noodles ni villar Ang pagkain ay isang sukatan kung ano ang katatayuan ng isang tao o lipunan. Natatandaan ko pa nu’n, mga tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan. Pag tinanong ka kung ano ang inyong ulam o iniulam, bantulot kang sagutin laluna’t umiiral ang iyong hiya-“tuyo (dried fish o bulad sa kabisayaan) lang po” nung panahon na yun, pag nag-ulam ka ng tuyo e nasa level ka ng mahirap na pamilya. Pero ngayon hindi ka na dapat mahiya, dahil ang 1kl. ng tuyong kaliskis ay umaabot sa 160-200 piso. Tambok o lapad ay 250-300 piso ang 1 kl.

Matapos ang yugto ng tuyo, daing o bulad ay pumasok naman tayo sa yugto ng Galunggong. Sa panahon bago at maluklok ang namayapang presidente na si Cory Aquino. Ang isdang galunggong ay kinokonsidera na mababang uri o pagkain lang ng mga purdoy. Kaya’t napalitan naman na “GG lang po ang ulam namin.”

Ngayong namatay na si Pres. Cory Aquino ang isdang GG ay di na pagkain ng purdoy. Ang sukatan kung ikaw ay naghihirap ay ang madalas mong pagkain ng instant noodles mula umaga hanggang gabi, sasabawan mo ito ng ilan pitsel na tubig para mapagkasya sa buong myembro ng pamilya.

Ba’t na naman naungkat ito? Dati mo na yata itong nai-post? Maaring sagot ng ilan nakakabasa ng aking mga ipinaskil.

BInagabag lang kasi ko ng mga napagkikita kong instant noodles at bottled water na ipinamimigay sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng.
bottled water annette helbig
Sa pakiwari ko hindi lang ngayon ito ipamimigay sa panahon ng kalamidad. Magpapatuloy ito hanggang sa panahon ng kampayahan o eleksyon. Syempre pa, nasa balatkayo pa rin ito ng patuloy na pagtulong sa mga nasalanta. Kung dati ay ipinamimigay lang ng mga kandidato ay mula sa t-shirt, pamaypay, payong, kendi, bag, kalendaryo, semento, poso, yero, buhangin at bato.

Bubuhos ang mga pang-konsumong produkto na kailangang-kailangan ng pangkaraniwan o nagdarahop na masang pinoy. Babaha ang mga instant noodles, mga naka-sachet na 3 in 1 coffee, shampoo, sarsarap, patis, catsup, toyo, cooking oil. Kaibahan lang nito ay nakapaskil ang mga mukha ng kandidato at naghuhumiyaw nilang pangalan.

Para sa iba, isa itong katawa-tawa at insulto sa malawak na masa. Sa isang banda, para sa mga politikong may ganitong ideya, bukod sa nakatitipid, epektibo din itong ko-konekta sa masa. Alam ng mga nasa likod nito na ang masang pinoy ay gaya ng isang instant noodles – madaling makalimot, madaling mapagpatawad,madaling bumigay; sentimental o emosyunal, kakapit sa patalim kapag sikmura ay kumakalam, matiisin at madaling paikutin. Hindi nila kukutwesyunin kung bakit nakapaskil ang mukha ng isang kandidato sa mga nasabing produkto. Sabihin mo man iyon ay isang diktadur o asawa ng isang diktadur, protektor ng mga gambling lord, maraming pinapatay, sipsip sa U.S, sangkot sa ZTE o C5 scandal at kumakain sa mga mamahaling restawran. Walang puwang ang mga katanungan, walang puwang ang sino at bakit kami binibigyan…walang puwang ang pagtanggi.

Kung dati ang mga nagpapagawa lang nito ay mga malalaking fastfood chain, hotel o mga kumpanyang may ispesyal na pag-gagamitan. Ang mga kandidato o politiko ay pumasok at papasok na rin sa ganitong larangan.

Para sa malalaking negosyo. Tingin ko’y hindi sila nangangamba na ma-apektuhan ang kanilang negosyo o produkto kung ilalagay nila ang mukha ng isang diktadur o politikong batbat ng anomalya at pandarambong, iba pang krimen laban sa bayan. Katwiran nila, kami yung naasahan ninyo sa panahon ng may kalamidad ang bansa, kami ang nag-uulat sa mga kaganapan kahit na nga walang patalastas, kami ang nagpapadala ng mga tone-toneladang sardinas, noodles, gamot, blanket. Parang manok na di ma pa-itlog ang aming mga foundation kung paano kami tutulong. Kami na inuuna ang kapakanan ng mamamayang Pilipino bago tubo.

Nabugbog na ang pangkaraniwang masa ng patalastas sa telebisyon. Napasaya na kami ng mga telenovela, nanalo na kami ng milyon-milyon sa mga pa-kontes at pa-raffle.Napaiyak na kami ng inyong mga proyekto para sa mga batang walang pampaaral sa hayskul.Napapaniwala na kami ng mga sikat na nag-indorso ng nasabing produkto – na ito’y walang lason, nakapag-papayat, nakabubusog, nakapag-papatalino, nagpapatawad at natututong magmahal.

Kaya’t walang problema kung ito’y ipamimigay, ipamumudmod sa panahon ng kampayahan. Bumaha ng limpak-limpak na pera at pangunahing kailangan ng masa. Magpapakalunod kami sa sabaw ng noodles, magpipista kami sa ibat-ibang putahe ng instant ulam na de lata, malalasing kami sa iba-ibat klase ng kape, ipanghuhugas namin ang mga bote-botelyang tubig sa inaalipunga naming mga paa. Hahalimuyak ang aming putikan buhok sa ibat-ibang klase ng shampoo. Dahil ang lahat ng ito’y sa amin din nanggaling.
0e4c18fe615f7946
Ang ikinatatakot ko lang. Huwag sana silang maging kampanteng mga politikong gumagawa at gagawa nito. Baka sa pagkain ng pankaraniwang masa na kanilang animo mumong kanin ipinamudmod ay biglang kabagan at hindi matunawan, umakyat sa kanilang ulo – mahimasmasan at tuluyang matauhan. Sumuka…isuka…sumuka nang sumuka…isuka nang isuka.

(c) Karapatang-ari 2009 Kwentulang Marino

* litrato sa noodles ni Tina Bustamante Tubongbanua
litrato sa botelyang tubig ni Annette Helbig
sumusukang payaso mula sa news.yahoo.com

For : Both of you !!

Maybe because I spare long time with you.
That’s why I can not forget both of you.
Maybe If you go. I will sad.
You make me Happy. and sometimes you make
me crazy.
If you will go from me. Why you make me
like this.

Why you give me only a little time
and you will go
and forget me!
and maybe you will take another girl in
other port
and you will “FORGET” me.
You know because maybe “I like You”
and I will Miss You.

And please remember if you to other port.
If you want me to come please call me.
It’s my phone number: 0542-600744*

From Me
Erwinda

*sa mga hindi po nasubaybayan ang Erwinda’s Journey, ang nakalagay pong tel.no.ay hindi na tunay para ingatan ang kapakanan ni Erwinda.
maraming salamat po- Kwentulang Marino.