Agosto 2010


Tatlong gabi na ‘kong inaabala
nang paputol-putol na tulog.
Sinasalakay nang masidhing
inggit,

Yevgeny Yevtushenko!

Ano meron ka’t sinaksihan
at pinakinggan ang iyong
pagtula ng
42,000 katao?

Batbat daw ng kontrobersiya
ang iyong buhay.
Kwestyunable daw ang iyong
pampulitikang paninindigan.
Kompormista ang husga
ni Brodsky.

Pinasadahan ko
ang mga
obra ng mga dakilang
Ruso
baka sakaling sa kanila
ikaw ay humalaw
kay

Pushkin
Gorky
Turgunev
Tolstoy
Chekhov.

Yevgeny Yevtushenko!

ano ang meron ka’t
nabihag mo ang
42,000 katao?

hindi kaya sa iniinom
mong vodka na
Stolichnaya?

hindi kaya sa kinakain
mong masarap na
pelmeni?

hindi kaya sa lawa
ng iyong kamusmusan
sa lalim ng
Baikal?

Sinariwa kong muli
ang mga alaala,
tinalaktak ko
ang kahabaan ng
Deribasovskaya.
Pinagmasdan ang
kinukumpuning
Opera House.
Naglaboy sa mga museo
at parke. Tinitigan ko pa
ngang mabuti ang istatwa
ni Pushkin.
Minagdamag
nagpakalasing sa Irish Pub na
Mick O Neills. Sa inyong bayan
ko unang natikman
ang caviar.

Yevgeny Yevtushenko!

ano ang meron ka’t
nabihag mo ang
42,000 katao?

Hindi ko alam kung
ako’y nangangarap o
naalimpungatan

mukha ni Amado V. Hernandez
sa wari nakangisi’t nanunudyo,

“ hangal na makatang inggitero
lumilikha ng sining si

Yevgeny Yevtushenko

hindi sa wikang Ingles
hindi sa wikang Aleman
hindi sa wikang Espanyol
hindi sa wikang Pranses
hindi sa wikang Tsino
hindi sa wikang Filipino

sa sariling wika
umuugat, nagpupuri si

Yevgeny Yevtushenko!”

Emanzky88
29 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
imahe mula sa google

Advertisements

Nanalasa ang
ipuipo
sa loob ng
lumang bistro.

Saksi
ang makulay
na pinta at simbolo
ng dekada sitenta,
mga bilog na lamesa
ispayral na disenyong
silya.
Pinagdugtong na lagayang
mikropono,
pingas na instrumento.

Sasagka ba ang buhos
ng ulan?
Umagos na tubig sa
may bulwagan.
Patak sa kisame
sa pahina ay
iniwan.
Nabasang ispageti
at serbesang
pumusyaw.

Tinungayaw
ang mga
nabubundat
sa
piging.
Inuyam
ang mga
diyus-diyosan.
Sumingit na
umawit
ang mamang
may
baril.
Sinampal
ang mga
naghuhumindig
na titing
nalilibugan.

Nanalasa ang
ipuipo
sa loob ng
lumang bistro.

Walang nakaawat
sa
sumambulat
na
galit.

Emanzky88
24 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula kay Kislap

Kris wants to change Baby James
surname from Yap to Cojuangco-Aquino”
http://www.abs-cbnnews.com

Mapalad. Mapalad ang mga batang
kabilang sa mga
prominenteng apilyido’t angkan.

Angkan na gumuhit sa ating
kasaysayan.
Umugit sa ating
kamalayan
Cojuangco-Aquino
Zobel de Ayala
Yulo
Ledesma
Roxas-Araneta
Lopez
Madrigal.

Kumuti sa kamalayan
ang mga katawagang
Don at Doña
Señorito at Señorita.

Isinalin sa mga
nawindang na isipan
ang mga nalikhang
imahe
kapritso
maniobra
sampalataya
kulay
simbolo.

Malalim na itinanim
sa pundasyon ng kapangyarihan
ang kanilang mga
bihasang katiwala

may katiwala sa Palasyo
may katiwala sa Senado
may katiwala sa Kongreso
may katiwala sa Korte
may katiwala sa Militar
may katiwala sa Piitan
may katiwala sa Simbahan
may katiwala sa Midya
may katiwala sa Sining at Kultura.

Sagana. Saganang-sagana
sa mga
KATIWALA

Papalit-palit
Pasalin-salin

may alilang Abogado
may alilang Doktor
may alilang Diplomatiko
may alilang Obispo
may alilang Heneral
may alilang Intelektwal
may alilang Edukador
may alilang Pastor
may alilang Kolumnista
may alilang Komentarista
may alilang Artista
may alilang Teknokrat
may alilang Manunulat
may alilang Makata.

Sagana. Saganang-sagana
sa mga
ALILA.

Sagana. Saganang-sagana
sa mga
TIMAWA.

“James Yap seeks visitation rights to Baby James.”
– Philippine Entertainment Portal

Sayang. Sayang na sayang
at hawa lang
ang apilyido
sa tycoon na Tsinoy.

