(Handa Na Ang Mga Tanod)

Handa na ang mga
tanod ng
demokrasya,
istratehikong nakaposisyon na si
Norberto,
ganundin si Delfin
at Reynaldo.

May mga bagong
nakatalagang ministro sa
palasyo,
lumarga na ang mga
dating kabinete
at sekretaryo
sa bawat probinsya’t
distrito.

Handa na ang mga
tanod ng
demokrasya,
magigiting na dating
heneral
sa bawat embahada,
maingat na
katwiran
at salag
sa bawat kondena.

Kulang sa tambol
ang mga rebolusyunaryong
pwersa,
salat sa antisipasyon
at rekurso
ang sa kanila’y nakikita.

Handa na ang mga
tanod ng
demokrasya,
dakipin
ang mga piling kandidato,
nag-aastang galing sa
hirap
na pagka-pangulo.

“May sabwatan sila sa kilusang rebolusyunaryo,
tankang agawin ang tinatamasang
demokrasya
nating mga Pilipino!”

Binangungot
ang katanghaliang tapat
ng mga
balotang
sinakmal nang nabibitak
na pinitak,
mga natutuyot na
pangarap.

Emanzky88
13 Marso 2010

© 2010 Kwentulang Marino

Advertisements

( Silip Sa Kaliwa)

” napaangat ako sa aking upuan ng mabasa ko sa isang “blog” yung latag na tanong ni Tonyo Cruz, isang blogista- Honest question: What if Satur Ocampo runs for president…”

Gusto ko lamang magpatiuna na wala po akong kinaaniban na pampulitikang organisasyon, mapa-kaliwa, kanan o diretso. Hindi rin po ako tagahanga ni Rep. Satur Ocampo, wala din po akong intesyon na makagulo sa kanyang kandidatura. Kaya baka yung iba eh mag-reak, yung titulo po eh patanong – Satur Ocampo Para Presidente?

Ito po ay aking opinyon at walang intensyon na manira o pulaan ang mga nasa kaliwa. Sabi nga po eh walang sinuman ang may monopolyo sa blogospero para magpahayag ng saloobin at opinyon. Huwag din pong magtaas ng kilay at sabihin na di lapat sa lupa at suntok sa buwan ang mga pinagsasabi, nag-aastang “political
analyst” na pudpod. Padampot- dampot ng pagtingin, sa katunayan ay di na alam
ang pampulitikang sitwasyon pati na ang mga “political spectrum” ng bansa. Uulitin ko, isa lamang po itong opinyon ng isang pinoy na lumalangoy sa daigdig ng sapot.

Nabuo ang imahinasyon na ito, nung pang nakaraan taon, isang kumpare ko ang dumalaw at mag-umpugan ng ilang boteng beer, di na ko nakatiis na ilatag na
may ideya ko na ba’t hindi lumaban si Ka Satur para presidente, gusto ko iyon i-post sa aking blog. Positibo naman yung sagot niya, gawin mo pare, pero di sa punto na kinukwestyon mo sila.

I-float ko ito tru text sa ilan kaibigan para ma-validate yun iniisip ko. Nag-reply
naman sila, i-save ko, chek ko sa celfon yung saktong araw- Agosto 30, 2009,

” Suntok sa pluto, kaka. Masang pinoy ay bumuboto hindi sa husay, integridad o adyenda. Maski senador mahihirapan si Ka Satur. Maski wagas ang puso niya sa bayan, di yun ang usapin, makinarya.”- Ompong

“Kasi alam naman nila wala silang kakayanang magpanalo lalo sa kalagayan nila. All their efforts will go to waste if ever…”- Al

“Di pa nila kaya tol, senador ang alam kong balak nila, mukhang didikit sila kay Mar…”- Joey

” Bakit hindi pre? Matapos maihayag ang mga nagnanais na tumakbo bilang pres. at vice-pres. Higit na may kakayanan si Satur. Kaya lang yung winnability. Magagamit lang siyang propaganda.”- Al

“Masusubo lang sila. Marami silang lulunukin na mahirap lunukin. Marami silang lalabagin sa prinsipyo ng kilusan. Mas magulo etc.” – Joey

I-save ko lang mga ito at dumaan pa ang mga araw naging abala sa mga iba pang bagay, bagyong Ondoy, pagsulat ng mga tula.

