Sinulyapan kong muli ang pabalat ng libro.Tapat na umusal ang aking puso. Winika ang mga katagang…. “At Natagpuan Ko Si Pablo Neruda.”
Kamakalawa ko natanggap ang isang package mula sa LBC. Inaasahan ko na ang laman ng package. Mula sa isang kaibigan na Griyegong marino. Ganunpaman, hindi pa rin maialis ang pananabik na buksan ito. Isang libro ni Pablo Neruda- Neruda (Selected Poems) kasama sa libro ang orihinal na mga tula at salin sa Ingles, postcard sa Patagonia, kopya ng sertipikasyon mula sa pamahalaang Chile na dumaan sila sa Magellan Straits, diyaryong El Mercurio na may petsang – Pebrero 28, 2010 ito ang panahon na nilindol ang Chile at isang maikling sulat na nakaipit sa libro.
Sa iba, pwedeng tingnan ito na pangkaraniwan lang na bagay o kwento. Meron din naman pwedeng mabili na rin sa ating bansa ang mga libro ni Pablo Neruda. Para sa akin, di usapin kung anong edisyon, nagsalin at editor ang nasabing libro. ‘Yun nga lang, hindi ko maitatago na me kakaibang ‘dating’ sa akin na mismong galing sa Chile at tinubuang lupa ni Pablo Neruda ang libro. Hindi pa rin naalis ang ugali kong may pagka-romantisista/sentimentalista.
Bakit nga ba mahalaga ang mga bagay na ito? Ano nga ba ang lalim at nasa likod ng mga kwento? Isang simple nga lang bang paghahanap o may lalim o nais iparating ang paghahanap?
Sa ibang hindi nakasusubaybay ng aking blog. Si Ioannis Sapountzis ay isang Griyegong marino. Maiksi lang ang aming ipinagsama sa barko. Kahit hindi siya nakarating sa pinas para sa binyag nang aking panganay na anak. Ipinaabot ko sa pamamagitan ng sulat na isa siya sa mga ninong. Sa loob nang nakalipas na labing limang taon ay nasa tatlong taon lang ang aming komunikasyon (sulat).
Nakaraang taon ay nakatanggap ako ng sulat/postcard mula sa Thailand. Sa pamamagitan nang kanyang girlfriend na taga Cebu ay nakontak niya ko. Nagpalitan kami ng komunikasyon at numero ng celfon. Binigla niya ko nung nakaraang taon, bibisitahin daw niya ko dito sa pinas. Paano ko malililimutan ang araw na iyon, bukod sa bertdey ni misis, ‘yun ang araw ni Ondoy! September 26.
Nagmungkahi ako na mag-aral siyang mag e-mail. Nakatanggap ako na papunta sila sa Chile. May umuwing pinoy seaman kaya’t nakatanggap ako ng package (dito na rin inihulog sa pinas). Isang postcard mula sa Santiago de Chile, may petsang Pebrero 12, 2010. Kasama rin ang isang e-postcard mula sa Greece.
Nilambingan ko siyang baka pwede niya kong padalan ng isang libro ni Pablo Neruda. may pasubali naman ako kung di makakaabala. Marso 5, 2010 ang muli nilang balik sa Chile. Hindi inaasahan ang paglindol nung Pebrero 28, 2010. Nag e-mail ako sa kanya na may tsunami alert at 8.8 intensity ng lindol at higit na pag-iingat. Nagpauna na rin ako na huwag na niyang intindihin ang akin hiling na libro. Sino ba naman ang aasa pa sa ganun sitwasyon. Itinulak na likhain ko ang tulang – “Pilit Mong Hinanap Si Pablo Neruda”
Sa huling palitan namin ng e-mail ay patungo na sila sa Australia. Nandoon ang pagpapalitan namin sa nagaganap na krisis pampulitika sa Greece at sitwasyon nitong nakaraang eleksyon. Ang mainit niyang pangungumusta sa aking pamilya. Pag-aalala ko sa kaguluhan sa Greece. Pagbabalik gunita sa pagkanta namin nang sabay ng Bella Ciao kasabay sa paglagok ng beer. Pagbabalak niyang mag-negosyo sa pinas. Pasasalamat sa ipinadalang libro.
Habang tinintingnan ko ang kanyang diyaryong padala na El Mercurio. Sumagi sa aking alaala ang ibingay niyang ElGrafico sa Guatemala nung 1993. Alam niyang kolektor ako ng mga mumunting bagay. Hindi man tuwirang sabihin, alam kong gusto niyang makapagpaligaya sa ganun paraan. Ipinagmalaki ko pa nga sa kanya ang tipong collage ng mga dyaryo at magasin na aking natipon nung dumalaw siya sa aming tahanan.
Sinulyapan kong muli ang pabalat ng libro.Tapat na umusal ang aking puso. Winika ang mga katagang…. “At Natagpuan Ko Si Pablo Neruda.”
Emanzky88
Mayo 25, 2010
© 2010 Kwentulang Marino
***
Imahe mula sa padala ni Ioannis Sapountzis