JUSTICE KENTEX FIRE VICTIMS PIX
Mga Duguang Tsinelas
(Oda Sa Mga Manggagawa ng Kentex)

Bilang pagpupugay sa inyong kadakilaan
sa mga buhay na inialay
sa ngalan ng paggawa.

Bumili ako ng isang pares na asul na Havana
may sukat na sampung pulgadang haba
sa halagang animnapung piso
ay hindi ko tinangkang tawaran.
Tila nagyayabang ang disenyong
ribon sa plastik na lagayan

“Tsinelas ng Bayan”

Sumagi sa akin ang lupain ni Fidel Castro
ang makaysaysayang bansang Cuba
ang sentrong kapital na Havana
nagsulong ng rebolusyong Sosyalismo
may malasakit sa mga obrero

Balintuna sa tsinelas na hawak ko
nangangamoy usok ng pagkagahaman
masansang ang hangin sa lusaw na kalamnan
nakapinid ang lagusan ni kamatayan
tila mga manok na itinuring
sa alambre’y pinalibutan
kahit na nga pusa
ay hindi kayang matakasan
ng mga kalansay na nagsalansan.

Hihilab ang mga hindi natunawan
ang mga naimpatsong tiyan
sa masibang pagkamal.
Uusigin ng mga inuling na bungo’t buto
ang gabi ng bangungot
sa mga nagpabaya’t kasangkot.

Isasabit ko ang inyong
mga duguang tsinelas
sa sulok ng puso’t gunita
hihimasin ang lambot ng suwelas
ang maingat na pagbutas
patuloy na lalanghapin
sa mga makulay na dahon
ang nakaduduwal na amoy
nang pagkapabaya
patuloy kong madirinig
ang mga yapak ng panaghoy
sa isang banda
ang ngiti ng paglikhang kolektibo
sa isang produkto.

Manalig ka!

HUSTIYA ang aming ihuhugis
sa mga naulilang TSINELAS!

Emanzky88
15 Mayo 2015

© 2015 Kwentulang Marino

*imahen mula sa timesunion.com

Advertisements


Silang mga walang
mukha. Silang mga
nawawala. Naglaho na
ang mga determinadong mata. Naglaho na
ang mga mapambuskang ngiti. Naglaho na
ang buong PROFILE. Naglaho na
ang buong WALL. Naglaho na
ang buong ALBUM. Naglaho na
ang piling LINK. Naglaho na
ang paboritong VIDEO
Inipit
na mag-POST
Binusalan
na mag-COMMENT
Binulag
na mag-PM
Pinipi
na mag-CHAT
Ipinagkait
na mag-TAG
Pinagdamot
na mag-LIKE.

Tinortyur
ng mga katagang

Surveillance Unfriend Block
Spam Hide Trash
Delete.

Nangungulila.

Emanzky88
30 Agosto 2011

©2011 Kwentulang Marino

“I hear babies cry, I watch them grow
They’ll learn much more than I’ll never know
And I think to myself what a wonderful world
Yes I think to myself what a wonderful world.”

– Louis Armstrong
What A Wonderful World

Ipinagkanulo ang dating pangulo. Nagtampisaw
sa regalong kapangyarihan at luho nang bagong amo. Inuusig
ng mga duguang mukha. Nabibingi
sa makinang palyadong kabaong na lumilipad. Tumataghoy
ang mga nabiyuda’t anak na naulila. Nangawit
ang marupok na tuhod ng matandang pensiyonado
sa minurang bangko. Kinimkim
nang ngumiwing bota ang mahabang giyera. Himutok
ang tugon sa mortar na hindi pumutok. Kalawangin
baril ay kumapit sa berdeng pumusyaw. Kapanalig
na ngumiting bala ang kumitil sa sariling tropa. Nangamoy
ang mga inimbentong resibo. Patuloy
na umawit ang mga testigo. Tanggi
ay hindi mabilang. Reputasyon
ay ipinagpilitan. Dugo
ay umagos sa puntod ng angkan. Pag-aakalang
malilinis ang lapidang nadungisan.

Ed Nelson R. Labao
8 Pebrero 2011
5:55 n.h

(c) 2011 Kwentulang Marino

(Kay Leonardi)

Namugto ang hamog sa malabay na dahon. Matamlay
na pumatak ang tubig sa siwang ng bato. Namait
ang malamig na inumin sa kumutim na bukal. Panaghoy
ang aninag ng buwan sa duguang damuhan. Dinilig
ng hapis ang mga katutubong ugat. Sukabang
punglo’y siyang itinudla’t sumugat.

Inulilang gubat ay muling dalawin. Sa pusod
nito’y malayang galugarin. Sa dalisdis
ay mga ilahas na halaman, bulaklak at puno. Lambing
ng payapang kamay, namanghang liwanag
at lumundag na sikdo –
masuyong hipuin, masuyong suriin. Wastong
dunong ay binyag ang pagsamo. Itanggi
sa dayuhan na lubusang ituring. Sa dakong
huli’y lubusang ariin.

Kaibigang silindro’y iluwal sa pagal na lukbutan. Haranahin
ang mga namutlang talulot. Diligin
ng matapat na berso. Binhing
pangarap na wari’y naudlot. Ituro
ang gamot sa bayang nauto.

Gunitang abo’y pananabik na ihasik ng palad. Pangakong
sa kagubatan ng Palanan-
sumanib. Yumakap.

Emanzky88
21 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa Inquirer

Ayon sa daloy ng interogasyon,

1. Alam mo ba ang ibig sabihin ng BUNYAG?
2. Ikaw ba ang tiga-kamot ng buni sa bayag ni Ka Roger?
3. Katialis o Katinko ba ang ni-reseta mo?
4. Lisensyado ka bang doktor?
5. Anong PTR number mo?
6. Gumagamit ba ng Viagra si JMS?
7. Bakit nakadikit siya kay Asiah Agcaoli?
8. Kasama ka ba sa pag-istrol sa red light district sa Amsterdam?
9. Tumitigas pa ba ang manoy ni Satur?
10. Ilan beses nagpalaglag si Liza?
11. Ikaw ba ang bostsip nang pinaka-DOH?
12. Sino ang may STD sa HO?
13. Ilan ang bading at tibo sa kanila?
14. Marami ka bang niretokeng mukha?
15. Sino na ang nagpa noselift?
16. Bakit hinayaan mong mahulog sa bubong ang iyong lolo?
17. O baka naman itinulak mo?
18. Kadali mo naman magpalit ng asawa?
19. Nakapag-laglag luksa ka na ba?
20. Hindi ba hilot ka lang sa baryo?
21. Ma “L” ba ang mga nepz?
22. Ilan beses silang mag-dyugdyugan sa isang araw?
23. Marami bang supot sa kanila?
24. Ilan na ang iyong natule?
25. Malaki pala ang puday mo?
26. Doktor kwakwak ka daw?
27. Koda mo nga ba sa sona ay Mang Kepweng?
28. Kaya mo bang bigkasin ng apatnapu’t tatlong beses ang Hippocratic Oath?
29. E yung doctor, doctor I’m sick?
30. Sino ang patron ng mga doktor?
31. Alam mo ba ibig sabihin ng doktor kagaw?
32. Gumagamit ba ang mga amasona ng whisper?
33. O baka naman supot pa rin ng harina ang panapal nila pag may regla?
34. Cortal pa rin ba ang gamit mong pang-aborsyon?
35. Ilang sanggol na ang sinungkit mo ng hanger?
36. Ikaw ba ang chief abortionist ng mga bosing?
37. Marami ka na bang tinggang na koleksyon?
38. Gumagamit ba sila ng condom?
39. Ano ang kulay ng dugo nila?
40. Anong klaseng wine ang iniinom nila?
41. Angus steak ba ang laging kinakain ng tiga-komsen?
42. Ano na ang cholesterol level nila?
43. Putang ina! ngayon mo sabihing doktor ka, kaya mo bang
iligtas ang sarili mong buhay?

Kaisa-isang kasagutan ng manggagamot,

1. “Nagnanaknak na ang sugat, kapit na sa buong sistema at iyon ang aming ginagamot…”

16 Pebrero 2010
(c) 2010 KWENTULANG MARINO
______________________________
imahe pdi.net


Palitan mo ang kanyang utak. Bulungan mo siya araw-araw ng matatamis na salita. Busugin mo siya sa ibat-ibang posisyon o katungkulan. Palagi mong lalangisan ang kanyang mga tornilyo. Papaniwalain na siya ang pinaka-makapangyarihan sa kanyang nasasakupan. Lumikha ng mga EO na nagpapahintulot na armasan ang kanyang mga tauhan. Bayaan mong utos- utusan ang kapulisan at kasundaluhan. Bayaan mo lang siyang mandahas, manakot, kumitil ng maraming buhay. Bayaan mong magpapalit-palit ang kanilang angkan sa mga pwesto sa gobyerno. Mamunini sa angking yaman ng Mindanao. Kunsintihin ang walang habas na pag-masaker sa mga sibilyan, kababaihan, mamahayag at abogado. Bayaan mong bigyan katwiran ang Rido, baluktutin ang kautusan sa Koran at gamitin ang Islam para makapanlinlang. Bigyan siya ng pabuya sa bawat iutos at katiyakan ng kanyang katapatan sa iyo. Turuan mo siyang maging manhid sa mga hagulgol, maging sakim sa lahat ng bagay. Turuan mo siyang mandaya sa bawat halalan para sa katiyakan ng iyong pananatili sa kapangyarihan. Turuan mo siyang gayahin ang lahat ng iyong sasabihin, ikikilos, iisipin at ipag-uutos. Turuan mo siyang magbingi-bingihan sa mga sasabihin ng ibat-ibang samahang lokal at internasyunal, ng U.N Secretary General at mga lider ng mauunlad na bansa. Matutong magkibit-balikat sa mga titulong ipinupukol.Tratuhin mo siyang parang isang bata na mahaba ang buntot. Higit sa lahat, pag-aralan mong sa bandang huli ay kung paano ka niya hindi sakmalin.

(C) 2009 Kwentulang Marino
__________________________________________
imahe mula sa yahoo.news

Danjun Valcos Jr./ednelabao

” Ang paglilingkod at paghahandog kung
walang nakaugat na pag-ibig ay walang
kabuluhan at sa dakong huli ito ay
kasakiman”
– Danjun

Buhay mo’y tulad ng malayang taludtod,
malaya sa restriksyon
nang kasalukuyang lipunan.
Hindi mo alam lumikha ng tula
ngunit ang awitin
buhay
nang mga naapi’t pinagsasamantalahan
ay talos mo.
Di ka napasapat sa apat na sulok
ng iskwelahan,
kulturang bulok ay iyong tinalikdan.
Nangahas kang magtanong
sa buhay at lipunan.
Natuto mong pahalagahan
silang mga manggagawa’t magsasaka
sa dakong huli sila’y magbabalikwas,
mamumuno at magtatagumpay.
Dugong natigmak sa tigang na lupa
ang siyang magdidilig sa mga binhi
nang makabagong buhay
para sa isang aklasang – bayan!

Emanzky88
1 Nobyembre 1986

(c) 2009 Kwentulang Marino

* Pangalawang tula sa pagtatangkang lumangoy sa daigdig ng panulaan. Unang nalathala sa isang “campus newspaper” sa pangalan Kintero Maglaya