“Three days before the official end of the US combat mission in Iraq. US President Barack Obama said yesterday that the war in the country was “ending” and called Iraq a “sovereign” nation free to determine its own destiny.”

– Obama: Iraq war ending
The Philippine Star
August 29, 2010

Matingkad ang anino ni Mckinley sa postura ni Obama. Umaalingawngaw
ang sigaw ng “Manifest Destiny” sa malawak na ubasan ni Martha.

Mayabang na ipinangalandaka ang wasiwas ng demokrasya. Pinagana
ang mga institusyon. Itinalaga
ang mga maasahang kamelyo. Tiniyak
na ligtas ang mga tinggalan ng langis. Muling itinayo,
kinumpuni ang mga daan, riles, paliparan, sistemang patubigan,
kuryente, telekomunikasyon, bangko at pang-konsumo. Lahat ng ito
sa tulong ng mapagpalang korporasyon ng US. Bukas-palad
ang pautang ng Ex-Im Bank. Sige lang
na magkanda-baon sa utang!

Hintay lang! Paparating na ang mga
naglalaway na korporasyong Amerikano. Piliin
ang natipuhan sa mahabang listahan,

1. America Cargo Transport Company – Seattle, Wash.
2. Bell Helicopter Textron, Inc. – Fort Worth, Texas
3. Bond Building Systems, Inc. – Fort Lauderdale, Fla.
4. CSECO – Alameda, Calif.
5. Flatter & Associates – Stafford, Va.
6. General Electric – Schenectady, N.Y.
7. ICON Global Architectural Engineering – Bloomfield Hill, Mich.
8. KT Engineering – Rancho Dominguez, Calif.
9. Newport Global Group, Ltd. – Middletown, R.I.
10. Omnitrans Corporation – New York, N.Y.
11. Sallyport Global Holdings – Bridgeville, Pa.
12. Ted Jacob Engineering Group – Oakland, Calif.
13. The Boeing Corporation – Chicago, Ill.
14. TVC-MaxCell – Annville, Penn.
15. Wamar International Inc. – Simi Valley, Calif.

Tapos na ang tungkulin ng mga mersenaryo
sa dokrina ng kapayapaan. Bibigyang pugay
ang 4,400 nagbuwis ng buhay. Mga sumabog na bungo,
lumuwang mata, nalasog na bituka. Iuwi
ang marami pang ikinubling bangkay. Aaluin
ang mga inagawan ng katinuan, nawalan ng paningin,
biningi ng karahasan at inutil ng digmaan.

Ipagpag ang kanilang mga namantsahang uniporme. Umaamoy
ang pulbura at masangsang na dugo. Titigan mabuti
ang kumikislap na medalya. Paulit-ulit na
ikukuti sa ngalan ng demokrasya. Laban
sa mga berdugong terorista.

Panadaliang mamahinga ang mga mersernaryo. Mag-istratedyais
ang mga gahamang korporasyon. Pangambang
baka makaporma sa Afghanistan at Sentral Asya
mga tagasunod ng ayatollah.

Sa ngalan ng “Global War on Terror”
wangwang ng “Axis of Evil”
mga sundalo’t kapanalig ng US. Turing
sa inyo’y masahol pa sa isang mersenaryo. Malapit
na muli kayong idestino!

Emanzky88
2 Setyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa wikipedia.org