Tribute-photo-made-by-fan-Epee-Rafanan-as-posted-on-the-Facebook-page-Nora-Aunor-for-National-Artist1
KUNG BAKIT WALANG HONOR SI NORA AUNOR
(SA PIHIKANG PANLASA NG BINATA SA PALASYO)

“Walang himala! Walang himala!”
sa batang babaing lumaki sa istasyon ng tren
kesa sa batang lalaking lumaki sa malawak na tubuhan

“Walang himala! Walang himala!”
sa aktres na tanging puhuna’y umarte’t umawit
kesa sa politikong tanging puhuna’y katas ng kabyawan
kasikatan ng angkan

“Walang himala! Walang himala!”
sa artistang akusa ay sumisinghot ng droga
kesa sa binatang usok lang ang ibinuga

“Walang himala! Walang himala!”
sa patuloy na bigwas
sa presyo ng petrolyo
pamasahe’t bigas
luya’t bawang, bumirit pa ang sibuyas
karneng manok, baka’t baboy
sabon, harina’t de-latang sardinas

“Walang himala! Walang himala!”
sa mga binusabos na biktima
ng Zamboanga seige at bagyong Yolanda

“Walang himala! Walang himala!”
sa tunay na biyaya ng lupa
kung titulo’y nasa korporasyon
mga magsasaka’t sakada’y may pinapanginoon

“Walang himala! Walang himala!”
sa hinimod na sinambang EDCA
sumbat sa lamay ng kapatid sa tropang Amerikano

“Walang himala! Walang himala!”
sa inang iniluklok ng mga dumipa sa EDSA
kesa kay Elsa na puno ng pag-asa

“Walang himala! Walang himala!”
sa mga mandaramdong sa kongreso, senado at palasyo
huwag kang kukurap sa PDAF at DAP
sa isang iglap daig pang hinoldap

“Walang himala! Walang himala!”
sa humal na wangwang
sa paliku-likong katwiran
sa tuwid na lansangan

“Walang mapapala! Walang mapapala!”
sa aroganteng elitista
hinubdan ang maskarang moralista

Husga mula sa luklukan ng katarungan

“SALIGANG PUNDASYO’Y NILABAG
YAMAN GALING SA PAWIS
SA PAGGASTA AY LIHIS!”

Emanzky88
5 Hulyo 2014
3:50 n.u

©2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa interaksyon.com/epee rafanan

Advertisements

interphoto_1344846982

Tinamaan ng kidlat
ang MRT

Kailan naman kaya ang mga mandarambong?

sa Palasyo
sa DBM
sa Senado
sa Kongreso
sa Hudikatura
sa AFP
sa Lokal na Pamahalaan
sa Reyna ng PDAF scam
sa mga nagsasakit-sakitan
sa mga kabarilan
sa mga nangingikil sa dayong kontratista
sa mga kasabwat sa bidding
sa mga substandard na relokasyon
sa mga nagpabaya sa biktima ng Bagyong Yolanda
sa mga nagbibigay ng bulok na relief goods
sa mga nagbubugaw sa embahada
sa mga Tsinong hari-harian sa karagatan
sa mga pumaslang ng ‘daang pawikan
sa mga nagsasabing sapat ang silid-aralan
sa mga nagsasabing handa na ang K-12
sa mga lumilikha ng pekeng NGO
sa mga kapartido
sa mga humihimod sa tumbong ni Obama
sa mga sumasamba sa EDCA
sa mga nagbebenta ng soberanya
sa mga nagpabaya kay beybi Diona Andrea
sa mga gumagahasa sa Inang Kalikasan
sa mga humahadlang sa biyaya ng lupa
sa mga pumipiga sa lakas ng manggagawa
sa mga sumasagka sa kalayaan.

Hintayin ninyo ang ngalit ng bayan
Higit pa sa talim ng kidlat
na dapat paghandaan.
Banta ay hindi isang pitik
Sigaw namin ay gumuhit sa langit
“MGA TINAMAAN NG LINTIK!”

Emanzky88
6 Hunyo 2019

© 2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa http://www.interaksyon.com


Makulay. Buhay na
buhay. Nabanat
ang mga mukha. Tarsier
ang ipinalit sa malditang
si Gloria. Ngumisi naman
si Noy at Kristeta. Masaya
kong tinanggap ang bagong imprenta. Nabago
na nga ang papel na pera. Habang ang
mga heneral na sangkot
sa anomalya. Kahit sa pagdinig
sa kongreso at senado. Mga mukha
nila’y wala pa ring
ipinagbago.

Emanzky88
17 Pebrero 2011

© 2011 Kwentulang Marino
* imahe mula sa Google

“I hear babies cry, I watch them grow
They’ll learn much more than I’ll never know
And I think to myself what a wonderful world
Yes I think to myself what a wonderful world.”

– Louis Armstrong
What A Wonderful World

Ipinagkanulo ang dating pangulo. Nagtampisaw
sa regalong kapangyarihan at luho nang bagong amo. Inuusig
ng mga duguang mukha. Nabibingi
sa makinang palyadong kabaong na lumilipad. Tumataghoy
ang mga nabiyuda’t anak na naulila. Nangawit
ang marupok na tuhod ng matandang pensiyonado
sa minurang bangko. Kinimkim
nang ngumiwing bota ang mahabang giyera. Himutok
ang tugon sa mortar na hindi pumutok. Kalawangin
baril ay kumapit sa berdeng pumusyaw. Kapanalig
na ngumiting bala ang kumitil sa sariling tropa. Nangamoy
ang mga inimbentong resibo. Patuloy
na umawit ang mga testigo. Tanggi
ay hindi mabilang. Reputasyon
ay ipinagpilitan. Dugo
ay umagos sa puntod ng angkan. Pag-aakalang
malilinis ang lapidang nadungisan.

Ed Nelson R. Labao
8 Pebrero 2011
5:55 n.h

(c) 2011 Kwentulang Marino