(Ikaw Ba Ay Pilipino?)
Nakita ko sa news ang mag-asawang pinoy na pina-deport mula sa Japan. Bakas sa mukha nila, Arlan Calderon, 36 at kanyang kabiyak na si Sarah, 38 ang matinding kalungkutan sa pagkahiwalay nila sa anak na si Noriko, 13 na ipinasyang bigyan pagkakataon ng gobyernong maiwan at makapanirahan sa Japan.
Malaking bilang ng mga turista sa Cairns, Australia ay mula sa Japan. Oktubre, 1993 nang madaong ang aming barkong M/V Maaslot-L. Namasyal kami ni Rolly, isang kasamahan seaman. May kasingkitan ang kanyang mga mata at ako naman ay may kaputian kaya’t napagkamalan kaming Hapon nung saleslady sa isang shopping mall.
Nung sumunod na araw, isang pinay na madre na bolunteer ng Stella Maris
ang nag-anyaya sa aming mamamasyal at magsimba. Sr.Carmelita ang kanyang pangalan tubong Laguna. Pagmamalaking kwento namin, kami’y napagkamalan mga Hapon. Sumagot s’yang mukhang proud pa kami, partikular na ako ang kanyang tinutukoy. Nakuha ko ‘yun mensahe nya. Nakaramdam ako nang matiding hiya sa akin sarili. Sa tingin ko’y di lang masabi ni Sr.Carmelita na mas gusto ko pa atang masabihan maging Hapon kesa ipagmalaking ako’y Pinoy.
Ang hindi lang n’ya alam, ‘yung unang barkong sinampahan ko’y naka-plano kong mag-jumpship sa oras na dumikit ang barko sa puerto, kaso angkorahe kami sa laot kaya’t ‘yung Japanese dictionary na dadalin ko’y napurnada. Ewan ko ba kung bakit may kakaibang karisma ang Japan at kultura nila sa akin, pangarap ko pa ngang makapag-asawa ng Haponesa, lahat ng ito’y naisantabi ng ako’y makapag-asawa’t magkaanak na. Marahil batbat ako ng adbenturismo
nu’ng panahon ako’y binata pa.
Kanina nakita ko sa news ang mag-asawang pinoy na pina-deport mula sa Japan. Bakas sa mukha nila, Arlan Calderon, 36 at kanyang kabiyak na si Sarah, 38 ang matinding kalungkutan sa pagkahiwalay nila sa anak na si Noriko, 13 na ipinasyang bigyan pagkakataon ng gobyernong maiwan at makapanirahan sa Japan.
Bago pa man ‘yun, nakibalita na ako sa kumpare kong Ariel na pabalik-balik sa Japan. Kwento n’ya, mahigit 15 taon ng naninirahan sa Japan, katayuan ay iligal.Kabutihan palad ang kanilang anak na babae ay narehistro bilang citizen. “Problema lang kasi pare gumamit sila ng ibang pangalan.” Hindi man n’ya naipaliwanag ng malalim, paano bibigyan ng pagkakataon manatili sa Japan ang mag-asawa sa una pa lang ay labag na ang kanilang ginawa. Sa tingin ko’y maging precedent sa iba pang may kamukhang kaso kung pagbibigyang ng gobyerno at ito’y kanilang ikinatatakot. ‘Yun nga lang pagbibigay tsansang makapanirahan si Noriko at hindi isinamang pina-deport ay isang pagbubukas ng pinto at bentahe sa mga batang ipinanganak na may kahalintulad na kaso.
Ganunpaman, malaking kyuryusidad at palaisipan pa rin sa isang sulok ng isip kong hindi maisantabi. Sa NAIA pa lang ay hindi maiiwasan “magtaas ng kilay” ang mga nakasubaybay kung bakit mga taga NHK o Japanese media lang ang sinagot ni Arlan dagdag pa sa news ay kahirapan magsalita ng lenggwahe natin. Imagine sa mahigit na 15 taon n’yang paninirahan sa Japan ay nalimutan na n’ya ang wika natin? Kinikiliti ako ng mga katanungan na gaya rin ba sya ng mga kilala nating napunta sa U.S, U.K ang nagpalit ng pangalan, ugali at diksyon ng pananalita? Nagpa-asimila na kaya s’yang tuluyan? May intensyon ba s’yang burahin ang kanyang nakaraan? Tulak ba ng kahirapan sa pinas? kawalan pag-asa? pagka-bangkarote ng bansa sa larangan ng ekonomiya, pulitika at moral na aspeto ng lipunang Pilipino?
Kung masasabi lang n’yang ‘wag ninyo kong husgahan. “Kung bakit hindi sanay magsalita ng lenggwaheng pinoy ang akin anak, kung bakit ganito akong kumilos, manalita na higit pa sa isang tunay na Hapon. Makapag-mamalaki ba akong pinoy kung ang bayan ko’y tinagurian ng ibat-ibang di magandang pangalan “bansa ng mga alipin”, kasama sa mga listahan ng mga ganid at mandarambong, nagugutom, korap, paalila? Magagawa ba ng mga pinoy ang magpatiwakal kapag nakataya na ang integridad at kahihiyan ng kanilang sarili, pamilya at bansa? Sa Japan nakikita kong katiyakan ng aming mga pangarap at kinabukasan!”
Marahil bigyan natin s’ya ng pagkakataong magnilay. Sa yugtong ito’y napakabigat ng kanilang kinakaharap na krisis. Mga taon kanilang pinagsikapan bumuo ng mga pangarap, magiging sukli ay pagkawalay sa kanilang pinakamamahal na anak.
Hindi sasapat ang mga matatamis na salita’t talinhaga. Gayunpaman, iginawa ko kayo ng isang tula…
MALUNGKOT NA PAMUMUKADKAD NG SAKURA*
Kay Noriko
Hindi
ako
mapasasaya
ng
pamumukadkad
ng
Cherry
sa siyudad
ng
Kyoto.
Wala
nang
mahika
ang
klasikang
pagtatanghal
ng
mga
geisha.
Anong
saysay
pa
ng
ritwal
na
Chanoyu.
marahil
ngayon
buwan
ng
Abril
ang
pinaka
malungkot
na
sandaling
masilayan
ang
mga
bulaklak
ng
Sakura.
kasabay
ng
aming
pamamaalam.
Emanzky88
14 Abril 2009
(c) 2009
* Napabilang ang tulang ito sa ANI 35 CCP (2009) The Pinoy As Asian. Nalathala sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)