Linggo, Nobyembre 1st, 2009


imahe mula sa www.postcards.orgUndas, todos los santos, araw ng mga patay – kahit pa nga sabihing magkakaiba ito at iba ang selebrasyon ng Nobyembre a-uno at a-dos, para sa akin at sa iba pang bata at sa marami pang pinoy iisa lang ito.

Isa ito sa mahalagang okasyon sa mga pinoy laluna’t ang mga katolikong pinoy. Daan din ito ng pagsasama-sama o muling pagkikita ng myembro ng pamilya para dalawin ang puntod ng kanilang mahal sa buhay.

Pano ko malilimutan ang paghahanda ni Inang ng babaunin pagkain para dalin sa sementeryo. Igagayak sa basket na kawayan o yantok ang ginataan beroke o bilo-bilo kasama na ang inangit na kanin (malagkit rice) kundi man ay ginataang pinipig at pansit.
Sakay kami sa karitela para pumunta ng bayan.

Siksikan ang mga tao, kadalasan ay nagkakatulakan pa at maapakan pa ang iyong tsinelas, pag minamalas-malas ka ay pwede pa itong mapigtas. Maraming nagtitinda ng kakanin o pondahan, hindi pa bawal ang magbili ng mga alak na nakalalasing. Sa ibang lugar maagang nagsisiuwi ang mga tao, sa bayan namin ay mas masaya dahil inaabot nang magdamag.

Kinakailangang makaipon kami ng kandila. Minsan ay di pa talaga nauubos o namamatay ang kandila ng ibang nitso na aming kinukuhanan ay inaagad na namin. Iba naman bata ay ibinebenta ito para muling gawin kandila, gamit ang timbangang bakal na pahaba- may kawit ito para sabitan. Binibiyak na rin ito nun bumibili dahil may mga pilyong bata na nilalagyan ng bato o bagay na pampabigat sa loob para lumakas ang timbang. Syempre pa, ang nasabing pag-iipon ay utos sa amin ng titser para gawing floorwax. Syempre pa, may dagdag daw itong grade sa bawat makapagdadala.

Naghahanap din kami ng pinakamatandang nitso base sa nakalistang petsa sa lapida ng kanilang kapanganakan at kamatayan.

May pagkakataon din na umuusyoso kami sa pabalitang pupunta si Victor Wood para dalawin ang kanyang tatay. Hindi magkamayaw ang mga tao, syempre pa e artista.

Ito din ang panahon o pagkakataon para magtanan, kaya kung may kapatid kang dalaga ay mahigpit na ibibilin ng mga kani-kanilang magulang na batanyang mabuti ang kanilang ate. Pag nagkataon ay balita na kinabukasan na nagtanan o sumama na sa kanyang boypren.

Lumilibot din kami sa mga musuleo o libingan ng mga mayayaman. Ito din ang panahon na may nanganga-rolin, mas kilala sa “nangangaluwa” tatapatan mo ang isang bahay at kakantahan ng -“kaluluwa’y dumaratal, sa tapat ng durungawan, baka po kami ay mapagsaran…” bibigyan ka ng pera at pwede din sabihin sa iyo na “patatawarin po”

Ang mga ibang di makakapunta sa sementeryo ay nagtutulos sa kanilang harap o pintuan ng bahay, bukod sa pag-alaala sa kanilang namatay na mahal sa buhay, para din daw huwag pumasok ang mga kaluluwa o ispiritung – gala.

Simple lang ang mga bulaklak, pwede kang kumuha ng bulaklak ng water lily sa ilog o sapa, itutusok ito sa pinaka-stalk o kaya ay sa pinaka ubod ng saging, pwede din itong dagdagan ng bulaklak na gumamela, may mabibili din sa bayan ng bulaklak na mabaho kaya’t karaniwang sasabihin sa iyo na bulaklak ng patay.

Sa mayayaman, makikita mo ang matataba at kulay pulang kandila na may disenyo ng dragon. Mga lapidang marmol. Mga mamahaling bulaklak gaya ng orkids, rosas atbp.

Ngayon, paunti na ang pumupunta ng sementeryo, hindi na iyon ang panahon ng aking kamusmusan na tinatawag na “hindi mahulugang karayom” Marami na rin ang umuuwi ng maaga. Bumubuo ako ng mga katanungan at kasagutan – wala lang bang pamasahe na ang marami sa mga tao? O marami na ring sakahan ang kinombert sa sementeryo? O unti-unti na ring lumilipas ang isang tradisyon o kultura? O hindi na rin naniniwala ang marami sa naggalang kaluluwa o ispiritu? O kaunti na rin ang nagsisindi ng kandila dahil krisis. O alam na nang marami ang pagsisindi ng kandila ay pwedeng makapagpalala pa sa global warming?

Hindi na rin kaya naniniwala ang marami na kapag undas ay nag-istrol ang mga kaluluwa’t ispiritu? Ba’t nga ba hindi minumulto ng mga alumpihit na kaluluwa ang mga gumawa sa kanilang kalapastanganan o tulak ng kanilang kamatayan? Yung mga nang salbeyds, nagbulsa ng pondo ng gobyerno – kaya mahina ang pagkakagawa ng dam at nagtulak ng malaking kalamidad, yung mga nagbibigay ng permiso sa pagmimina na naging bunga para tabunan ng buhay ang isang bayan o mga barangay. Yung mga namatay sa gutom at sakit dahil marami sa mga nasa namumuno sa bansa ang kumakain sa mamahaling restawran. Nagtataka lang ako o baka ikaw din, ba’t di man lang sila kalabitin ng mga momo?

Sabi nang iba, pagpatay na raw ang isang tao parehas lang daw ang katatayuan ng isang mayaman at mahirap. Ewan ko kung tama nga ba yun ganun argumento. Ngayon hindi na ako bata at may uban na rin ang aking ulo, paminsan minsan ay kumukurot sa akin ang inggit. Yung mga libingan ng mayayaman ay may sariling banyo, may second floor, may kusina, may sala, nandoon ang maraming pagkain at inumin. Pero at pero, siguro…siguro wala akong K na ma-nguwestyon, sorry di ka nagsikap, di ka nagmula sa angkan ng mayayaman, di ka nagmula sa mga prominenteng angkan ng politiko at may sinabi, di ka nagmula sa mga angkan ng malalawak ang lupain, hindi ka nagmula sa panahon pa lang ng Kastila ay makapangyarihan na ang kanilang pamilya, panahon ng Amerikano, panahon ng Hapon, panahon ng Komonwelt, panahon ni Marcos, hanggang sa panahon ni Gloria, hanggang sa panahon na ito’y hindi naka-igpaw ang inyong angkan o pamilya sa ganun katatayuan sa lipunan.

Sori, dahil mas sila ang pinagpala , sori, dahil mas malapit sila sa simbahan, sori, kung anurin nang rumaragasang agos ang inyong libingan, sori, kung matatag ang pundasyon at nitso ng mayayaman at sila ang mas kinasihan ng nasa itaas at makapangyarihan, sori, kung kagat-kagat ng asong-gala ang mga buto’t kalansay ng iyong tatay, nanay, kapatid at kanu-nunuan.

“Sori, huwag ninyo kaming sisihin kung magkaiba ang katatayuan natin hanggang sa libingan at kamatayan” – bulong sa akin ng isang konyong momo.

(C) 2009, Kwentulang Marino
*imahe mula sa http://www.postcards.org

Danjun Valcos Jr./ednelabao

” Ang paglilingkod at paghahandog kung
walang nakaugat na pag-ibig ay walang
kabuluhan at sa dakong huli ito ay
kasakiman”
– Danjun

Buhay mo’y tulad ng malayang taludtod,
malaya sa restriksyon
nang kasalukuyang lipunan.
Hindi mo alam lumikha ng tula
ngunit ang awitin
buhay
nang mga naapi’t pinagsasamantalahan
ay talos mo.
Di ka napasapat sa apat na sulok
ng iskwelahan,
kulturang bulok ay iyong tinalikdan.
Nangahas kang magtanong
sa buhay at lipunan.
Natuto mong pahalagahan
silang mga manggagawa’t magsasaka
sa dakong huli sila’y magbabalikwas,
mamumuno at magtatagumpay.
Dugong natigmak sa tigang na lupa
ang siyang magdidilig sa mga binhi
nang makabagong buhay
para sa isang aklasang – bayan!

Emanzky88
1 Nobyembre 1986

(c) 2009 Kwentulang Marino

* Pangalawang tula sa pagtatangkang lumangoy sa daigdig ng panulaan. Unang nalathala sa isang “campus newspaper” sa pangalan Kintero Maglaya