sinanibang tutoo
si Mideo
kampon ng
dimonyo.
Paulit-ulit
na usal.
Paulit-ulit
na dasal.

Tahasang itinanggi

hindi namin
dinidiyos si Gloria

hindi namin
dinidiyos si Obama

hindi namin
dinidiyos ang Tsina

hindi namin
dinidiyos ang mga asendero

hindi namin
dinidiyos ang mga milyunaryo

hindi namin
dinidiyos ang mga politiko

hindi namin
dinidiyos ang mga obispo

hindi namin
dinidiyos ang PCSO

hindi namin
dinidiyos ang lotto

hindi namin
dinidiyos ang huweteng

hindi namin
dinidiyos ang Porsche

hindi namin
dinidiyos ang Montero

hindi namin
dinidiyos ang Raven

hindi namin
dinidiyos si Justin Biever

hindi namin
dinidiyos ang Eat Bulaga

hindi namin
dinidiyos ang Willing-willie

hindi namin
dinidiyos ang Manny many prizes

hindi namin
dinidiyos ang Korean telenobela

hindi namin
dinidiyos ang St. Luke

hindi namin
dinidiyos ang Jollibee

hindi namin
dinidiyos ang instant noodles

hindi namin
dinidiyos ang pagpag

hindi namin
dinidiyos ang celfon

hindi namin
dinidiyos ang Facebook

hindi namin
dinidiyos ang mga anarkista

hindi namin
dinidiyos ang mga rasista

Mideo!

hindi kami ipokrito
hindi kami pagano

sumasamba lang kami
sa gintong toro.

Emanzky88
11 Agosto 2011

© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula kay Mideo cruz
Poleteismo

Salve, Regina, Mater misericordiae,
vita, dulcedo, et spes nostra, salve.
– Salve Regina

Umuusal ka ba ng
dalangin?
Habang sumasalakay
ang naghuhumindig na
libog.

Umuusal ka ba ng
dalangin?
Sa apat mong
anak
na tinangay ng mga
anghel.

Umuusal ka ba ng
dalangin?
Na may
galunggong
na lumagpak
sa mga piping
plastik
na pinggan.

Umuusal ka ba ng
dalangin?
Na may ipadalang
gatas
ang mga banal
na kardinal
para sa pang
labing-tatlong
anak mong
iluluwal.

Emanzky88
28 Mayo 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino
imahe mula sa flickr


Patay ang hangin. Sa
Brgy. Sto. Niño ay
tumatagulaylay pa ang samo ng pagbasa. Wala
nang pumipigtas sa mga
dahon ng kaimito, duhat
at bayabas. Wala
nang kulay ang tubig
sa matandang tapayan. Wala
nang lasa ang mga
isda at gulay.

Buong buhay na lang
naming bibilangin. Ang
makupad na usad ng prusisyon. Laging
idadalangin na muling tumango
ang ulo ng puting kabayo. Bingihin
nang dumadagundong na kulog. Bulagin
nang maamong mata. Gayumahin
nang duguang mukha. Aliwin
nang mekanikal na mga disipulo. Takutin
nang mga nakaputing abito.

Masaya kaming uuwi na
dumidighay mula sa
ngiti nina Jollibee at McDonald.

Kung hindi man.

Sa ilang tusok ng pisbol, isaw
at kikiam. Isang
basong malamig na gulaman.

Hindi lahat!

Sa ngisi ng mga higanteng
rebulto. Binangungot
ang mga kumukulong sikmura. Hinarot
ang inaantok na gabi sa walang
sawang pagtatalo. Ilan
ang nadagdag? Kaninong
angkan ang may pinakamarangyang
karo? Sino
ang umilaw sa antigong santo
mula sa mga politiko?

Emanzky88
22 Abril 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa flickr.com

Malamlam ang liwanag ng
buwan,
sa siyudad ng
Algiers.

Pinasasaya na lamang ang
kaitaasan,
nang mapanlinlang na mga
bituin,
isinabog sa binaog na mahabang
kabundukan.

Ikinukubli ang tunggalian umiiral
na mga nakausling
pangil,
nang panganib at
takot.

