Patay ang hangin. Sa
Brgy. Sto. Niño ay
tumatagulaylay pa ang samo ng pagbasa. Wala
nang pumipigtas sa mga
dahon ng kaimito, duhat
at bayabas. Wala
nang kulay ang tubig
sa matandang tapayan. Wala
nang lasa ang mga
isda at gulay.

Buong buhay na lang
naming bibilangin. Ang
makupad na usad ng prusisyon. Laging
idadalangin na muling tumango
ang ulo ng puting kabayo. Bingihin
nang dumadagundong na kulog. Bulagin
nang maamong mata. Gayumahin
nang duguang mukha. Aliwin
nang mekanikal na mga disipulo. Takutin
nang mga nakaputing abito.

Masaya kaming uuwi na
dumidighay mula sa
ngiti nina Jollibee at McDonald.

Kung hindi man.

Sa ilang tusok ng pisbol, isaw
at kikiam. Isang
basong malamig na gulaman.

Hindi lahat!

Sa ngisi ng mga higanteng
rebulto. Binangungot
ang mga kumukulong sikmura. Hinarot
ang inaantok na gabi sa walang
sawang pagtatalo. Ilan
ang nadagdag? Kaninong
angkan ang may pinakamarangyang
karo? Sino
ang umilaw sa antigong santo
mula sa mga politiko?

Emanzky88
22 Abril 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa flickr.com


(Ritwal at Simbolo)

Sa halip na maging balut. Kailan ang isang
itlog ay nagiging penoy? Kailan naman ito’y
nagiging abnoy? Hindi mapigilan ang mabulok,
itlog na alanganin ay maaring bumantot.

Kung ito’y naulanan o kulang
sa araw. Kulang sa init o liwanag
ng ilaw. Hindi kaya’y sa semilyang
taglay. Sa maraming humipo’t
kamay na pakialam.

Kung sa panunumpa’t salita ang
retorikang taglay. Sa ritwal
at simbolo ang panuntunan;
sundo’t hatid, baba’t akyat sa
hagdanan. Patuloy na yumayakap
sa pamahiing umiiral.

Kung padadala sa matamis na
pananagalog ni Thomas. Sa kamay
ni Romulo tratado’y ipauubaya. Alipures ni
Ayala sa gabinete ay kabilang. Hacienda Luisita’t
repormang katulad sa “Panatang Pagbabago”
ay hindi inilahad.

Itlog na penoy ay handa nating kaining mga pinoy.
Itlog na mabaho’t kung tawagin ay abnoy. Rekado ay sagana,
estilong bibingka sa paghahanda. Makakaya pa ba natin
itong masikmura?

Emanzky88
Hunyo 30, 2010
3:01 nh

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa flickr

Halos mag-isang linggo na ang pagkakasaksi sa ngumiting buwan, ang dalawang mata ay kumakatawan sa Venus at Jupiter. Marami sa ating mga pinoy ang nanghahawak sa mga simbolismo, pangitain, pamahiin laluna’t sa mga nakatatanda sa atin.

Nakatimo pa rin sa isip kong sabi ng mga matanda,”kapag nakakita ka ng buwan na pataob o nakaturo sa lupa ang mukha, ito’y magdadala ng swerte o magandang pasok ng taon, kung ito nama’y pasalok, ito’y nagbabadya ng matinding kahirapan, gyera at salot.”

Marami ang nagsasabi na kaya nangiti ang buwan ay katawa-tawa na ang nangyayari sa bansa natin. Para sa iba, isang joke na lang daw ang ginawa ni Jocjoc Bolante ang pagpapa-diretso n’ya sa St.Luke’s Hospital at kung paano paikutin ang mga senador, nangiti ang buwan, kung paano ibasura ang kaso ng “Impeachment”, sabi ng iba, ito ang tinatawag na “Anarkiya ng Mayorya”, nangiti ang buwan, dahil sa oras nang mataimtim na pagdadasal sa Malacañang ay may mga nalulukot na mukha, nangiti ang buwan, dahil lumutang na naman ang cha-cha, con-con, con-ass (hole nila!).

Para sa akin gusto kong burahin ang mga iniisip ng iba, bigat na bigat na tayo sa mga nangyayari sa atin, dumudugo na utak ko sa pangyayari sa melamine, global financial crisis (karma kaya ang nangyayari sa U.S? wag naman sana me relatib din ako don), Mumbai Terror Attack!

Ngumiti ang buwan. dahil sa laban ni Pacquiao ke Dela Hoya (habang tinatayp ko ito di ko pa alam kung sino ang panalo). Manalo o matalo si Pacquiao, para sa akin (baka pwedeng sa inyo din) PANALO ANG PEOPLE’S CHAMP! Dapat natin s’yang ikarangal, magdiwang tayo dahil may isang pinoy na kumakatawan sa adhikain ng isang tagumpay, paglaban sa kawalang pag-asa, katangian ng isang mandirigma, malikhain at disiplinado. Makapagdagdag s’ya sa buslo ng ating ” kolektibo o pambansang kamalayan. “Sabi,gawin natin si Manny Pacquiao na isang ehemplo bilang pagkikilanlan natin na isang Filipino, ‘yun nga lang, maging gising tayo sa katotohanan na hindi isang mesiya si Pacquiao na hahango sa ating lusak nang pighati at kagutuman.

Teka, kasasabi ko lang na h’wag gawing komplikado ang mga bagay, baka ibalik mo lang sa akin na kahit gawin ehemplo si Pacquiao ay di naman talaga maisabuhay nating mga noypi ang mga simbolismo’t aral.

Ganito na lang, hahabol pa kasi ko sa laban, ayoko naman na tipong isusubo sa iyo ang lahat ng kasagutan. pwedeng mag-isip ka naman o kaya ay…. itanong mo sa buwan!

(c) 2008 Kwentulang Marino