Tinisod ang siyento beynte pesos na mapulang rosas na alay. Hanap
ang mamahaling bulaklak na may tukod. Doo’y nakasulat
mga mararangal na personahe’t samahang naghandog. Maingay
na bandang malapiyesta ang tugtog. Dagsang-tao
na hinakot ng trak, dyip at ambulansya. Sa gloryeta’t
liwasan ay hindi magkasya. Magiting
na mga kabalyerong may palong sa ulo. Pumapagaspas
ang kapa’t kumikinang na espada. Nabundat
ang mga nagsidalo sa pagkaing naka-istayro. Hindi magkamayaw
sa kaway at talumpati ang mga kakandidato.

Niliglig ng kabayo ang kanyang tulirong ulo. Nakaraang taon
pala ang pagdiriwang na hanap nito. Ginamit
lang ang kaarawan ng kanyang amo.

Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumising-aso ang
kabayo
ni Gat Andres Bonifacio

Emanzky88
30 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
Ugnayan ang mga tulang ito- Pagkaawa Kay Bonifacio (2007) Nang Ngumisi Ang Kabayo ni Bonifacio (2009)
**
imahe mula sa flickr

(Kay Leonardi)

Namugto ang hamog sa malabay na dahon. Matamlay
na pumatak ang tubig sa siwang ng bato. Namait
ang malamig na inumin sa kumutim na bukal. Panaghoy
ang aninag ng buwan sa duguang damuhan. Dinilig
ng hapis ang mga katutubong ugat. Sukabang
punglo’y siyang itinudla’t sumugat.

Inulilang gubat ay muling dalawin. Sa pusod
nito’y malayang galugarin. Sa dalisdis
ay mga ilahas na halaman, bulaklak at puno. Lambing
ng payapang kamay, namanghang liwanag
at lumundag na sikdo –
masuyong hipuin, masuyong suriin. Wastong
dunong ay binyag ang pagsamo. Itanggi
sa dayuhan na lubusang ituring. Sa dakong
huli’y lubusang ariin.

Kaibigang silindro’y iluwal sa pagal na lukbutan. Haranahin
ang mga namutlang talulot. Diligin
ng matapat na berso. Binhing
pangarap na wari’y naudlot. Ituro
ang gamot sa bayang nauto.

Gunitang abo’y pananabik na ihasik ng palad. Pangakong
sa kagubatan ng Palanan-
sumanib. Yumakap.

Emanzky88
21 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa Inquirer

Muli akong nag-alay
sa nangungulilang bantayog ni Bonifacio,
isang pumpon ng mapupulang rosas
na binalot lang sa lumang diyaryo.
Gumalaw ang kaliwang
tuhod ng kabayo.
Ang kaninang nakayukong
ulo, tumutok sa
blangkong mukha ko.

Ngumisi nang matalim ang kabayo,
sumagad sa nangitim na gilagid
umusli ang gapalakol na
ngipin, tumulo ang
kanyang malapot na laway at
nagsabing,
“humingi ka muna ng permiso
sa punong tanggapan
ng isang mataas na departamento;
hindi na daw kailangang gunitain
sa bayang ito-
kaarawan ng aking amo.”

Hindi ko maiwasang
mapakamot sa nakakalbong ulo.

Ngumisi nang matalim ang kabayo
ngumisi,
ngumisi nang ngumisi,
ngumisi,
ngumisi nang ngumisi,
ngumisi lang
ang
kabayo
ni Gat Andres Bonifacio.

Emanzky88
16 Nobyembre 2009

* Isa sa limang tula na dapat ay kalahok sa isang kompetisyon. Dala ng ilan limitasyon ay di na umabot pa sa nakatakdang petsa ng pagsusumite. Karugtong ito ng aking tula na (“Pagkaawa Kay Bonifacio”Nobyembre 30, 2007) na ipinaskil din sa Kwentulang Marino. Gunitain natin ang kanyang ika- 146 na taong Kaarawan.

(c) 2009 Kwentulang Marino
_________________________________________

imahe flickr.com

Ilan taon na kitang pinapansin
tuwing sasapit ang a-treynta
ng nobyembre,
wala man lang
bulaklak
sa iyong rebulto.
tanging memorya’y
ang paglipat-lipatin ka,
sa iyong pwesto.
hindi ka ba nahihilo
o kaya’y nalilito?
hindi ka ba
naninibugho
kay Rizal at Ponce,
may alay ng bulaklak
sa programa ay kumpleto
rekado?
may hinanakit ka ba
kay mayor,
sa mga taong
munisipyo
samahang pangkasaysayan
at mamamayan ng bayan
ko?

Ipagpatawad
handog na isang pumpong na
rosas
sa ibabaw ng ‘yong
monumento.
sa palengke’y binili,
ibinalot lang sa
diyaryo.
huwag mong isiping
labis ang pagkaawa
o nakonsensya
sa kalagayan mo.
maaring kabaligtaran
pa nga ito.

Titindig ka nang may tikas
ipagsisigawan!
hindi ikaw ang tunay na
biktima,
kaawaan nang todo.
bagkus, kaming hindi
nakaunawa sa
tunay
na kasaysayan…1896
Rebolusyong Pilipino!

Emanzky88
30 Nobyembre 2007

© 2008 Kwentulang Marino
________________________________________

imahe flickr.com