Kumakahol si Obama
na ibaba ni Gaddafi
ang kanyang kapa.
Samantalang kay Mubarak
ay nagsabing
Ehipto ay ireporma.

Mayabang na kumawag
ang buntot ni Clinton.
Sa Geneva ay
nanalunton.
Paglabag
pantao sa kaibigan ni
Imelda ay
ibinunton.

Sa UN ay umalulong din
si Ban Ki-moon.
Nanaghoy ng ‘crimes against humanity’
at ‘trade sanctions’,

Nalimutan na ba
ang mahigit na 100,000
Iraqi
ay kanilang kinatay?
Humigit-kumulang 500,000
mga batang
sa gutom, sakit
ay kanilang sinakmal?

‘Collateral damage’
ang putang-inang
katwiran ni
Uncle Sam!

Naglalaway
tila ba nauulol.
Salakayin! salakayin!
salakayin!
ang Libya
na sa ihing itim
ay bumabalong.

Ed Nelson R. Labao
1 Marso 2011
8:00 n.u

(c) 2011 Kwentulang Marino
* imahe mula sa in.reuters.com

Buhay na buhay ang istorya sa libro ni John Perkins na Confessions of an Economic Hit Man sa aking bansa…”

Para namang nanadya ang pagkakataon. Katatapos ko lang basahin ang libro ni John Perkins, Confessions of an Economic Hit Man (2004)
kung saan ay isa siya sa mga instrumento ng U.S para higit na mapagsamantalahan ang mga mahihirap na bansa sa larangan ng ekonomiya, politika, kultura at militar.

Nasabi kong nanadya dahil nabasa ko sa kolum na With Due Respect ni Artemio V. Panganiban sa Philippine Daily Inquirer (March 21, 2010) na may titulong “To be a holdover president, GMA needs the U.S”
Sa nasabing artikulo ay bumisita pala nitong Marso ang National Democratic Institute U.S based think-tank na mas naka-kiling sa administrasyong Obama. Nakipag-pulong sila sa may 30 organisasyon sa 27 beses na upuan. Bago sila umalis ay nag-iwan sila ng 11 pahina na ulat/rekomendasyon.

Naikwento din ni Artemio V. Panganiban na bumisita sa kanyang tahanan ang isa sa kinatawan ng NDI na si Dr. Jamie F. Metzl, nagtapos sa Oxford at Harvard. Personal nilang pinag-usapan ang mga posibilidad na mangyari sa eleksyong darating.

Tunay Na Mukha Ng National Democratic Institute (NDI)

Ano’t hindi ako nagkasya’y may kung anong kuryusidad kong tiningnan sa web ang pangalang Dr. Jamie F. Metzl, isa siyang eksperto sa tinatawag na “public diplomacy,” visiting scholar ng Carnegie Endowment for International Peace na sa maraming pampulitika’t iskolar na librong nalathala ay instrumento o front ng CIA. Sa kanyang artikulong nalathala na U.S Must Win Battle of Images
ay mapapansin ang pagbibigay niya nang direktiba o paglikha ng isang opinyon. Click ko rin ang profile ni Madeleine K. Albright bilang chairperson ng NDI, sa mga nagmamasid sa politika alam na nang lahat na siya’y naging dating nanungkulan sa State Department. Isa sa interesadong natuklasan ko’y nagtayo siya ng isang international strategy consulting firm– Albright Group (2001) na pangunahing kliyente ay gaya ng Coca-Cola, Merck, Dubai Ports World & Marsh & Mclennan Companies. Nakaka-excite pa nito, bukod sa Federal Fund ang nagpopondo dito, nitong 1998 ay nagpondo na rin ang Democratic Century Fund may diin pa dito na “It is managed by the Emerging Markets Group” na kyuryus kong mas tsinek ang pangalang Gregory Fossedal na nasa BOD at may posisyon din na Chief Investment Officer ng DCF. Karamihan sa BOD ng DCF ay dominante ng grupo nila Gregory Fossedal bilang chairman ng Alexis de Tocqueville Institute (AdTi), sabi pa- right-wing think-tank, produced reports & policy research.. Marami silang kliyente sa ibat-ibang larangan ng negosyo, agrikultura, pinansya at imprastruktura. Pati na ang World Bank, Asian Development bank ay kliyente nila. Ibig sabihin di pala tuwirang mga democrats lang ang bumubuo sa NDI! Pati na ang mga nasa right-wing!