Napilitan ko nga lang gawin ito kahit na may dapat akong sulatin ngayong gabi (Nov.21,2009) napaangat ako sa aking upuan ng mabasa ko sa isang “blog” yung latag na tanong ni Tonyo Cruz, isang blogista- ” Honest question:What if Satur Ocampo runs for president on a concrete platform of reforms–jobs and justice, food and freedom?”

Teka, teka mukhang umaayun ito sa matagal ng umuukilkil sa utak ko. Sa loob- loob ko me kasamahan o kaperahas din pala kong mag- isip na suntok sa buwan.

ANG AKING DISKURSO

1. Para sa akin, ang eleksyon 2010 ay isang hamon sa mga kaliwa (anumang spectrum ito) na mag-alok ng isang alternatibong kandidato sa antas ng pangulo.
Sasabihin ng iba, di pa hinog. Habang ang burgesya ay nag-aalok ng alternatibo, lumilitaw na ang mga nasa kaliwa ay walang maialok na kandidato.

2. Masisi ba nila ang mamamayan kung isumbat sa kanila na nililito ninyo kami, para din kayong trapo na palundag-lundag sa ibang partido. Kahit na nga sabihing alyansa lang ito. Pwede bang idahilan din sa kanila na kung si Mao eh nakipag-alyansa sa mga Kuomintang, sabi nga eh sanay din makipag-sayaw sa mga dimonyo. Baka suma-tutal ay sabihin ng mamamayang pinoy na para na rin kayong trapo.

3. Sagot ng iba, ang eleksyon ay masalimuot na usapin, isa na rito ang makinarya. Eh kung ibalik ng masa yung argumento na “nasaan ang sinasabi ninyong malawak ninyong kasapian mula kanayunan hanggang kalunsuran, mga masang organisado,
mataas na kamalayan at di kayang bilin ang boto, handang gumampan para sa ikapagtatagumpay ng simulain. Nasaan ang inyong eksperto sa mga paglulunsad ng boykoteo sa mga pamantasan at welga sa pabrika na pinangungunahan lang ng ilan sulong na aktibista?

4. Sabihin ng iba, mas hahanga ako sa mga kaliwa kung matalo o manalo pinanindigan nila ang kanilang political party. Mayroon silang iniaalok na kandidato sa mas mataas na antas ng kandidatura. Parang mga political party sa ibang bansa, kahit maliit lang sila, lumalaban.

5. May mga pahayag sila nung di pa lumilinaw ang re-allignment na balak nilang kausapin si Noynoy (sa mga dyaryo at balita). What if, (alam naman natin na di sila pa- popormahin ng mga SD) what if nga lang, kung pumayag sila Noynoy na maging guest candidate sila Ka Satur, paano ang maging handling nila sa isyu sa Hacienda Luisita? Paano naman kaya sasagutin ang isyu kay Villar na isa siya sa lumalabag sa isyu ng land conversion, na isa ito sa ipinaglalaban ng mga militanteng samahan.

6. Satur Ocampo lang ang masasabing senior at may kwalipikasyon para ipanlaban
sa mas mataas na antas ng kandidatura. Bibilang pa ng ilan panahon o taon kung sakali mang mag-desisyon ang kilusang kaliwa na sumabak sa panibagong laban.

7. Ang paglaban ni Perlas ay isang senyales ng panibagong yugto ng eleksyon, ibig kong sabihin lumilitaw na hindi siya nuisance candidate, hindi ko rin sinasabi na mananalo siya, sa akin lang naman ay huwag na nating hintayin na sabihing, mabuti pa siya at may inialok na alternatibo, labas sa kasalukuyang labanan ng mga trapo.

Sa huli, may komentong susulpot na di naman eka kami nangangarap sa sinasabi o inilalako mong diskurso. Hihintayin pa ba nating makarinig na “wala din pala kayong pinagkaiba sa mga trapo!”

