27 Hunyo 1992 Panama Canal, Panama
“Sa gabi’y magandang pagmasdan ang Panama Canal, sa pagitan ng mga bundok, sa isang malalim na pagpapaunawa kay Mendez, kung bakit detenido ngayon si Noriega sa U.S…”
Nakakatawang isiping labing-apat na taon na ang nakaraan nang ito’y talakayin sa amin ni Mrs. dela Peña, section adviser at teacher sa Social Studies, reference material niya’y Current Event Digest na kailangang bilhin ng klase para pagdiskusyunan. Wala sa loob ko noon kung paanong isang canal sa Central America ay nagawa para mabilis na maglakbay ang mga barkong pangalakal at pandigma patungo sa ibang kontinente. Tanging natatandaan kong lektura ni Mrs. dela Peña, “nakakatulong ito sa pandaigdigang komersiyo.”Nakakatawa, dahil simula pa alas-diyes ng umaga’y angkorahe at naghihintay na ang aming barko, sa wakas, kami ngayon ay papasok na sa kilalang Panama Canal!
May kaukulang bayad ang bawat barkong magdaan ayon sa kanilang laki, bigat o klase ng kanilang kargamento. Kailangang humingi ng paunang pahintulot ang agent o kapitan ng barko sa Panama Canal Administration. Hindi papayagan ng PCA ang mga barkong sobra sa itinakda nilang laki o tonelada. Piloto ang magpapasok ng barko sa canal, siya lamang ang may karapatan at kasanayan na wala sa kapitan ng barko. May mga Panamanian crew na umakyat sa barko para tumulong at mag-monitor lalo na’t dadaan sa tinatawag na lock gate.
Pinagmasdan ko sa porthole- isang makapal na pabilog na salamin, ang marahang pagpasok ng pinakadulo ng aming barkong Clipperventure-L; kasabay ng dalawang ibong nakadapo sa bakal ng main deck at isa pang lumilipad na kapamilya ng batu-bato. Ang lock gate ay unti-unting bumukas. Hindi napasapat ang katauhan kong sabik sa unang pagkakataon ng pagpasok sa Canal sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa porthole. Ako’y lumabas patungong second deck upang mabistahan nang tuwiran. Gayundin si Ioanni, isang Greek na kusinero, mabait at may “pusong maka- Filipino,” hindi na niya mabilang kung ilang beses nang dumaan sa Canal pero nandoon pa rin ang kawalang-sawa at pananabik na saksihan ang pagpasok dito. Dala niya’y isang kamera. Nag-request siyang piktyuran ko siya sa background ng susunod na lock gate. Muli unti-unting sumara ang naunang lock gate, tumataas ang tubig kasabay nang pagtaas ng barko sa kanina lamang ay mababa ang level nito, para ganap na lumutang hanggang sa umabot sa water level ng Pacific o Atlantic Ocean. Ito ang proseso, isang henyong likha sa larangan ng infrastructure. Dalawang beses din akong kinunan ni Ioanni sa ganoon ding background.
Habang mabagal ang usad ng barko, nasa pagitan naman nito ang mga namemerdeng bundok–palantadaan na hindi pinuputol ang mga naglalakihang puno nito. Parang mga batang naggala ang mga sumampang Panamanian crew sa main deck at messhall kung saan ay kumakain at tumatambay ang mga Filipino crew. Hindi lahat ay pure Panamanian, may Afro-American silang kasama, sa dahilang ang Panama Canal ay bahagi ng base militar ng U.S. Sa tuwirang sabi, ang Panama ay kontrolado ng U.S kung geopolitics ang pag-uusapan. Karamihan sa mga crew ay may dalang abubot, may nag-aalok ng manggang hinog, hindi nga lang katulad ng ating manggang-kalabaw; payag silang ipagpalit ng Coca-Cola.
Nitong agahan at tanghalian ay kinain ng ibang crew ang sobra naming pagkain. Ilan sa crew ang aking tinanong.”Gusto ba ninyo ang pamamalakad ni Noriega noong ito’y nasa posisyon pa? Ganoon din si Endara, ang kasalukuyang presidente ng Panama” pahabol kong tanong.
“Hindi”, ang kanilang magkakasabay na sagot.
“Mga ilan ang namatay nang salakayin ng U.S ang Panama para kunin lang si Noriega?” ang magalang kong tanong na may halong kyuryosidad.