Pagsusuma

Ang pagpunta nila dito sa bansa ay hindi nangangahulugan ng kanilang mission statement, tumulong para sa ngalan ng demokrasya at tugunan ang kahilingan ng ilang mga pinoy sa U.S na pagpaabot kay Obama na matiyak na maging maayos ang eleksyon. Para sa akin, ang pakikipagpulong nila sa usapin ng eleksyon,

1. Tuwiran nilang ma-asses ang sitwasyon ng bansa sa pakikipag-pulong sa 30 organisasyon at pakikipag-usap sa mga piling personalidad na lumilikha ng opinyon;

2. Nagsisilbi pa rin ito sa seguridad o katatayuan ng kanilang mga kliyente at kabuang interes ng U.S sa bansa.

3. Pagpaparamdam kay Arroyo at sa iba pang politiko na anumang hakbangin ay kailangan nila ang basbas ng U.S laluna’t makakasama sa kabuuang interes nito.

Nanadya

Muli kong sinulyapan ang libro, hindi ko maiwasang mangiti at mag-isip nang malalim. Buhay na buhay ang istorya sa libro ni John Perkins na Confessions of an Economic Hit Man sa aking bansa.

Emanzky88
21 Marso 2010

© 2010 KWENTULANG MARINO

pic-07311039420570Mga nakaraang araw pilit kong inaabala ang isip ko sa pag biyahe ni PGMA, kung tutuusin wala naman akong mapapala dahil di naman ako politiko. Hindi rin naman ako myembro ng kung anuman pampulitikang organisasyon. Hindi rin naman akong isang nag-aastang “political analyst” ng isang bayaran presidential aspirant.

Kung iyon dating iniisip ko na kaya sila magbeso-beso eh dahil sa usapin sa VFA, patuloy na pagbibigay ng pabor sa mga negosyo ng U.S sa bansa, pagiging matapat pa rin alyado.Mas pa lumikot ang isip ko, di man sabihin na babasbasan siya ng U.S sa anuman hakbangin sa mga darating na araw. Na “de facto” itong tinatanggap ng U.S bilang isang mensahe ng pakikipagkita niya kay Obama at bilang isang paglikha ng “world opinion” at magandang imahe nito sa huli.

Mvd963733Higit pang pinangangambahan ko’y ang tahasan niyang sinabi sa SONA na hindi siya magdedeklara ng Martial Law. Ikinalilikot ng isip ko’y yung formulation kong “The Honduras Twist” Kung si President Zelaya ay pinatalsik ng isang kudeta dahil sa balakin niyang extension sa kanyang term. Maaring mangyari naman sa Pilipinas ay isang “coup na magmumula sa kanyang matatapat na heneral at kasundaluhan” Hindi rin ito patatagalin at magpapatawag na i-convene ang kongreso at di kinakailangan ng partisipasyon ng senado syempre pa nasa renda ito ng militar. Presto, may iluluklok silang pinuno na hindi na dapat pang pagtalunan ang kinababaliwan CHA-CHA o CON ASS.

Sagot mo kokondenahin ito ng U.S? Tingin ko’y hindi, kung sa Honduras ay pabalat bunga na kinondena ito ni Pres.Obama ; sa katotohanan ay may palihim at lantad na partisipasyon ang U.S sa naganap sa pagpapatalsik kay Pres.Zelaya. Gaya rin ng naging kaguluhan sa Iran. Malalim na paliwanag rito ang nagiging daloy ng pagsasama-sama ng mga bansa sa Latin America na kontra sa
U.S gaya ng Venezuela, Nicaragua at Bolivia. Ang ikinahanga ng marami sa mga naging lider ng Venezuela at Honduras ay galing sa mga konserbatibong linya na tumungo sa pagiging makabayan at laban sa dominasyon o panghihimasok ng U.S.

Gaya ng dati sa mga iba ko pang post. Wala bagay dito sa mundo na simple lang ang dahilan kung bakit napadalaw sa bansa ang CIA Director na si Robert Panetta. O simpleng kaya ka lang pupunta ng U.S ay para makamayan mo si Obama. Para lang iyan ng isang “body language” kahit hindi mo sabihin ay matutukoy mo kung ano ang intensyon.

Para sa akin hindi naman lagi nating sundan ang kasaysayan at sabihin nauulit lang ito. Mukhang natuto na ang U.S na hindi lahat ng pwedeng mangyari na ginawa nila sa isang bansa ay ganun din ang pwedeng gawin nilang operasyon sa bansa natin. Pwedeng magkaroon ng “twist o fusion” gaya ng sa pagkain.