(C) 2009 Kwentulang Marino
_________________________________________
imahe mula sa arkibongbayan.org

arroyo watch flickr.com

“Sa kanyang paglisan ay kumakaway tayong mga Pilipino nang walang bahid pag- aalinlangan…”

Sa kulturang makismo, hindi daw dapat pinapatulan ng kalalakihan ang mga kababaihan, isa pa kung ito ay isang bisita, labag daw ito sa kaasalan nating mga pinoy.Gaya ng pagbisita ni U.S Secretary of State Hillary Clinton sa bansa, tatagal ng Nov.12 – Nov.13. Ngayon pa lang ay pinatikim ng protesta ang harap ng U.S embassy. ( sagot ng mga militanteng organisasyon e di naman gender ang isyu dito, interbensyon!)

Nakakahiya naman ang kinikilos ng mga militanteng estudyante. Hindi kaya nila naisip na ang kanilang pinoprotesta ay isang may mataas na katungkulan sa makapangyarihang bansa sa daigdig, na asawa ng dating U.S President na si Bill Clinton, bukod doon ay di na nila isinaalang-alang ang kahihiyan ni PGMA, aba’y klasmeyt ata ang dalawa sa isang tanyag na unibersidad. Nakakahiya talaga, di ba nila ma- imagine na pagbalik ng U.S ni Hillary ay katakot-takot na sumbong kay Bill Clinton, “na kesyo na paka-barbaro ng bansa ng klasmeyt mo.” me konting papatak-patak pa ng luha iyon.

Saka ba’t ayaw maniwala ng mga militanteng iyan na kaya lang pupunta dito si Hillary Clinton ay para makiramay at dalawin ang mga lugar o biktima nang magkasunod na kalamidad. Huwag naman ninyo siyang pag-isipan na parang katulad lang ng iba diyan na kahit namatayan na at pwede naman kaagad pumunta o makiramay ay di agad ginawa,
sasadyain mismong puntahan sa bahay at kunwa’y malungkot at hapis na hapis ang mukha, sasabihing “nakikiramay ako sa pagkamatay niya, pasensya na’t ngayon ko lang nalaman.” Sa totoo, mayroon lang pa lang kailangan.

Huwag ninyong ipagpilitan na kaya pumunta dito si Hillary Clinton ay para sa VFA o extensyon ng pananatili ng tropang Amerikano sa bansa. Hindi naman daw siya tulad ni Condoleeza Rice na dating U.S Sec. of Sate, bawat puntahang bansa ay lalung lumalala ang kaguluhan este “troubleshooter” umaayus ng mga problema, tagapag-hatid ng kapayapaan.

Ipinagtataka ko rin bakit ipinagpipilitan ng mga U.S base Human Rights group at lokal na kapanalig sa bansa na dapat daw sabihan ni Hillary ‘yung klasmeyt ng kanyang mister na si Ate Glo na malala na ang paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Syempre pa, kaya gusto nilang mangyari o itulak si Hillary na magbigay ng ganun statement, mapapahiya si Ate Glo sa international community. Ayan U.S na ang nagsabi!

Sa tingin ba naman ninyo e gagawin yun ni Hillary? Bukod sa klasmeyt siya ng kanyang faithful na husband na si Bill (forget na si Monica Lewinsky, ba yun?) e bawat presidente ng Pilipinas e prens ng U.S. Gaya ngayon, di na siya iniisnab ni Obama. Saka matatauhan din ang maraming pinoy, alam naman na pala ninyong ganyan e ba’t kinukunsinti pa ninyo. Kaya silent night na lang si Hillary, konting bisita sa ilang devastated area, konting abot ng U.S relief goods, konting gupit ng ribbon at konting haplos sa ilan miyembro ng isang charitable insti. konting speech na papuri sa katatagan nating mga pinoy- sa kabila ng ganitong pagsubok ay kaya nating harapin at higit sa lahat, may diin yung huling bibitawan niyang kataga na ang “Pilipinas pa rin ang pinakamaasahang kaibigan at kaalyado ng U.S sa pagsusulong ng demokrasya, paglaban sa terorismo at balanseng istabilidad- partikular sa
Asya- Pasipiko.”

Papalakpakan natin siya, pupurihin sa kanyang kakaibang “charm” – kombinasyon nang ganda, talino at ekspertong pang- diplomatiko. Ang kanyang suot o fashion ay repleksyon ng isang babaeng nagtataglay ng kapangyarihan. Para tayong na hipnotismo, may taga-bulag, nakaka-gayuma ang kanyang mga ngiti, ngiting sinasalamin ang aspirasyon ng isang makapangyarihang bansa.

Sa kanyang paglisan ay kumakaway tayong mga Pilipino nang walang bahid
pag- aalinlangan, nang may pagmamalaki, nang walang duda, nang may malinis na instensyon sa kanyang pagbisita. Ganun tayo…ganun naman tayong mga pinoy.

(C) 2009 Kwentulang Marino
__________________________________
imahen arroyo watch flickr.com

franciscobalagtas>

“Ang tanging maipagmamagaling ninyo eh sanay lang kayo na magsalita ng ingles…”

Sa elementari ay pinasusulat kami nu’n ng sanaysay, kung bakit mahalaga na matutong magsalita ng ingles. Hanggang ngayon, tanda ko pa rin yung basis o argumento ko na kaya dapat matuto o magpakahusay na magsalita ng ingles eh – ” Para umunlad ang bansang Pilipinas.”

Ano naman ang relasyon nito sa “Buwan ng Wika” ngayong Agosto?
Hindi naman ito usapin o pagtatalunan natin kung “F o P” ba ang dapat gamitin sa
salitang Pilipinas o Pilipino. Hindi rin usapin kung dapat bang pagtalunan kung ang pambansang leggwahe ba eh Tagalog o Cebuano. Hindi rin dapat kwestyunin pa kung anong dapat gamiting salita sa mga ahensya ng gobyerno, miting sa Palasyo, senado o
kongreso. Dahil palasak na daw ang ganitong mga tema.

Kahit na nga nakatapos ako sa kolehiyo. Aaminin kong may kahinaan ako sa ingles at ang nakintal sa isip ko mula pa ng pagkabata ko’y imperyur ang isang tao kapag hindi sanay mag-ingles. Kaya nabuo sa isip kong mahinang klase ang isang pinoy (kabilang na’ko) kapag di sanay mag-ingles.
Kaya marami sa atin ang humahanga kapag ang isang senador o kongresista ay nagtatalumpati sa wikang ingles. Pinagmamalaki natin, kapag ang ating presidente ay nagtatalumpati sa mga pandaidigang pagtitipong gaya ng sa U.N, APEC atbp. nang walang kagatul-gatol na magsalita ng ingles. Tinatawanan natin, ang mga hapones, koreano na gumagamit pa ng interpereter.

Kung mas tatalakayin pa natin ito sa perspektiba o usaping “kolonyalisasyon” eh aabutin tayo ng siyam-siyam. Siguro ay pagaanin na lang natin. Mas pa, sa pananaw na nakintal sa akin at sa maraming pinoy- ” na kapag wala kang kasanayang mag-ingles ay hindi makakatulong na umunlad ang ating bansa. Pangalawa mas superyur tayo sa isang tao, maging pinoy o banyaga man ito kung maalam kang mag-ingles.”

Lahat ng nasabing argumento eh nahugasan nang makapaglakbay ako sa ibat-ibang bansa. Hindi ko magawang insultuhin ang kausap kong griyego, hapones, intsik, koreano, thai at iba pang nasyunalidad na hirap sila sa komunikasyon sa ingles. Dahil ang dati o luma kong paniniwala na kapag maalam ka sa ingles ay isang guni-guni na lamang ng isang tulad ko. Kabaligtaran ito sa aktwal na pakikipag-ugnayan ko sa kanila. Kahit na nga hindi sila maalam sa ingles ay mas maunlad ang antas ng kanilang pamumuhay kaysa atin. Hindi ko sila magawang pagtawanan, marahil baka nga ako pa ang kanilang pagtawanan. Baka nga sabihin pa sa akin – “ang tanging maipagmamagaling ninyo eh sanay lang kayo na magsalita ng ingles.”

Nag-aaral na rin silang magpakahusay sa ingles pero di nakintal sa kanilang isip na kaya lang maunlad ang kanilang bansa ay dahil lang dito…ang yakapin at sambahin ang wikang banyaga.

Iniisip ko lang, kung labis-labis ang pagsamba, pagdakila at pagkilala
natin sa lenggwaheng ingles bilang superyur na salita. Nangangahulugan ito nang pagsantabi natin sa ating sariling wika.

Matindi ang kalam ng aking sikmura,may kahalong kirot.Ilan araw na ‘kong sumasala sa oras ng pagkain,namimingi na ang aking pandinig.

Hindi ko mapiho kung anong kaluto ang aking naamoy,bumubusog sa nagmumura kong tiyan.Hinahatak ako nang matinding antok…

Nakasimangot ang “Queen of Spades”,gusto n’yang makisawsaw sa pagluluto ng iba pang kusinero sa palasyo.Ang una’y eksperto sa bulalo,dati syang kusinero sa kampo ng mga sundalo.Pangalawa’y mahusay magkaluto laluna’t pag panahon ng eleksyon,marami s’yang putaheng kayang ialok,nabibihisan ang mga luma ng putahe ,nagmumukha itong kaigagaya at kayang makabusog sa mag takaw-mata.Ikatlo’y eksperto sa sisig,mestisong Kapangpangan,mahusay din s’yang rumetoke ng mga putahe,kahit malapit ng mamanis ay nagagawan pa n’ya ng solusyon.Kaya nga n’yang pakainin ang daang libong kampon ng simbahan.Lahat sila’y na treyn sa mga tanyag na culinary institute sa Estados Unidos.

Kailangan pa nila ng dalawang dagdag na aasiste sa kanilang pagluluto malapit na kasi ang piging sa palasyo.Na treyn na din sila sa U.S pinamamadali ang kanilang pag-uwi.

Ang lahat ay imbitado mula sa mga bigating politiko,hasendero,gambling lord,obispo,diplomat,drug lord, at coño.Bukas din ang pintuan para sa mga ordinaryong tao,sa mga taga-iskwater,isnatser,akyat-bahay,piyon,tricycle driver,vendor,ofw,saleslady,sa mga adik,bugaw at prostityut.Bubundatin nila ang lahat ng mga timawa!

Ipamumukha ng “Queen of Spades” at kanyang mga kusinero na sila lang ang may kakayanan magkaluto at maghain ng masarap na mga putahe,sumagip sa matinding kagutuman ng mga timawa at higit pang busugin ang mga nasa kapangyarihan.

Ang mga nagtatankang maging kusinero sa palasyo ay pasasamain ng dalawang manggagaling sa U.S.Ipagsisigawan nila sa korte,dyaryo,t.v,radyo na sila ang naglagay ng lason sa mga pagkain,sila ang may kagagawan ng pagkisay at pagbula ng bibig ng mga tiga-iskwater,isnatser,piyon at ng iba pang patay-gutom.Pagsabog ng mga bundat na tiyan,pagdurugo ng mga mata’t gilagid ng mga imbitadong politiko,diplomat,obispo at mga coño.

Papasok sila sa bitag,kakainin nila ang pain.Magigipit ang mga inanaakusahang naglagay ng lason at ang isa pang kusinero na pipilay-pilay.Hihingi sila ng tulong sa mga kaalyadong politiko,coño at mga sundalo.Pakikilusin nila ang kanilang mga organisadong pwersa.Tiyak na magugulo ang piging,sasambulat ang mga masarap na pagkain,mga nangisay at tumirik na mata ng mga timawa.

Ngigisi lang ang “Queen of Spades” aroganteng ididiklara ang
matinding-Golpe!

“Mga hunghang,naniwawala kayong may iba pa ‘kong kabayong patatakbuhin mula dito sa palasyo?!” paismid na titingin sa mga kumikisay na mga panauhin…”nasa akin pa rin ang huling baraha,ako lang at ang aking mga matatapat na kusinero ang makasasagip sa kagutuman at paghihirap ng bayang ito!”

Panay ang halo sa kawa ng mga alipures na kusinero.Hindi maipinta ang saya sa kanilang mga mukha.Hindi ko rin mawawaan kung anong kaluto ang muling hinahalo sa kawa…lumikot ang talukap ng aking mga mata,bumilis ang paghinga,tumagaktak ang pawis ko sa mukha,sumigid ang masansang na amoy at kasabay ang pagyugyog ni Ria na ka live-in kong puta ang sabing…”binabangungot ka!”