“Mga tinatayang isang libo” sagot ng isang crew na may kaitiman ang kulay.
Sa loob-loob ko, malaki din kung ikokompara sa mga lumabas sa dyaryo.
Sa lahat ng mga crew na nakausap ko, si Mendez ang matagal kong nakakuwentuhan. Karaniwang tikas ng isang Panamanian, kayumanggi siya at hindi kataasan, nasa edad singkuwenta ang tantya kong gulang.
“Ako’y nakapag-aral sa U.S noong apat na taong gulang pa lamang,” pagmamalaki niyang kuwento.
Sa isang tulad niya ay masasalamin mo ang isang bahagi ng Panama.
‘Maraming walang trabaho, pangunahing pinagkakikitaan sa bansa ay nasa sektor ng serbisyo. Sa 1999 pa matatapos ang canal treaty. Hindi tuwirang ipauubaya ng U.S ang kabuuang pamamahala nito sa Panama. Tanging administrative work lang ang para sa amin at mananatili pa rin ang usapin sa defense sa kanilang mga kamay” ang walang gatol n’yang pagsasalaysay.
“Ibig sabihin, hindi buo” ang dugtong ko naman at pagsasara na rin ng kwentuhan.
Isa pang crew ang nag-alok ng relo at sunglasses.”Wala pa akong dolyar,” sagot ko na may tono nang paghingi ng pasensiya. Iniabot ng isa pang crew ang “The Tropic Times”, isang lokal na diyaryo sa loob ng base militar, may petsang- June 26, 1992, sabay sabing “ito’y libre” Mabilis na ganti ko ng pasasalamat, dahil ako’y uhaw sa balita sa kasalukuyan.
Matama kong tiningnan ang isang malaking lapidang bato sa gilid ng bundok na aming daraanan. May disenyo itong mga taong may dalang pala at piko. Hindi ko tiyak kung ito’y inukit o minolde lamang. Sa huli, nalaman kong isang pagkilala ito sa mga taong namatay sa epidemya at aksidente nang ito’y pasimulang itayo noong 1913. Gusto ko sanang kunan, sayang at wala pa akong sariling kamera.
Sa gabi, nakakagaan ng sarili na magmasid sa pagitan ng magkabilang gilid ng canal at bundok. Naiilawan ito ng asul, berde at iba pang kulay bilang giya sa aming barko na payapang umuusad. Kaulayaw ko ngayon ang katahimikan.
Patuloy pang tumutugtog ang tape na isinalang ng isang crew sa stereo. Reggae beat ng latino. Panaka-naka siyang umiindak sa messhall. Alas-diyes medya ng gabi nang makalabas kami ng canal. Tanaw ang mga ilaw sa kabuuan ng Panama City. Nakababa na ang piloto. Kahit gusto pa naminng makinig ng latin beat habang nagpupusoy-dos ay kailangang kunin ng crew ang kanyang tape sa stereo.
Tunog na lamang ng isang tasang kape ang tanging narinig ko. May lungkot akong nadama. Ang crew kanina ay aking naalala sa eksena na nag-aalok ng hinog na mangga, kapalit ng ilan lata ng Coca-Cola. Sumagi sa aking isip ang Filipinas noong may base militar pa ang kano. Tawag nila sa mga Filipino base workers ay “Yardbird.” Bakit nga ba kung minsan, ‘yong kapirasong dangal na natititra ay kailangang pang ipagpalit sa PX at blue seal?
Muli sa gabi’y magandang pagmasdan ang Panama Canal- sa pagitan ng mga bundok, sa isang malalim na pagpapaunawa kay Mendez kung bakit detenido si Noriega ngayon sa U.S, hindi lang ito usapin ng drugs, hindi lamang sa agos ng dolyar sa canal, walang iba kung hindi dahil sa kabuuang interes at papel ng U.S sa larangan ng ekonomiya-politiko-militar sa daigdig!
Hinigop ko ang natitirang kape sa pangalawang tasa ko nang natimpla. Itinapon ni Vic ang par singko. Bumilis na ang usad ng barko patungo sa lupain ng mga kangaroo. Papaliit na ang mga ilaw sa aking paningin. Naglayag na sa lalim ng gabi.
*Unang nalathala sa ANI, literary journal ng Cultural Center of the Phils.Tomo 23, Disyembre 1996- Literatura Ng Mga Bagong Bayani
(c) 2009 Kwentulang Marino