27 Hunyo 1992 Panama Canal, Panama

237e1e3123375f2a

“Sa gabi’y magandang pagmasdan ang Panama Canal, sa pagitan ng mga bundok, sa isang malalim na pagpapaunawa kay Mendez, kung bakit detenido ngayon si Noriega sa U.S…”

Nakakatawang isiping labing-apat na taon na ang nakaraan nang ito’y talakayin sa amin ni Mrs. dela Peña, section adviser at teacher sa Social Studies, reference material niya’y Current Event Digest na kailangang bilhin ng klase para pagdiskusyunan. Wala sa loob ko noon kung paanong isang canal sa Central America ay nagawa para mabilis na maglakbay ang mga barkong pangalakal at pandigma patungo sa ibang kontinente. Tanging natatandaan kong lektura ni Mrs. dela Peña, “nakakatulong ito sa pandaigdigang komersiyo.”Nakakatawa, dahil simula pa alas-diyes ng umaga’y angkorahe at naghihintay na ang aming barko, sa wakas, kami ngayon ay papasok na sa kilalang Panama Canal!

May kaukulang bayad ang bawat barkong magdaan ayon sa kanilang laki, bigat o klase ng kanilang kargamento. Kailangang humingi ng paunang pahintulot ang agent o kapitan ng barko sa Panama Canal Administration. Hindi papayagan ng PCA ang mga barkong sobra sa itinakda nilang laki o tonelada. Piloto ang magpapasok ng barko sa canal, siya lamang ang may karapatan at kasanayan na wala sa kapitan ng barko. May mga Panamanian crew na umakyat sa barko para tumulong at mag-monitor lalo na’t dadaan sa tinatawag na lock gate.

Pinagmasdan ko sa porthole- isang makapal na pabilog na salamin, ang marahang pagpasok ng pinakadulo ng aming barkong Clipperventure-L; kasabay ng dalawang ibong nakadapo sa bakal ng main deck at isa pang lumilipad na kapamilya ng batu-bato. Ang lock gate ay unti-unting bumukas. Hindi napasapat ang katauhan kong sabik sa unang pagkakataon ng pagpasok sa Canal sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa porthole. Ako’y lumabas patungong second deck upang mabistahan nang tuwiran. Gayundin si Ioanni, isang Greek na kusinero, mabait at may “pusong maka- Filipino,” hindi na niya mabilang kung ilang beses nang dumaan sa Canal pero nandoon pa rin ang kawalang-sawa at pananabik na saksihan ang pagpasok dito. Dala niya’y isang kamera. Nag-request siyang piktyuran ko siya sa background ng susunod na lock gate. Muli unti-unting sumara ang naunang lock gate, tumataas ang tubig kasabay nang pagtaas ng barko sa kanina lamang ay mababa ang level nito, para ganap na lumutang hanggang sa umabot sa water level ng Pacific o Atlantic Ocean. Ito ang proseso, isang henyong likha sa larangan ng infrastructure. Dalawang beses din akong kinunan ni Ioanni sa ganoon ding background.

Habang mabagal ang usad ng barko, nasa pagitan naman nito ang mga namemerdeng bundok–palantadaan na hindi pinuputol ang mga naglalakihang puno nito. Parang mga batang naggala ang mga sumampang Panamanian crew sa main deck at messhall kung saan ay kumakain at tumatambay ang mga Filipino crew. Hindi lahat ay pure Panamanian, may Afro-American silang kasama, sa dahilang ang Panama Canal ay bahagi ng base militar ng U.S. Sa tuwirang sabi, ang Panama ay kontrolado ng U.S kung geopolitics ang pag-uusapan. Karamihan sa mga crew ay may dalang abubot, may nag-aalok ng manggang hinog, hindi nga lang katulad ng ating manggang-kalabaw; payag silang ipagpalit ng Coca-Cola.

Nitong agahan at tanghalian ay kinain ng ibang crew ang sobra naming pagkain. Ilan sa crew ang aking tinanong.”Gusto ba ninyo ang pamamalakad ni Noriega noong ito’y nasa posisyon pa? Ganoon din si Endara, ang kasalukuyang presidente ng Panama” pahabol kong tanong.

“Hindi”, ang kanilang magkakasabay na sagot.

“Mga ilan ang namatay nang salakayin ng U.S ang Panama para kunin lang si Noriega?” ang magalang kong tanong na may halong kyuryosidad.

“Mga tinatayang isang libo” sagot ng isang crew na may kaitiman ang kulay.

Sa loob-loob ko, malaki din kung ikokompara sa mga lumabas sa dyaryo.

Sa lahat ng mga crew na nakausap ko, si Mendez ang matagal kong nakakuwentuhan. Karaniwang tikas ng isang Panamanian, kayumanggi siya at hindi kataasan, nasa edad singkuwenta ang tantya kong gulang.

“Ako’y nakapag-aral sa U.S noong apat na taong gulang pa lamang,” pagmamalaki niyang kuwento.

Sa isang tulad niya ay masasalamin mo ang isang bahagi ng Panama.

‘Maraming walang trabaho, pangunahing pinagkakikitaan sa bansa ay nasa sektor ng serbisyo. Sa 1999 pa matatapos ang canal treaty. Hindi tuwirang ipauubaya ng U.S ang kabuuang pamamahala nito sa Panama. Tanging administrative work lang ang para sa amin at mananatili pa rin ang usapin sa defense sa kanilang mga kamay” ang walang gatol n’yang pagsasalaysay.

“Ibig sabihin, hindi buo” ang dugtong ko naman at pagsasara na rin ng kwentuhan.

Isa pang crew ang nag-alok ng relo at sunglasses.”Wala pa akong dolyar,” sagot ko na may tono nang paghingi ng pasensiya. Iniabot ng isa pang crew ang “The Tropic Times”, isang lokal na diyaryo sa loob ng base militar, may petsang- June 26, 1992, sabay sabing “ito’y libre” Mabilis na ganti ko ng pasasalamat, dahil ako’y uhaw sa balita sa kasalukuyan.

Matama kong tiningnan ang isang malaking lapidang bato sa gilid ng bundok na aming daraanan. May disenyo itong mga taong may dalang pala at piko. Hindi ko tiyak kung ito’y inukit o minolde lamang. Sa huli, nalaman kong isang pagkilala ito sa mga taong namatay sa epidemya at aksidente nang ito’y pasimulang itayo noong 1913. Gusto ko sanang kunan, sayang at wala pa akong sariling kamera.

Sa gabi, nakakagaan ng sarili na magmasid sa pagitan ng magkabilang gilid ng canal at bundok. Naiilawan ito ng asul, berde at iba pang kulay bilang giya sa aming barko na payapang umuusad. Kaulayaw ko ngayon ang katahimikan.

Patuloy pang tumutugtog ang tape na isinalang ng isang crew sa stereo. Reggae beat ng latino. Panaka-naka siyang umiindak sa messhall. Alas-diyes medya ng gabi nang makalabas kami ng canal. Tanaw ang mga ilaw sa kabuuan ng Panama City. Nakababa na ang piloto. Kahit gusto pa naminng makinig ng latin beat habang nagpupusoy-dos ay kailangang kunin ng crew ang kanyang tape sa stereo.

Tunog na lamang ng isang tasang kape ang tanging narinig ko. May lungkot akong nadama. Ang crew kanina ay aking naalala sa eksena na nag-aalok ng hinog na mangga, kapalit ng ilan lata ng Coca-Cola. Sumagi sa aking isip ang Filipinas noong may base militar pa ang kano. Tawag nila sa mga Filipino base workers ay “Yardbird.” Bakit nga ba kung minsan, ‘yong kapirasong dangal na natititra ay kailangang pang ipagpalit sa PX at blue seal?

Muli sa gabi’y magandang pagmasdan ang Panama Canal- sa pagitan ng mga bundok, sa isang malalim na pagpapaunawa kay Mendez kung bakit detenido si Noriega ngayon sa U.S, hindi lang ito usapin ng drugs, hindi lamang sa agos ng dolyar sa canal, walang iba kung hindi dahil sa kabuuang interes at papel ng U.S sa larangan ng ekonomiya-politiko-militar sa daigdig!

Hinigop ko ang natitirang kape sa pangalawang tasa ko nang natimpla. Itinapon ni Vic ang par singko. Bumilis na ang usad ng barko patungo sa lupain ng mga kangaroo. Papaliit na ang mga ilaw sa aking paningin. Naglayag na sa lalim ng gabi.

*Unang nalathala sa ANI, literary journal ng Cultural Center of the Phils.Tomo 23, Disyembre 1996- Literatura Ng Mga Bagong Bayani

(c) 2009 Kwentulang Marino

055c9ab0bf30e55e

Hindi ko maipikit
ang aking mga
mata,
ilan oras na lang
langit ay luluha ng
apoy.
ang dagat ay
pupula,
sa disyerto’y
bubukal ng
dugo.
mananaghoy ang mga
ina
ama
anak,
babae’t
lalaki,
matanda’t
bata.
mananaig ang mga
ingay sa
himpapawid.
gugulong ang mga tanke
sa kalawakan ng
buhangin.
ilan oras na lang-
tropa ng kanluran ay
sasalakay.
dala-dala ay sumisingasing
na poot
nang tagong
intensyon nang….
pagkagahaman.
ilan oras na lang-
marami ang
mananangis….
ilan oras na lang-
at ililibing na ang
bangkay nang….
kapayapaan.

