Pebrero 2011


( Kay Lea )

 

Matamis na pangarap ang

mahigpit na iniwan.

Pinasasaya ng mga sobreng selyado

ibinabalita kung paano lumuha ng yelo,

mamukadkad ang mga bulaklak.

Sumilip

ang init at muling malagas.

Minanhid ang mga pangako at

tuwirang nalimot.

 

Hindi hadlang ang pluma at papel

na sumusukat sa mga tanong

mula sa makapangyarihang dayo.

Baluktot na dila’y natutong

tumuwid.

Banyagang salita’y tuwirang

nabatid.

 

Kinokompronta ang mga gunita

at ipinamumukha ang paglimot.

Sa pusong namahay ang kirot

hindi maikubling sa isang sulok

ay mayroon pa rin kurot.

Alam mong hindi na sa iyo

ang nakaraan.

Sa huli’y inangkin

ang kasalukuyan.

 

Pinatatag nang matinding

danas.

Sa lungkot at lamig ng siyudad

ay higit na lumakas.

Inilulan sa tren ang pait at saya

na lumalagos sa mga subway,

sa mga susing lungsod at nagmamadaling

unahan ang oras.

Taas noong sinasalubong ang iba’t ibang

mukha

ng multi-kulturalismo.

 

Masayang nilalagom ang

natitirang kislap

ng buhay.

 

At maningning na

ngumingiti sa

iyo.

Ang mga namumulaklak

na

Sakura.

 

Emanzky88

12 Hunyo 2010

 

© 2011 Kwentulang Marino

* imahe mula sa centralpark.com

Nagmartsa’ t nagkapit-bisig

umusal ng dalangin at

umawit

nilagyan ng bulaklak ang

nguso

ng kamatayan

kumain ang kawal

ng dilim

nilamay ang

gabi

sa lansangan

bayan ay

nagbunyi

umalis na ang

hari

lumuha

lumundag at

nagalak

nag-awitan may

yakapan

at sa bandang

huli

tinawag nila itong

rebolusyon!

Emanzky88
25 Pebrero 1992

© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa google


Pilit na ipinalunok
ang mga
butil ng rosaryo.
Madulas na goma
ikaw ay
umiwas.
Sa atas
ng mga nakaputing
roba
ito ay
binutas.
Pag-aakalang
walang tiyan
na lolobo,
walang batang
lalabas.

Sa tuktok
ng simboryo.
Patuloy na
umalulong
ang mga
lobo.

Emanzky88
2 Abril 2010

© 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa Google


Makulay. Buhay na
buhay. Nabanat
ang mga mukha. Tarsier
ang ipinalit sa malditang
si Gloria. Ngumisi naman
si Noy at Kristeta. Masaya
kong tinanggap ang bagong imprenta. Nabago
na nga ang papel na pera. Habang ang
mga heneral na sangkot
sa anomalya. Kahit sa pagdinig
sa kongreso at senado. Mga mukha
nila’y wala pa ring
ipinagbago.

Emanzky88
17 Pebrero 2011

© 2011 Kwentulang Marino
* imahe mula sa Google


Sinasalakay ako ng
matinding
kalungkutan.
Gusto ko sa iyong
ipaalam,
tapos na
ang hiniwa kong
petsay Baguio;
binudburan ng asin at
ibinabad sa isang litrong
tubig.
Ipinasok sa refrigerator at
ilang sandali
ay
malapit nang lumamig.
Nakapagdikdik na ako
ng
sili, bawang tagalog
at
luya.
Mamaya lang
ay handa
nang timplahin.
Bayaan mong
kanyawan
ko
ng sukang Iloko
ang ginamit na
dikdikan,
ihalo sa labanos na
hiniwa
nang may kanipisan,
gawing sawsawan sa
alimasag
na pinasingawan;
isabay sa
ginataang kalabasa at
tunsoy na inihaw.

Sinimot kong mabuti ang
tutong sa kaldero,
para maalis ang aking
umay;
nilantakan ko
ang ginawa mong
kalamay.

Sa kabila nito
ay dama ko ang
kawalan ng saya at
saysay.
Matamlay ‘ko sa
iyo itong
itineks
sa katotohanang hindi
kita…
kasalo.

Emanzky88
31 Enero 2007

© 2011 Kwentulang Marino

* Unang nalathala sa ANI 35 (2009) ‘The Pinoy as Asian’ – dyornal ng Cultural Center of the Philippines (CCP)
** imahe mula sa Google

“I hear babies cry, I watch them grow
They’ll learn much more than I’ll never know
And I think to myself what a wonderful world
Yes I think to myself what a wonderful world.”

– Louis Armstrong
What A Wonderful World

Ipinagkanulo ang dating pangulo. Nagtampisaw
sa regalong kapangyarihan at luho nang bagong amo. Inuusig
ng mga duguang mukha. Nabibingi
sa makinang palyadong kabaong na lumilipad. Tumataghoy
ang mga nabiyuda’t anak na naulila. Nangawit
ang marupok na tuhod ng matandang pensiyonado
sa minurang bangko. Kinimkim
nang ngumiwing bota ang mahabang giyera. Himutok
ang tugon sa mortar na hindi pumutok. Kalawangin
baril ay kumapit sa berdeng pumusyaw. Kapanalig
na ngumiting bala ang kumitil sa sariling tropa. Nangamoy
ang mga inimbentong resibo. Patuloy
na umawit ang mga testigo. Tanggi
ay hindi mabilang. Reputasyon
ay ipinagpilitan. Dugo
ay umagos sa puntod ng angkan. Pag-aakalang
malilinis ang lapidang nadungisan.

Ed Nelson R. Labao
8 Pebrero 2011
5:55 n.h

(c) 2011 Kwentulang Marino

Umaagos ang galit mula sa Ilog Nile. Tumagos sa siyudad
ng Alexandria, Suez at Cairo. Mga sigaw ay hindi
maampat sa dating bibig na may busal. Katawang iginapos ng retaso
tila ba binalsamo ngayon ay bumubulwak ang poot
tila ba nagdideliryo. Sa Tahrir Square
ay mga nagtipon at sabay-sabay na yumukod kay Allah.
Umuusal ng tatlong dekadang inhustisya.

Hosni Mubarak! Dinaig mo pa ang mga antigong reliko
Hosni Mubarak! Dinaig mo pa ang katropang si Marcos
Hosni Mubarak! Tuta ng mga kapitalistang Amerikano
Hosni Mubarak! Napagod na sa labas-masok sa inyong canal
barko naming pangalakal.
Ikaw pa rin ang may kontrol ng Ehipto.

Huwag gayahin si Ben Ali
ng Tunisia. Mga tuta pa rin
ang ipinuwesto sa mga bakanteng silya.
Huwag ipag-andutan sina Suleiman at Shafiq
Iisa lang ang amoy at kulay. Sa kumpas ni
Uncle Sam ay numero unong sunud-sunuran.

Mapayapang lisanin ang sentro. Tangkasin ang mga alipures
sampu ng pamilya. Hihintayin pa bang itusok sa mga tulis
ng Giza? Magtago na
sa pundiya ni Clinton at Obama.

Emanzky88
31 Enero 2011

© 2011 Kwentulang Marino