Angkan na gumuhit
sa ating kasaysayan.
Umugit sa ating
kamalayan.
Sy
Ty
Tan
Gokongwei
Yuchengco
Gotianun
Caktiong.

Nilamon ang kabuuang
dignidad.
Lumikha ng mekanikal
na buhay

may robot sa Mall
may robot sa Fastfood
may robot sa Pantalan
may robot sa Paliparan
may robot sa Call Center
may robot sa Bangko
may robot sa Pabrika
may robot sa Kabukiran
may robot sa Pabahay
may robot sa Abroad.

Sagana. Saganang-sagana
sa mga
ROBOT.

Masaklap. Masaklap
ang kinahinatnan.
Apilyidong taglay
sa impluwensya
abot sa kinagisnang bayan.
Sa laro ng bola
ang maipagmamalaking
katanyagan.

Iisa lang naman ang
ating sentimiyento
o minanhid
na ngang sentido
kwestyunin
ang iilang
APILYIDO.

Emanzky88
17 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa PEP

(LUNSAD-AKLAT)

Paparating na ang IPUIPO!
Mapalad na mapabilang sa kalipunan ng mga tula ang ilan sa tula mula sa KWENTULANG MARINO.
Bayaang manalasa ang IPUIPO SA PIGING!

“Sultan Sanjar wished to go hunting and asked Khayyam to select a day when the weather would be suitable. Khayyam, who did not believe in predicting the weather, reluctantly was forced to do so. The Sultan, who made all the necessary preparations on the specified day, ran into stormy weather and called upon Khayyam. To everyone’s
surprise, Khayyam assured him that all would soon be well. Sure enough, the weather cleared, and the Sultan went into the desert with an increased respect for his chief astronomer.”

– The Wine Of Wisdom
The Life, Poetry and Philosophy of
Omar Khayyam
Mehdi Aminrazavi

Ay! Kahabag-habag na siyentipiko
gumulong ang ulo sa putikang
bagaso.

Naturingang doktorado
salat naman sa dalubhasaang
bangketa ng Quiapo.

Prediksyon ay sumablay
sa paglinya ng mga bituin,
galaw ng alon
maging ang hangin
ay naiba ang
pagtingin.

Sa kanya’y isinisi
hiwalayang Kristeta’t James,
nabubulok na bigas
sa tinggalang NFA.
PGMA ay hindi mabweltahan
sa kongreso ay reyna-reynahan.
Bigong makapwesto ang mga
turko sa senado.
Sumuko kay Mercedita at
Renato.
Nagsilayas ang mga piloto
maging tropa ni Mang Tany
ay kasamang nag-alburuto.
Presyo ng mantika’t asukal
ay hinigop ng hanging
sumirit pataas.

Ano’t hindi inianunsyo
na may bagong pakulo
ang mga dugong asendero.
Usaping agraryo’y
tunay na inabuso.

Ay! Kahabag-habag na siyentipiko
gumulong ang ulo sa putikang
bagaso.

Salat sa pagbasang may
namumuong sigwa
heto’t sumusulak ang
nagngangalit
na
sigaw!

Emanzky88
9 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
imahe mula sa yahoo.com


(Kay Anabel)

Natuliro ang isip
sa balitang umagang kay ganda
sa nabubulok na tone-toneladang
bigas sa mga NFA warehouse,
na pumalo na sa
P55
ang bentahan ng
1 kilong asukal,
na pumalo na sa
P41
ang bentahan ng
1 tintong mantika.

Kinuskos na mabuti
ang 19 na taong makaranasang katawan
ng manipis na sabon panlaba.
Kinatas ng makapal na palad
ang natitirang laman ng shampoo
para sa kanyang mahabang
itimang buhok.
Tatlong beses na psssst
ang nguso ng mumurahing pabango
sa likod ng maliit na tainga
at namumutlang pulso.

Handa na ang sarili,
para ilako ang mga nalalantang
sampaguita.
Kahit na nga abutin
ng dilim,
sa mga bakanteng garahe
sa mga bakanteng lote.

Patuloy na kumayod.
Patuloy na umindayog.
Patuloy na lamutakin
ang mga talulot.

Hindi inalintana
ang mga sumisilip
na ilaw
sa yumuyugyog
na sasakyan.
Binayaang magbigay
hugis sa mga
nanunumbat na utong.
Binayaang maghumindig
ang kanilang mga
burat.
Binayaang malantad
ang mga
nambabarat.

Bukas, muli niyang wiwiligan
ng tubig ang mga
sampaguita
na bigay-soli ng kanyang mga
parukyanong lalaki.
Baka-sakaling
may ipambili

1 Lucky Me instant mami
P7
1 San Mig 3 in 1 coffee
P5
I Tide jumbo cut
P8
1 Rejoice shampoo promo
P5
1 Modess pad sanitary napkin
P5

Suma tutal
P30.

Emanzky88
6 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino