d7a3a0af4fe55c4cSa kultura nating mga Filipino, ang hindi pagpansin o pag-istima sa isang bisita ay “kawalang modo”. Kahit na isang presidente lang na galing sa Carribean o Pacific Island at malaki pa ang Babuyan Island na may ilan libo lang ang populasyon, mainit natin itong winewelkam.

Nitong nakaraang linggo na pangyayari sa National Prayer Breakfast (Interfaith ba o para maligtas sa patuloy na pagbulusok ng U.S economy?) sa Washington, tanging si dating British PM Tony Blair lang binigyang pansin o binati ni U.S Pres. Barack Obama (pagtatanggol naman ng mga tagapagsalita “di naman daw nag-abot), kabawasan ba naman kung i-acknlowledge ang presensya ni GMA, s’yempre naman titimbre ang punong-abala kung sino ang mga VIP, lumabas tuloy na “gate crasher” sa mata ng iba ang pangyayarari. Sabagay hindi lang ilang beses na tinangkang makadaupang-palad ni GMA si Obama mula sa pagkampanya hanggang sa pagkapanalo, bigo ang lahat nang pagsisikap. Napa-paraynoyd na tuloy ang ilan sa ating mga kababayan (kabilang na ko!?) – komo ba naman isang mahirap na bansa tayo at laging nangangayupapa sa bawat presidente ng U.S eh gaganunin na tayo. O baka naman namemersonal na itong si Obama komo sinasabi nang iba na mas malaki ang kiling ni PGMA ke Bush, nabubuo tuloy ang impresyon suplado o isnabero si Obama o baka naman may “cordon sanitaire” na! .Pero teka, hindi kaya tayo ang me problema?

Sociology I at II lang ang ‘tanda ‘kong na teyk-ap n’ung kolehiyo, kaya di pwede ‘kong mag-astang Sociologist, pero sa karanasan, hindi naman siguro matatawaran ang mga naakumula ko nang pakikipagbuno sa buhay.

Karaniwan ay hindi natin napapansin at ‘yun pala’y isa ng kalakaran o nagiging psayke na ng ating lipunan. Kadalasan kumukuha tayo ng magiging ninong o ninang ng ating mga anak mula sa binyag, kasal hanggang sa pagkamatay (proud tayo na dumalaw sila) eh ‘yung sikat, politiko, me sinasabi sa lipunan. Hindi naman masama ‘yun, ang masama eh hindi naman natin kilala nang malalim o personal, mabilis pa sa resulta ng eleksyon sa U.S eh kinukuha na, gusto nating naka-asosyet tayo ke mayor, kongresman, gobernor, senador hanggang sa kapitan ng barangay, sa isang artista, nakakaramdam tayo ng dagdag na lakas at impluwensya, nahuhugasan ang ating pagkatao laluna’y basa na ating image. Hindi masama ang makipag-ugnayan sa kanila laluna’t may integridad ka naman pinanghahawakan at hindi sa gusto mo lang magpa-piktyur at voila! Tanggal na ang kasalanan mo sa katawan dahil humalik ka sa kamay ng papa sa Roma, kasama kang bumuhat sa ring sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao , “makalaglag panty” kang nginitian at mainit kang kinamayan ni Obama.

Sa mga pistahan at iba pang okasyon, kahit hindi sila (karaniwan sa mga politiko) ang guest speaker i-anowns mo na ang kanilang presensya eh gusto pang magtalumpati at monopolyohin ang programa. Sa patay kunwari’y nakikiramay kasabay nito’y pangangapamya sa umpukan.

May isa ‘kong kaibigan na dating “political operator” ng isang kongresista, marami ang nagtataka at nagtatanong.

“kung dikit ka ke kongresman, ba’t di kita napagkikitang laging kasama nu’n kampanyahan?” at “ba’t hindi mo man lang nakukumbida kapag may okasyon sa inyo?” tanong na magkahalong nagugulimihanan at nang-uuyam na isang kapitan ng barangay.

“Hindi ko po papel ‘yun kasama s’yang magkakaway sa kampayahan at kumbidahin s’ya sa bahay para lang maipakita sa aking mga kapitbahay na malakas ako ke kongresman” timpi n’yang sagot.

Kaya’t sa pangyayari sa hindi pag beso-beso, at umpugan-siko ng dalawang presidente, ‘wag na nating palakihin pa ang isyu. Ang ipinunta n’ya doon ay para sa mga beteranong pinoy. May tamang protocol, tutal di naman ‘yun “state visit.” ang asahan na nating sagot.

Sabi nga ng nanay ‘kong hindi nakapag-aral (daig pa ang titulado), nu’ng sya pa’y nabubuhay “alam mo kung saan ka lulugar, hindi ‘yun para kang isang langaw na natuntong sa kalabaw – gagamit ka nang impluwensya para sa pansariling kapakanan”

(c) 2009 Kwentulang Marino