Emanzky88
20 Marso 2003

(c) 2009 Kwentulang Marino

*Wala pa kong kamuwangan sa mundo ng Blog nang malikha ito.Nais ko sana itong i-post sa darating na Marso bilang pag-gunita sa ikaanim na taon ng pagsalakay ng tropang U.S
sa Iraq, minabuti ko ng i-post dahil kagaya rin nang kasalukuyang nagaganap na agresyon sa Gaza ng tropang Israeli ito’y magkahalintulad.Isa na rin itong prostesta sa abot ng aking makakaya bilang pagkondena sa gobyernong Israel at mga kaalyado nito.

b6c37297d6a5083eSa pelikulang Body of Lies, matatakot ka talaga sa U.S, biruin mo naman, na- monitor ‘yun mga “terorista” sa pamamagitan ng satelayt, prente lang ang pagkakaupo nu’n mga nagmamanipula sa base nila sa Langley, Virginia. Hay tets ika nga!

Magdadalawang isip ka talagang lumaban, baka pati utot at lampungan n’yong mag wishart ma-monitor, tipong naka-paranoyd, sabagay hindi lang ito ang unang pagkakataon na me ganitong istorya, kayang-kaya na likidahin o kidnapin ‘yun lider terorista o durugin ang isang rebolusyunaryong pwersa.

Kundi ako nagkakamali mahigit 125 ng noypi na seaman (kauri ko) ang nabiktima ng mga pirata sa Somalia, may 100 barko na ang inatake at 40 barkong tuwirang hinosteyds ayun sa International Maritime Bureau.

3461757014_e0b518052aKinukulit kong akin sarili bat hindi madale ng U.S ‘yun mga pirata? nasaan na ‘yun hay tets na ipinakikita sa pelikulang made in Hollywood?

Pumapel na ang U.N kailangan na daw masawata ang mga pirata sa Somalia pati na si Condoleezza (Condolenz mas approriate) Rice ay kumakatak sa miting ng U.N, kung susuriin mo naman ang kanyang isteytment ay walang kongkretong solusyon sa problema, maging ang Pentagon ay walang maisagot na kongkretong hakbang. Sabagay kung si Boyah na pinaka-lider pirata ng Somalia eh hindi madale ‘yun pa bang lider ng mga insurektos sa Iraq ang madadale nila, tingnan mo na lang sa Blinkx kung pano pasabugin ‘yun mga APC at Apache ng U.S!

Sa isang banda, sagot ng nangungulit kung isipan ,bat nga ba magtitiyaga ang U.S diyan eh wala naman silang malaking interes na mapapala sa Somalia. Hindi tulad sa Iraq mayaman na sa langis, tuta pa nila ang lider at istratehiko sa susunod nilang target- ang Iran. Totoong kasama ang ilan pwersa ng U.S sa paglaban, pero pansinin mo, mas itinutulak ay….. U.N, sa Iraq may sey ba ang U.N?, magtaka ka pa eh rubber stamp lang daw yan ng U.S! Pansinin mo ang China, pumapapel din, ipinakikita nila sa mundo (laluna sa U.S) na me sey na rin kami!

Ano nga ba pakialam natin dyan sa mga piratang Somalian na ‘yan! Ano ba pakialam natin sa “international politiks” at intellectual discussion kunu, ito nga lang noche buena ngayun darating na Pasko pino-problema ng malaking porsyento ng mamamayan noypi.

Pero hindi maitatanggi, kabilang sila, kabilang kayo, baka may kamag-anak din marino o nagbabarko o kaya’y sakay ng isang pampasaherong barko. Nitong unang linggo ng Disyembre, tumawag sa akin si pareng Dolfo, isang seaman din. Nasa Houston s’ya at ibinalita sa akin na nagkita sila ni Julie Nuygen, nagbebenta ng mga laptop sa barko. Ilan oras na lang at malapit ng umalis ang barko, may pagmamadali sa kabilang linya, huli kong narinig sa kanyang garalgal na tinig…. dadaan kami ng Somalia!

(c) 2009 Kwentulang Marino