Pilit ibinabalik ang lambong ng
kahapon,
iginigiit, doktrinang salik sa papel
na kuwadrado.
Nakapupuwing na gaya ng
buhangin sa disyerto.

Umaalingawgaw
ang mga putok,
mula sa nguso ng
karahasan.

Nangingibabaw
ang mga panaghoy,
kinimkim na himutok.
Mga kaluluwang binistay
nang kawalang katwiran.

Sino nga bang dapat maghawak ng
tingarong-espada?
Dulo ay nakaturo sa tahanan
ni Allah!

Dinggin mo!
El Djezair
ng aking kamusmusan.
Tagulaylay
nang katotohanan ay may nais
wakasan.
Aninong tanikala
na nag-uugnay sa toreng-bakal
ng kanluran.

Malamlam ang liwanag ng
buwan,
sa siyudad ng
Algiers.

Pinapupula
na lamang ang kaitaasan,
nang mga tilamsik ng
dugong pumupusyaw.
Malayang tinig ay kanilang
ninakaw.

Malamlam ang liwanag ng
buwan,
sa siyudad ng
Algiers.

Hindi pa ganap na
sumisilip,
sa mga nagluluksang
ulap
ang ninanasang
kislap
ng
kapayapaan.

Ed Nelson R. Labao
M/V Akra Sounion
Baybay-dagat
El Djezair (Algiers), Algeria
26 Agosto 1998

(c) 2011 Kwentulang Marino

***unang tinula sa pantalan ng Algeria (1998) sa barkong M/V Akra Sounion saksi ang ibang tripulante sa katabing barko. Nalathala sa antolohiyang “IPUIPO SA PIGING (2010)”

**imahe mula sa google

Imoral ang mga sumasampalataya sa RH Bill. Imoral
ang sunud-sunuran sa dikta ng USAID at MCC. Imoral
ang mga lumubong tiyan dahil sa libog ng among dayuhan. Imoral
ang magtapon ng sanggol sa basurahan ng eroplano. Imoral
ang mga bumibili ng pampalaglag ng buhay malapit sa simbahang Quiapo. Imoral
ang magtapon ng fetus sa harap ng katedral. Imoral
ang mamudmod ng condom at pildoras. Imoral
na magbuntis ang mga inagawan ng katinuan. Imoral
itong pag-usapan sa kasalukuyang lipunan. Sa iskwater, batang kalye,
ampunan, kulungan, putahan at pulubi.

Banal ang luklukan ng Papa sa Roma na nagpapahintulot sa aborsyon at prostitusyon,
sa mga naka-eskaparateng babae. Banal
ang puting abito na gumagahasa sa kalalakihang kabataan. Banal
ang mga inilipat sa malayong diyosesis bilang kaparusahan. Banal
ang simbahang katoliko sa pagtatago ng yaman. Banal
ang mga nakasutanang may suplay ng paketeng sigarilyo sa kanilang parokya. Banal
ang mga paring may nakakubling supling. Banal
ang mga madreng ginahasa’t nabuntis ng giyera sibil sa Africa. Banal
ang pwersahang trabaho sa bahay-ampunan sa Ireland. Banal
ang mga paring nabigyan ng sariling lupa’titulo mula sa mayayamang deboto. Banal
ang mga yumayakap sa dokrina ni Padre Damaso.

“Salamin ng Katuwiran
Luklukan ng Karunungan
Bukal ng Kaligayahan
Tore ni David
Toreng Gareng
Bahay na Ginto
Kaban ng Tipan
Talang maliwanag
Kabanal-banalan…”

Panalangin mo po sila.

Ed Nelson R. Labao
1 Oktubre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa wikipedia

Hindi masagut-sagot ng tula ang mga pinagtagni-tagning luha. Sa mga gutay-gutay na kalamnan, nakakasulukasok, umaalingasaw. Mga nakayayanig na dagundong ng isang simulain, nang kawalang pagtakas at pag-aalinlangan. Sa kaitaasan, kanilang sabi’y walang hanggang katahimikan ang doo’y masusumpungan…

Emanzky88
Pulang Dyornal
7 Disyembre 2002

(c) 2009 Kwentulang Marino