2015-02-22 16.15.43

HIWAGA NG SAKURA
Kay Atsuko Yamagata

Mailap ang ngiti na may hinhin
makinis na kutis na kasing pino ng niyebe
buhok ay masinop na ipinusod
umayon ang kilos sa suot na kimono

Sa gunita ay gumuhit
ang barkong dumaong sa siyudad ng Kobe
nangarap na makainom ng sake
humigop nang mainit na sabaw ng ramen
makabili ng obra ni Ryunosuke Akutagawa
tuklasin ang misteryo ng geisha
umibig sa isang Haponesa

Humuni ang kulintang at tambol ni Edru
umindak ang mga hubad na paa
pumilantik ang mga matulis na daliri
umindayog ang mga kurbadang balakang
nagapi ang tagulaylay ng hinagpis
pagmamalaking ang dating magkaaway
ngayon ay isinisigaw
magkaibigan!
dalawang nakayapak na alagad ng sining
puso’t isip ay inihandog
sa entablado’y nagsalimbayan
kumumpas ang maingat na haplos ng pintura
iginuhit ang kulay tsokolate’t itim
nalikha’y mga maselang sanga
namulaklak ang parihabang kambas
ng namumulang Sakura.

Emanzky88
22 Pebrero 2015
10:00 n.g

© 2015 Kwentulang Marino

* Atsuko Yamagata ay isang haponesang “visual artist” na may diin sa kababaihan, histolohiya at kosmos. Nuong 2012 nagsimulang manirahan sa Pilipinas. Itinanghal ang kanyang likhang-sining na may temang “Fragmented Histology” sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang bahagi ng “Buwan ng Sining”. Imahen ay mula sa “livepainting” ni Atsuko Yamagata at Marie Ikura.

Advertisements

( Kay Lea )

 

Matamis na pangarap ang

mahigpit na iniwan.

Pinasasaya ng mga sobreng selyado

ibinabalita kung paano lumuha ng yelo,

mamukadkad ang mga bulaklak.

Sumilip

ang init at muling malagas.

Minanhid ang mga pangako at

tuwirang nalimot.

 

Hindi hadlang ang pluma at papel

na sumusukat sa mga tanong

mula sa makapangyarihang dayo.

Baluktot na dila’y natutong

tumuwid.

Banyagang salita’y tuwirang

nabatid.

 

Kinokompronta ang mga gunita

at ipinamumukha ang paglimot.

Sa pusong namahay ang kirot

hindi maikubling sa isang sulok

ay mayroon pa rin kurot.

Alam mong hindi na sa iyo

ang nakaraan.

Sa huli’y inangkin

ang kasalukuyan.

 

Pinatatag nang matinding

danas.

Sa lungkot at lamig ng siyudad

ay higit na lumakas.

Inilulan sa tren ang pait at saya

na lumalagos sa mga subway,

sa mga susing lungsod at nagmamadaling

unahan ang oras.

Taas noong sinasalubong ang iba’t ibang

mukha

ng multi-kulturalismo.

 

Masayang nilalagom ang

natitirang kislap

ng buhay.

 

At maningning na

ngumingiti sa

iyo.

Ang mga namumulaklak

na

Sakura.

 

Emanzky88

12 Hunyo 2010

 

© 2011 Kwentulang Marino

* imahe mula sa centralpark.com